Pansamantalang paglaya ni Duterte sa ICC, tinutulan


Tinutulan ng mga pamilya ng biktima ng extrajudicial killings ang hirit na pansamantalang paglaya ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Tinutulan ng mga pamilya ng biktima ng extrajudicial killings ang hakbang ng kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte na paghahain ng 16-pahinang petisyon sa International Criminal Court (ICC) para sa kanyang pansamantalang paglaya habang hindi pa nagsisimula ang paglilitis para sa kasong krimen laban sa sangkatauhan.

Nasa kustodiya ng ICC ang dating pangulo para sa malawakang pagpatay sa “giyera kontra-droga” ng kanyang administrasyon.

Ikinatuwiran ng kampo ni Duterte ang kanyang edad at lagay ng kalusugan sa paghiling ng interim release sa isang ‘di tinukoy na bansa, mula sa higit apat na buwan nitong pagkakakulong sa Scheveningen Prison sa The Netherlands. Kapansin-pansin raw na lubha itong napagod sa inisyal na pagharap niya sa Korte noong Mar. 14.

Sa petisyon sinabi ni Nicholas Kaufman, abogado ni Duterte, na walang balak tumakas ang dating pangulo kaya walang mali sa interim release.

“Hindi rin susi ang pag-aresto sa kanya para mapanatili ang integridad ng mga imbestigasyon,” sabi ni Kaufman sa Ingles. 

Kumbinsido naman ang mga pamilya na maaaring magamit ang paglaya ni Duterte para makapagtago sa kaso. Sapat naman anila ang pasilidad ng ICC para tiyakin ang kalusugan ng nasasakdal na dating pangulo. 

“Ang apela para sa interim release ay malinaw na ayaw nilang panagutan ang mga paglabag sa karapatan ng taong bayan,” ayon sa kanila. Sa Facebook page ng Rise Up for Life and for Rights, binigyang-linaw ng isang pahayag ang halo-halong saloobin ng mga naiwang kaanak. 

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan sa pamilya ng mga biktima si ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti, ayon sa kanyang Facebook post.

“Magko-konsultahan po kami ng mga biktima/kliyente, pero nung huling usap namin hindi sila pabor sa anumang special treatment kay Duterte,” sabi ni Conti.

Sa isang pang tugon sa X, nilinaw ni Conti na ang interim release ay may bisa lang sa iisang lugar ngunit kinakailangan pa ring maging maingat at alerto sa mga pangyayari.

“Kapag pinayagan ang interim release, usually sa isang bansa at lugar lang sya. Hindi pwedeng maglamyerda. Pero, alam naman natin, laging handa dapat sa bagong pakulo,” aniya.

Ayon kay Cristina Palabay, Karapatan secretary general, maituturing na special treatment para sa “hayok sa dugong mamamatay-tao” kung gagawaran ng pansamantalang paglaya ng ICC si Duterte. 

“Kapag pinagbigyan ang petisyon, para na ring sinabi na may special treatment ang mga pasistang tulad niya. Kasabay pa ito ng tumitinding atake sa mga biktima at kanilang mga pamilya, pati sa mga testigo, dahil nariyan pa rin ang kapangyarihang politikal ng mga Duterte,” sabi ni Palabay.

Sa huling pagkakatala nitong ulat, Hun. 21, hindi pa nagtatala ng desisyon ang ICC.