Editoryal

Patuloy na pasakit sa taumbayan


Sa huling tatlong taon ni Marcos Jr., dapat lalo pang igiit ng mamamayang Pilipino ang makatuwirang panawagan para ibaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ng langis at pagkain. Dapat ding tuloy-tuloy na ipaglaban ang makabuluhang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa.

Kasabay ng pag-atake ng Zionistang Israel at Estados Unidos sa Iran, inasahan ang pandaigdigang pagtaas ng presyo sa bentahan ng langis.

Noong Hun. 24, nasa P5 ang taas-presyo sa kada litro ng diesel, P3 sa gasolina at P4 sa kerosene. Hindi napigilang magkumahog ng mga motorista sa mga gasolinahan bago ang itinakdang pagtaas.

Nakadepende ang ating ekonomiya sa inaangkat na langis mula Gitnang Silangan at ang paggalaw sa presyo nito ay magpapagalaw din sa presyo ng iba pang bilihin. 

Sa tala ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), nasa P10 na ang itinaas ng presyo ng diesel mula Enero. Kung kukuwentahin, nasa P300 ang dagdag-gastos ng mga tsuper sa diesel at nasa P7,500 ang nababawas sa naiuuwi sa kanilang mga pamilya kada buwan.

Para sa mga tsuper, kapag hindi bumaba ang presyo, mapipilitan din silang magtaas ng pamasahe para kahit papaano’y kumita. Hindi lang pamasahe ang mapipilitang magtaas, kahit ang mga magsasaka at mangingisda na gumagastos din sa krudo. Walang duda, pasakit na naman sa taumbayan. 

Sa harap nito, inutil at walang kongkretong solusyon ang gobyerno. Hindi itinanggi ni Department of Energy Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na ang pagtataas ng presyo ay buhat lang ng espekulasyon. Wala pa aniyang direktang epekto ito sa suplay ng langis. Sa kabila nito, walang kongkretong hakbang ang gobyerno para pigilan ang pagtataas ng presyo.

Itinali na kasi ng gobyerno ang mga kamay nito sa deregularisadong industriya ng langis. Ibinigay nang buo sa malalaking korporasyon ng langis ang kapangyarihang idikta ang presyo at hawakan ang suplay at ang merkado na nauwi na sa monopolisadong industriya.

Para sa Piston, hindi giyera sa Gitnang Silangan ang salarin sa pagtataas ng presyo ng langis kundi ang monopolyo sa industriya. 

Ang katiting na pananagutan mula sa mga kompanya ng langis na ipaliwanag ang kanilang pagtataas ng presyo, tinatakasan pa. Noong 2019, hinarangan ng mga samahan ng malalaking kompanya ng langis, gaya ng Caltex, Petron, Shell at Total, ang Department Circular No. DC2019-05-0008, na nag-uutos sa kanilang maglabas ng breakdown ng kanilang pagtataas ng presyo.

Sa desisyon ng Korte Suprema noong 2024, kinatigan nito na dapat maglabas ng breakdown ang mga kompanya ng langis tuwing magtataas ng singil. Ani Associate Justice Ramon Hernando, “mahirap paniwalaan” na hindi kayang maglabas ng mga kompanya ng langis ng breakdown at hindi umano ito paglabag sa kanilang karapatan.

Sa kabila ng paborableng desisyon ng hudikatura, inutil pa rin ang gobyerno. Hanggang ngayon, walang pananagutan mula sa mga kompanya ng langis kung saan talaga napupunta ang itinataas na singil. Hindi nakapagtataka kung sa supertubo lang ito napupunta, lalo pa’t tuloy-tuloy lang ang paglago ng kita kada taon ng mga kompanyang ito. 

Isa pa sanang maaaring magawa ng gobyerno para ibsan ang paghihirap ng mamamayan ay ang pag-aalis o pagsuspinde ng value added tax at excise tax sa langis.

Sa tala ng grupong Gabriela, hindi bababa ng P6 ang mababawas agad sa presyo ng langis kung aalisin ang mga buwis na ito. Imbis na buwisan ang mga produktong palagiang kinokonsumo, higit na mas malaki ang kikitain ng gobyerno kung ang bubuwisan nila’y ang mga korporasyon at bilyonaryo sa bansa.

Ngunit, inutil na naman dyan ang gobyerno, kagaya ng mga nagdaang rehimen, puro benepisyo at alwan sa malalaking negosyo ang ibinibigay ni Ferdinand Marcos Jr., habang tinataga ang mahihirap at ordinaryong manggagawa.

Ang tugon ng rehimeng Marcos Jr.: ayuda. Pinagkakasya ng rehimen ang taumbayan sa tingi-tinging ayuda, na kahit ang mismong gobyerno ay hindi alam paano pagkakasyahin ang pondo sa mga apektadong motorista, magsasaka at mangingisda. Panandaliang alwan para sa isang sistematikong problema.

Ang pangmatagalang solusyon kagaya ng pag-aalis ng mga pasakit na buwis sa mamamayan, pagsasabansa muli ng industriya ng langis at kahit ang pagtataas ng sahod sa nakabubuhay na antas, ay wala sa priyoridad ng rehimeng Marcos Jr. 

Sa huling tatlong taon ni Marcos Jr., dapat lalo pang igiit ng mamamayang Pilipino ang makatuwirang panawagan para ibaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ng langis at pagkain. Dapat ding tuloy-tuloy na ipaglaban ang makabuluhang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa.

Hangga’t hawak ng iilan ang industriya ng langis, kita at tubo ang priyoridad kaysa kapakanan at karapatan ng mga manggagawa at ordinaryong naghahanpbuhay, patuloy na pasakit at paghihirap ang daranasin ng taumbayan.