Main Story

Buwis sa bawat gastos at bilihin 

,

Isang usaping panlipunan ang pagbubuwis kung sino ang dapat magpasan ng bigat ng pagpapatakbo ng estado at kung paano maipapamahagi nang mas makatarungan ang pasaning iyon.

Sa isang low-cost housing subdivision sa Quezon City, matatagpuan si Aling Taret, 50, na abala sa kanyang ihawan. Pagsapit ng hapon, unti-unting dumarami ang mga bumibiling mga kapitbahay na pangmeryenda o pang-ulam na rin sa hapunan. 

Lampas dalawang dekada na siyang nagtitinda. Mula 2000, dito na umiikot ang kanyang kabuhayan na nagsilbing pamamaraan para maitaguyod ang kanyang pamilya. Hindi man kalakihan ang kita, naging sapat ito upang mairaos ang pang-araw-araw: makapagluto ng almusal, tanghalian at hapunan para sa anim na miyembro ng pamilya at makapagbayad ng kuryente at tubig sa bahay. 

Sa puhunang P3,000 kada araw, masuwerte na kung mauubos ang kanyang paninda at aabot sa P4,000 ang kita bago matapos ang gabi. 

“Dati P80 lang ang [kada] kilo ng baboy,” kuwento niya. “Ngayon nasa P300 na.” Dahil dito, mula sa dating P12 kada stick ng barbecue, P30 na ang benta niya ngayon.  

Sa bawat pagtaas ng presyo ng karne, toyo, bawang, sibuyas at kahit ng uling, sinisikap ni Aling Taret na pagkasyahin ang kanyang kinikita upang may maipuhunan kinabukasan. 

Si Aling Taret, manininda ng inihaw sa Quezon City tuwing hapon. M.A. Abril/Pinoy Weekly 

Para sa buwanang gastusin sa bahay, umaabot ng P3,000 ang kanilang kuryente at P700 ang tubig. Sa pagkain, kulang-kulang P15,000 ang badyet niya kada buwan o P500 kada araw para sa anim na katao sa isang buwan.

Daing niya pa na hindi na rin siya makabili ng galunggong. “Pangmasa pa ba ang galunggong? E P360 na kada kilo,” sambit niya. Kaya madalas, manok o tilapia ang ulam nilang mag-anak. 

Dagdag niya pa para makatipid pa rin kahit mabigat ang pamasahe, tinatiyaga niyang mamili sa Commonwealth Market dahil kumpleto at para sa kanya mas mura pa rin ang bilihin doon.

Sa likod ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ay ang 12% value-added tax (VAT) na nakadikit sa karamihan ng produkto at serbisyo, mula sa karne at mga rekado hanggang sa kuryente at tubig.

“Hindi ako nagbabayad ng tax na diretso,” sabi ni Aling Taret. “Pero lahat ng binibili ko may tax ‘yan. Para sa akin, dagdag pasanin ito ng mahihirap.”

Hindi man niya kabisado ang teknikal na paliwanag tungkol sa VAT, malinaw sa kanya ang epekto nito. Kapag tumaas ang presyo ng baboy, may VAT. Kapag bumili siya ng mantika at toyo, may VAT. Kapag dumating ang buwanang bayarin sa kuryente, may VAT pa rin.

Sa ibinahaging bill ng kuryente ni Aling Taret, halos lampas 3,000 ang inabot ng konsumo nila noong Okt. ng nakaraang taon. Mga larawan mula kay Aling Taret

Ang VAT ay isang uri ng buwis sa konsyumer. Ipinapataw ito sa pagbebenta, pagpapalitan ng mga produkto at serbiyso at isang ring indirect tax. Ibig sabihin, ang nagtitinda ang nagngongolekta at nagre-remit ng buwis sa gobyerno, ngunit sa huli ang konsyumer ang pumapasan ng pagbabayad nito dahil bahagi ito ng presyo ng kanilang mga binibili. 

Sa Pilipinas, ipinatupad ang VAT noong 1988 at pinalawak sa pamamagitan ng Expanded VAT Law noong 2005. Mula 10%, naging 12% ito. Ang Pilipinas sa kasalukuyang ang may pinakamataas na singil sa VAT sa buong Timog Silangang Asya.

Ayon sa gobyerno, mahalaga ang VAT upang makalikom ng pondo ang pamahalaan para sa mga serbisyong panlipunan. Ngunit sa aktuwal, pareho ang porsiyento ng buwis na binabayaran ng minimum wage earner at ng milyonaryo sa bawat pagbili ng sabon, bigas o kuryente.

Ayon sa mga ekonomista, mas mabigat ang epekto ng ganitong buwis sa mga may mababang kita dahil mas malaking bahagi ng kanilang sahod ang napupunta sa konsumo. Kung halos lahat ng kinikita’y ginagastos para sa pagkain at bayarin, lahat din nito’y may VAT.

Ganito rin ang karanasan ni Aling Psyche, isang solo parent at caretaker. Sa isang araw, P150 lang ang kaya niyang ilaan para sa baon at pangangailangan.

“Dati ang itlog mabibili mo ng 4 na piso. Ngayon P10 hanggang P12 na,” aniya.

Sa buwanang allowance na P5,000, halos wala nang natitira matapos ang pamasahe, pagkain at gastusin sa paaralan. “Kung matatanggal ang VAT, makakatipid pa rin ng kahit 150 sa isang buwan. Malaking bagay na ‘yon sa amin.”

Sa gitna ng tumataas na presyo at kakarampot na sahod, dumarami ang pamilyang napipilitang magbawas ng pagkain o mangutang para makaraos.

Ayon sa pinakahuling datos ng pamahalaan, nananatiling mababa ang purchasing power ng maraming Pilipino, lalo na sa harap ng inflation sa pagkain at enerhiya.

Pagkilos ng Gabriela Women’s Alliance sa harap ng Meralco noong Peb. 20, panawagan nilang ibasura ang VAT sa singil sa kuryente. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Isa sa mga madalas itanong: posible bang alisin ang VAT? Hindi ba malulugi ang gobyerno?

Malaki ang ambag ng VAT sa kabuuang kita ng pamahalaan. Ayon sa ulat ng Department of Finance, umaabot ang koleksiyong ng VAT sa halagang P1.39 trilyon nitong nakaraang taon. 

Kung tuluyang aalisin, kakailanganing humanap ng alternatibong pagkukunan ng pondo, tulad ng mas progresibong buwis sa malalaking korporasyon at mayayaman, o mas mahigpit na kampanya laban sa tax evasion at korupsiyon.

May mga panukala sa Kongreso na naglalayong bawasan o alisin ang 12% VAT sa Pilipinas upang maibsan ang pasanin ng mga pamilyang Pilipino sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin. 

Sa Kamara, inihain ni Rep. Sarah Elago ng Gabriela Women’s Party ang Presyo Ibaba Bill o House Bill 4774 na naglalayong alisin ang 12% VAT sa mga pangunahing bilihin at serbisyo tulad ng pagkain, yutilidad at iba pang pangangailangan para direktang mapababa ang presyo at maibsan ang gastusin ng mga ordinaryong mamamayan.

Ang panukalang ito’y bahagi ng mas malawak na panawagan ng Gabriela at iba pang progresibong grupo para sa mga polisiyang magbibigay ginhawa sa mga pamilyang may mababang kita.

Kaisa si Aling Psyche sa isang petition signing para ipabasura ang VAT sa may Sandigan, Peb. 20. Joanna Robles/Pinoy Weekly

Gayunman, hindi lang VAT ang usapin. Kasabay nito ang antas ng sahod ng mamamayan. Kung ikukumpara sa ibang bansa sa Timog Silangang Asya, nananatiling mababa ang minimum wage sa Pilipinas kung ihahambing sa halaga ng bilihin.

Para kay Aling Taret, ang VAT ay kongkretong kabawasan sa kanyang puhunan at epekto sa gastusin sa bahay. Noong ma-stroke ang kanyang asawa, labas pa sa kinikita ng kanyang maliit na negosyo, umasa na rin siya sa tulong ng mga kamag-anak at mga anak na nagtatrabaho na. 

Sa usapin ng buwis, simple ang kanyang panawagan. “Para sa akin, bawasan nila ‘yung mga confidential funds nila. Imbes na kinukupit, ibigay sa mahihirap. Ikulong [rin] ang mga magnanakaw,” aniya.

Sa kanyang pananaw, hindi lang VAT ang problema, kundi kung paano ginagamit ang buwis na kinokolekta. Kung ramdam sana ng mamamayan ang malinaw at direktang benepisyo—maayos na ospital, murang kuryente, mahusay na sistema ng transportasyon—marahil mas madaling tanggapin ang 12% VAT.

Ngunit habang nananatiling kapos ang serbisyo at patuloy ang pagtaas ng presyo, ang VAT ay nagiging simbolo ng sistemang mas mabigat sa nasa laylayan.

Sa simpleng kalkulasyon, kung ang isang pamilyang tulad ng kay Aling Taret ay gumagastos ng P20,000 kada buwan sa pagkain at bayarin na may VAT, humigit-kumulang P2,400 dito ang napupunta sa buwis. Sa loob ng isang taon, aabot ito sa halos P28,800 na halos katumbas ng isang buwang kita ng isang maliit na manininda.

Para sa mga nasa gitna at itaas na uri, maaaring maliit na bahagi lang ito ng kabuuang kita. Ngunit para sa mga tulad nila, ito ang pagitan ng sapat at kulang, ng may ilaw at kandila sa kanilang tahanan.

Sa huli, ang VAT ay hindi lang teknikal na polisiya sa pananalapi. Isa itong usaping panlipunan kung sino ang dapat magpasan ng bigat ng pagpapatakbo ng estado at kung paano maipapamahagi nang mas makatarungan ang pasaning iyon.

“Lahat ng binibili ko may tax,” muli niyang sambit. “Sana naman maramdaman naming may napupuntahan.”