Editoryal Made in Malacanang

Editoryal

Made in Malacañang?

August 25, 2022

Ikinabahala ng grupong Kontra-Daya ang appointment kay Garcia. Hindi na nga nakakatulong, lalo pang nagpapasidhi sa mga usapin ng tiwala at kredibilidad ng Comelec ang pagtalaga sa dating abogado ni Marcos.

Nasunog ang opisina ng Information Technology Department ng Commission on Elections sa nirerentahang gusali sa Palacio del Gobernador sa Intramuros.

Umabot ito sa ikalawang alarma at nagtagal ng halos dalawang oras ayon sa Bureau of Fire Protection, na may estasyon sa tapat lang ng nasunog na gusali. Ayon kay acting Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, iniimbestigahan pa kung arson ang dahilan ng sunog.

Nangyari ito isang gabi bago hinirang na chairman ng Comelec si George Garcia, dating abogado ng bagong halal na pangulo ng bansa. Siya ang humawak sa kaso nang umapela si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong matalo ito sa pagkabise-presidente taong 2016. Hinawakan niya rin ang kaso ng mga pulitikong sangkot sa pork barrel scam gaya nila Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla Jr.

Unang itinalaga ni dating pangulong Rodrigo Duterte bilang commissioner si Garcia bago mag-eleksiyon, na nilahukan at ipinanalo ng anak niyang ngayo’y bise presidente Sara Duterte.

Ikinabahala ng grupong Kontra-Daya ang appointment kay Garcia. Hindi na nga nakakatulong, lalo pang nagpapasidhi sa mga usapin ng tiwala at kredibilidad ng Comelec ang pagtalaga sa dating abogado ni Marcos.

Nakakabahala ang sunog sa pinag-iimbakan ng server ng website at mga mahahalagang dokumento ng Comelec. May mga dokumentadong kaso ng dayaan at anomalya sa kakatapos lang na halalan. Matagal na ring may bahid ang kredibilidad ng Automated Election System. Ang mga ebidensya ng dayaan at anomalya sa halalan, kasama rin bang na-abo?

Ilang araw matapos ang sunog sa opisina, humirit si Garcia sa Kongreso ng P8.2 milyong pondo para sa pagtatayo ng bagong opisina. Aniya, nakahanda na ang disenyo ng walong palapag na gusaling itatayo sa lupa ng Comelec sa Macapagal Avenue sa Pasay.

Nitong Agosto, muling kinansela ang halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan, sa ikatlong pagkakataon. Wala raw pondo. Anong kahibangan na ginagawang katuwiran ang kawalan ng pondo para labagin ang batayang konstitusyunal na karapatan ng mamamayan na maghalal at mahalal? Garapal na pagmamaniobra ito sa, bagamat kaduda-duda, ay isa sa nalalabing patikim ng demokrasya sa mamamayan.

Ano pa bang dapat ikatakot ni Marcos sa Barangay at SK? Naipanalo na niya sa mayorya ng posisyon sa lokal at pambansang pamahalaan ang kanyang mga alyado. Hawak niya na rin ang Comelec. Limpak-limpak na salapi pa ang hindi nila isinasauli sa taumbayan.

Baka naman masyado pa kasing maaga para ulitin ang milagrosong pagkasunog na maaring pagdudahan na made in Malacañang.

Avatar

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.