NMW Bill, inihain ng Makabayan


Inihain ng mga kinatawan ng Makabayan Bloc, kasama ang ilang lider-manggagawa, ang National Minimum Wage Bill (House Bill 4898) sa Kamara nitong Setyembre 16.

NMW Bill, inihain ng Makabayan.jpg
NMW Bill, inihain ng Makabayan.jpg

Inihain ng mga kinatawan ng Makabayan Bloc, kasama ang ilang lider-manggagawa, ang National Minimum Wage Bill (House Bill 4898) sa Kamara nitong Setyembre 16. 

Ayon sa Makabayan, layunin ng panukalang batas na buwagin ang Regional Tripartite Wage and Productivity Board (RTWPB), na nagtatakda ng mas mababang sahod sa mga rehiyon kumpara sa NCR. Ibabasura din nito ang Republic Act No. 6727 na nagpatupad ng wage rationalization na panghikayat ng dayuhang pamumuhunan sa mga rehiyon.

Dahil sa pagsirit ng presyo ng langis, bilihin, at transportasyon, hinamon ng Kilusang Mayo Uno (KMU) si Pangulong Marcos na gawing priority at kagyat na isabatas ang NMW Bill. 

“Makatuwiran ang pagkakaroon ng pambansang minimum na sahod dahil hindi katanggap-tanggap ang kasalukuyang sistema na iba-iba ang sahod kada rehiyon,” ani KMU chairperson Elmer Labog.

Ayon sa Makabayan, kailangan nang umangkop ang minimum wage sa nakabubuhay na antas. Kahit ang P570 na arawang sahod ng sa NCR ay kalahati lamang ng tinataya ng Ibon Foundation na P1,117 na nakabubuhay na sahod para sa pamilyang may limang miyembro.

“Kapag nagtaas ang presyo ng langis, epektibo ito sa buong bansa. Apektado pati presyo ng pagkain at iba pang bilihin at serbisyo. Pero kapag magtataas ng sahod, iba-iba kada rehiyon? Inhustisya ito sa manggagawa! Kontra-manggagawa sa kaibuturan itong wage rationalization na ito!,” ani Labog.

Hamon pa ng lider-manggagawa, kung totoong gustong bawasan ni Marcos ang kahirapan bago matapos ang kanyang termino, dapat maging prayoridad nito ang dagdag-sahod at pagpapatupad ng NMW.

“Sa totoo, poverty wage ngang maituturing ang kasalukuyang antas ng sahod. Patunayan ni Mr. Marcos ang mga pangako niya! Pakinggan niya ang karaingan ng mga manggagawa, hindi yung busy siya lagi kaka-party!” ani Labog. /Adi Martinez