Sa likod ng magagaling na salita

Sa likod ng magagaling na salita

August 3, 2022

Tapos na ang unang State of the Nation Address (SONA) ng bagong pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.. Napuna ng maraming kritiko na walang nabanggit ukol sa sahod ng manggagawa, regularisasyon ng kontraktuwal, karapatang pantao, hustisya at kapayapaan. Magaling ang pananalita. Namutawi sa labi na “malusog” ang kalagayan ng bansa. “The state of the nation is […]

Tapos na ang unang State of the Nation Address (SONA) ng bagong pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.. Napuna ng maraming kritiko na walang nabanggit ukol sa sahod ng manggagawa, regularisasyon ng kontraktuwal, karapatang pantao, hustisya at kapayapaan.

Magaling ang pananalita. Namutawi sa labi na “malusog” ang kalagayan ng bansa. “The state of the nation is sound.”

Idiniin sa ekonomiya ang Medium-Term Fiscal Strategy na isinumite sa Kongreso: pagbabago sa pagbubuwis kabilang ang value added tax sa digital service providers (transaksyong online) at pag-akit sa investors at economic zones (na maluwag ang pagbubuwis). Tinanaw ang paglaki ng gross domestic product (GDP) hanggang 8% pagsapit ng 2028. Inatasan ang National Economic and Development Authority (NEDA) na buuin ang Philippine Development Plan 2023-28. Walang binanggit na aalisin ang excise tax at VAT sa langis habang aminado na presyo nito’y nagpataas sa lahat ng bilihin at gastusin.

Samantala, panukalang batas ang “rightsizing” sa pambansang gobyerno na nangangahulugan pa ng tanggalan sa mga kawani. Panukala rin ang “modernisasyon” sa badyet, bagong tax valuation sa real estate, pagbubuwis sa passive income at serbisyo sa pinansiya. Panukalang isabatas ang E-Government, E-Governance, at E-Commerce para makatipid pang lalo sa gastos ang gobyerno at pagnenegosyo.

Walang binanggit na lupa para sa mga magsasaka habang sinasabing kailangan pa rin ang repormang agraryo. Hindi na raw sisingilin ang di-bayad na amortisasyon at bayad sa interes sa utang ng may 654,000 benepisyaryo. Mag-aalok naman ng bagong pautang. Bibili raw nang bulto ang gobyerno ng mga binhi, abono, pestisidyo at iba pang gamit sa pagtatanim. Ibabalik ang mga Kadiwa Centers. Gagawing negosyo ng gobyerno ang pagkain. Samantala, ipamimigay ang may 52,000 ektaryag lupa ng gobyerno sa mga sundalong beterano, mga naulila nila at nagretiro sa AFP at PNP. Magkakaroon pa ng Land Use Act na magpapalakas sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa pagtatakda ng gamit sa lupa.

Ang “creative industry” na lumilikha raw ng pagka-Pilipino ay pagsisilbihin sa turismo (ibig sabihin, sa dayuhan). Magbibigay ng calamity relief ang Department of Social Work and Development (DSWD) at Department of Human Settlements and Urban Development. Magkakaroon daw ng feeding program sa mga bata at proteksyon laban sa karahasan sa kababaihan at kanilang mga anak. Pero, tatapyasin ang mahigit isang milyong benepisyaryo ang 4Ps.

Ang pangangalaga sa kalusugan ay “upang itaas ang kumpyansa ng mga namumuhunan” at para maibalik sa “full capacity” lalo na ang mga negosyo. Balak ding itayo ang medical reserve corps, disease prevention authority, at virology institute. Paghuhusayin daw ang kapakanan ng health workers, dagdag na health center at ospital at maglalaan ng murang generic na gamot.

Ibabalik na ang face-to-face classes. Rerepasuhin ang K-12 na sistema ng edukasyon at mga itinuturo sa paaralan (hindi raw tinutukoy ang kasaysayan). Magkakaroon ng retraining ng mga titser, bibigyan ng digital na gamit ang mga estudyante, paghuhusayin ang Science, Technology, Engineering at Mathematics (STEM) gayundin ang Ingles (para sa dayuhan at wika raw ng internet). Gagawing mandatory ang ROTC at national service training program para sa Grade 11 at 12.

Gagamitin ng Department of Information and Communication Technology ang mga inobasyon sa Fourth Industrial Revolution nang hindi tinutukoy na monopolyo ng iilang dayuhang kompanya ang teknolohiya. Ipapatupad ang national ID system na target ang 92 milyong Pilipino. Magkakaroon daw ng koneksyon ang lahat sa “Broadband ng Masa” at gagamitin ang Public Service Act na nagtanggal ng mga restriksyon sa dayuhang pamumuhunan.

Palalawigin pa ang mga proyektong pang-imprastraktura na sinimulan ni Duterte. “Build Better More” ang itatawag sa programang Public-Private Partnership, kabilang ang may P1.9 trilyon na mga riles. Inutusan ang Department of Transportation na “full speed ahead” kahit hirap makasakay ngayon ang publiko. Babaguhin ang batas sa Build-Operate-Transfer. Tutulungan umano ng mga bangko ng gobyerno ang maliliit na negosyo.

Magkakaroon daw ng bagong pagkukunan ng enerhiya, kabilang ang nukleyar, wind at solar. Sa kagyat, rerepasuhin ang mga kontrata sa natural gas. Aminado na bulnerable tayo sa climate change kaya’t palalaksin ang “resiliency” o katatagan sa sakuna. Aamyendahan ang EPIRA Law para pahusayin pa ang kompetisyon ng mga negosyo sa kuryente. Isasabatas ang Natural Gas Industry at itatayo ang Department of Water Resources habang pribadong pag-aari ng mga kompanya ang ilaw at tubig.

Magiging kanlungan ang Department of Migrant Workers. Pabibilisin ang pagproseso sa mga overseas Filipino worker (OFW), mas simpleng handbook at magkakaroon ng repatriation command center. Nararapat daw sa OFW na magkaroon ng “tahanan sa gobyerno”. Sa totoo lang, ginawang mas sistematiko pa ang pag-eksport ng paggawa – palabas sa sarili nilang mga tahanan.

“Kaibigan ng lahat at walang kaaway” ang patakarang panlabas na iginuhit habang lumilitaw umano ang bansa sa bagong “global economy”. Hindi binanggit na pinagtatalunan ngayon ang daigdig ng US at China, at naiipit tayo sa salpukan ng dalawa. “Kaibigan” kasi limpak-limpak ang inutang sa kanila. Soberanya ang ibinabayad kahit hindi raw isusuko ni isang pulgada ng bansa.

Walang binanggit ukol sa kapayapaan at pakikipag-usap sa National Democratic Front gayundin sa mga Moro. Ipinanukala ang National Defense Act na babago sa istruktura ng AFP para harapin ang mga banta umano sa seguridad. Tiniyak pa ang separation, retirement at pensyon ng mga sundalo at pulis.

Sa kabuuan, kikita ang mga dayuhang kompanya, mga malalaking negosyo, at mga politiko sa mga naghihintay na kontrata sa pamumuhunan, kalakalan, imprastraktura, enerhiya, transportasyon, komunikasyon, kalusugan, edukasyon, tubig, ilaw at iba pang pangangailangan ng mamamayan. Magkakaroon ng “growth” o paglago ng ekonomiya pero hindi para sa lahat, manapa ang mayoryang mababa ang sahod, walang trabaho at bumabagsak ang kabuhayan. Masasabing hindi matatag ang kalagayan ng bansa.

Hindi po ito “sound” gaya ng alam sa isip, puso at kaluluwa ni Marcos Jr..

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.