Editoryal

Puksaan ng mga pamilyang kriminal sa halalan


Habang abala ang mga Marcos at Duterte sa pagbabato ng putik sa isa’t isa, marapat na kumilos ang sambayanan na ipanalo ang kanilang mga demokratikong interes para sa mga karapatan at kapakanan ng mas nakararami.

Tumitindi na ang sagupaan sa pagitan ng dalawang pinakamakapangyarihang pamilya sa bansa—ang mga pamilyang Marcos at Duterte.

Mula sa magkasamang kampanya bilang UniTeam noong halalan 2022, nagbago na ang ihip ng hangin. Ang dating alyansa, napalitan ng matinding alitan sa politika na hindi lang nakasentro sa kapangyarihan kung hindi sa pansariling interes.

Hindi nag-umpisa sa isang iglap ang hidwaan ng dalawang kampo. Pinagmulan ito ng iba’t ibang salik.

Naging maingay nang magsimulang mag-iringan ang dalawang kampo, simula ng sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na adik sa droga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang rally sa Davao City.

Sinagot naman ni Marcos Jr. na high umano sa fentanyl ang dating pangulo ng sabihin ang pahayag ito.

Umabot pa sa pagbabanta at may nakausap na raw si Panagalawang Pangulong Sara Duterte ng taong papatay sa angkan ng Marcos kung may mangyaring masama sa kanya.

Malinaw na hindi nakatutok sa mahahalagang isyu sa bansa ang ating mga lider dahil sa bangayan na ito. Walang kuwentang pamumuno ang ipinapakita ng mga ito dahil mas inuuna ang personal na interes kaysa sa interes ng bayan.

Sa likod ng makapangyarihang palabas ng sagupaan, ang mamamayang Pilipino ang tunay na talo.

Habang patuloy na naglalaban para sa impluwensiya ang dalawang kampo, ang mga isyung kinakaharap ng bayan tulad ng lumalalang kahirapan, mataas na presyo ng bilihin at kawalang seguridad sa trabaho ang napapabayaan.

Ang eleksiyong ito’y hindi lang laban ng dalawang pamilya at ng marami pang tulad nilang dinastiya, kurakot at kriminal. Patunay ang halalan kung paano magagamit ang kapangyarihan para sa ikabubuti ng lahat o para sa pansariling interes lang.

Patuloy na nananawagan ang mga kritiko at mga progresibong grupo na ang tunay na layunin ng pamahalaan ay ang paglilingkod sa bayan.

Para sa kanila, ang labang ito ay isang manipestasyon ng sistemang naglalayong itaguyod ang elitismo at personal na paghahangad sa kapangyarihan.

Ang puksaan ng mga Marcos at Duterte ay nagiging dahilan upang ilayo ang mamamayan sa mga isyung mahalaga sa pang-araw-araw nilang buhay.

Sumasalamin sa mas malalim na krisis sa ating sistemang politikal ang bangayan sa pagitan ng mga Marcos at Duterte ngayong eleksiyon. Higit pa sa personal na inggit at paghihiganti, ang labanang ito’y may direktang epekto sa kinabukasan ng ating bansa.

Sa panahon kung kailan mahalaga ang bawat boto, ang responsibilidad ng bawat Pilipino ay piliin ang kinatawan na tunay na maglilingkod para sa bayan at hindi lang para sa pansariling interes.

Sa huli, nasa atin ang kapangyarihang baguhin ang takbo ng ating pamahalaan at lipunan.

Huwag nating hayaang ang lumang sistema ng elitismo at personal na alitan ang manaig—ito’y panahon para sa isang bagong pag-asa at mas masikhay na pagkilos para sa isang pamahalaang tunay na para sa taumbayan.

Habang abala ang mga Marcos at Duterte sa pagbabato ng putik sa isa’t isa, marapat na kumilos ang sambayanan na ipanalo ang kanilang mga demokratikong interes para sa mga karapatan at kapakanan ng mas nakararami.

Tandaan nating may mga alternatibo at progresibong solusyon para sa pagbabago para sa lahat ng mamamayang sawa na sa mga dinastiya’t trapo.

Hindi natin makakamit ito kung magluluklok muli tayo ng mga taong nagpapayaman gamit ang kaban ng bayan, silang mga walang alam at walang pakialam sa tunay na kalagayan ng sambayanan. 

Maipapanalo lang ito ng mamamayan kung huhulagpos tayo sa masalimuot na siklo ng pagluluklok ng mga taong walang hangad kundi kayamanan at kapangyarihan.