FEATURED

Rebolusyonaryo sa panulat at sa gawa


Hindi armchair revolutionary si Sison. Pinipino niya ang teorya habang kalahok sa pang-araw-araw na buhay ng rebolusyon. Ang pakikibaka ang kanyang naging malaking paaralan upang mabigyang kasagutan ang mga tanong at agam-agam sa pagsusulong at pagpapatuloy ng rebolusyon.

“The philosophers have only interpreted the world, in various ways. The point, however, is to change it.”
— Karl Marx

Ito ang isa sa prominenteng kataga sa “Eleven Theses on Feuerbach” noong 1845 na sinulat ng rebolusyonaryong pilosopo na si Karl Marx.

Sa mga Marxista, mahalaga ang pag-aaral ng teorya at prinsipyo kakambal ang paglalapat nito sa kalagayan at iniinugan na panahon upang makita ang katungpakan ng ideya at maging gabay sa pang araw-araw na buhay. 

Sa ganitong diwa nakita ni Jose Maria Sison, o Joma, ang kanyang sarili. Nag-aral ng lipunan, isinalarawan at isinulat ito, at naging aktibong kalahok sa proseso ng pagbabago sa kalagayang ng mamamayan.

Patunay nito ang kanyang gahiganteng koleksiyon ng sulatin, mga tula, panlipunang pagsisiyasat at mga pagsusuri sa kalagayan ng daigdig at kung paano ito babaguhin.   

Paglalapat ng batayang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo

Maituturing na pundasiyon ito ng kanyang sulatin. Sa isang partido na muling itinatag, panandang bato ang pagkakaroon ng malinaw na teoryang gagabay sa pagkilos ng mga rebolusyonaryo.

Ipinaliwanag niya, sa pinakasimple at komprehensibong pamamaraan, na ang isang pampulikang partido na walang malinaw na teoretikal na gabay ay mauuwi sa mga malulubhang pagkakamali na tinuro na sa mayamang kasaysayan ng kilusang rebolusyonaryo sa buong daigdig. 

Hindi armchair revolutionary si Sison. Pinipino niya ang teorya habang kalahok sa pang-araw-araw na buhay ng rebolusyon. Ang pakikibaka ang kanyang naging malaking paaralan upang mabigyang kasagutan ang mga tanong at agam-agam sa pagsusulong at pagpapatuloy ng rebolusyon.

Upang bigyang buhay ang teorya, inilapat niya ito sa kanyang sulatin na “Paunang Panlipunang Pagsisisyasat sa Hilagang Luzon.” Kanyang isinalarawan ang katangiang pang-ekonomiya, pampulitika at kultura ng rehiyon.

Nagbigay liwanag siya sa mahahalagang aspeto ng pakikibaka sa Hilagang Luzon. Ilan na dito ay ang uring nagtutunggali, katangian ng tunggalian, sino ang kaaway at kakampi ng mamamayan, puwersa at relasyon sa produksiyon, at taktika at estratehiya. 

Itinuro ni Sison sa kanyang sulatin na maging sensitibo sa partikularidad ng kalagayan. Ipinakita niya ang halaga ng pag-aaral at pagsusulat ng paunang panlipunang pagsisiyasat upang maging materyal na puwersa ang mga teorya at prinsipyo.  

Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Maraming interpretasyon at pagsusuri sa kasaysayan ng Pilipinas. Subalit iilan lamang ang sumulat mula sa punto de bista ng mamamayang Pilipino at makauring tunggalian sa loob ng lipunan. 

Ito ang naging papel ng librong “Lipunan at Rebolusyong Pilipino” (LRP) ni Amado Guerrero, nom de guerre ni Sison, sa kasaysayan ng bansa. Mula dito naging buhay ang muling pag-aaral sa kasaysayan at naging mabisang gamot sa istorikal na pagkalimot sa mga ugat ng paghihirap ng mamamayan. 

Bawat kabanata ng libro ay nagpapakita ng matalas na pagsusuri na kalagayan ng Pilipinas, mga dahilan ng pananakop ng kolonyalista at imperyalista, tagumpay at kabiguan ng reporma at lumang demokratikong rebolusyon, at pagpapatuloy nito sa makauring pamumuno ng proletaryado. 

Sariwang pagsusuri ito sa namamayaning naratibo at interpretasyon ng kasaysayan sa kasalukuyan dahil binigyan ng mapagpasyang papel ang manggagawa at magsasaka bilang namumunong uri sa pagsusulong ng panlipunang pagbabago at paghahawan ng labas tungong sosyalismo. 

Sariwang pagsusuri ito sa namamayaning naratibo at interpretasyon ng kasaysayan sa kasalukuyan dahil binigyan ng mapagpasyang papel ang manggagawa at magsasaka bilang namumunong uri sa pagsusulong ng panlipunang pagbabago at paghahawan ng labas tungong sosyalismo. 

Kaya tangan ng kilusang manggagawa at magsasaka ang mahahalagang aral ng sulating ito. Hindi mauubusang balon ng aral ang LRP laluna sa isang lipunan na nananatiling pribadong pag-aari ang lupa ng mga panginoong maylupa at kontrol ng dayuhan at lokal na negosyo ang mahahalagang sektor ng ekonomiya ng bansa. 

Ang Pilipinas sa Muti-polar na Daigdig

Bilang tagapagtatag ng International League of Peoples Struggles, naging giya ang mga sulatin at pagsusuri ni Sison sa katangian ng imperyalismo. 

Tinatalakay ng kanyang mga sulatin ang mahahalagang katangian ng imperyalismo sa kasalukuyan at ang kaakibat nitong digmaan.

Mula Gitnang Silangan hanggang Asya ay tumpak niyang naiguhit ang larawan ng girian ng Estados Unidos at Tsina para sa murang lakas-paggawa at likas yaman ng kolonya at mala-kolonyang bansa katulad ng Pilipinas. 

Ang mga maniobra ng Estados Unidos, katulad ng tinaguriang Pivot to Asia, ay nangangahulugan ng pagtindi ng banta ng Tsina, sa pamamagitan ng Belt and Road Initiative, sa buong makinarya at kontrol ng Amerika sa Asya Pasipiko.

Hinimay sa kanyang mga artikulo ang oportunismo ng Tsina sa pang-aagaw ng teritoryo sa West Philippine Sea at ang pagbabalatkayo ng Estados Unidos, gamit ang mga tratado kagaya ng Enhanced Defense Cooperation Agreement, upang mapanatili ang soberanya ng bansa ay nasa dikta nila.

Hinimay sa kanyang mga artikulo ang oportunismo ng Tsina sa pang-aagaw ng teritoryo sa West Philippine Sea at ang pagbabalatkayo ng Estados Unidos, gamit ang mga tratado kagaya ng Enhanced Defense Cooperation Agreement, upang mapanatili ang soberanya ng bansa ay nasa dikta nila.

Palagi na ipinapaalala ni Sison na ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino ay karugtong ng pakikibaka ng buong daigdig at marapat lamang na ikabit ang mga partikular na laban sa pagpapahina at pagpapabagsak sa imperyalismo. 

Hindi maitatanggi ang kontribusyon ng mga sulatin ni Sison sa mga progresibo, rebolusyonaryo at mamamayang Pilipino. Nagmula ito sa kanyang mahaba at puspusang pakikilahok sa laban ng mamamayang Pilipino.

Kabang-yaman na maituturing dahil hindi lamang niya sinubukan isalarawan ang kalagayan ng lipunang Pilipino. Naging bahagi siya sa pagtatangkang baguhin ito.