FEATURED

Inspirasyon sa tagumpay ng mga manggagawa ng Wyeth-Nestlé


Nasa 145 na obrerong iligal na tinanggal ng Wyeth-Nestlé. Kasama dito ang limang manggagawang tinanggal noong 2021 habang 140 ang tinanggal nitong Mayo 18.

A photo of workers protesting at Nestlé Philippines

Walang laman ang ATM ni Debbie Faigmani, 15 taong manggagawa ng Wyeth Nutrition Philippines at presidente ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU), noong mismong araw na tanggalin siya sa trabaho. Kakabayad niya lang ng unang buwanang hulog para sa kinuhang bagong bahay. 

Naging palaisipan sa kaniya kung paano mapupunan ang mga susunod pang buwanang bayarin. Gayundin, ang iba pang gastusin sa araw-araw matapos siyang pagkaitan ng hanapbuhay.

Kabilang si Debbie sa 145 na obrerong iligal na tinanggal ng Wyeth-Nestlé. Kasama dito ang limang manggagawang tinanggal noong 2021 habang 140 ang tinanggal nitong Mayo 18. Sa bilang na ito, 125 miyembro ng unyon, kasama rito ang 10 opisyal, isang manager at 14 na supervisor.

Paglabag ng kompanya

“Cost-cutting” at “cost competitiveness” umano ang idinahilan ng Wyeth-Nestlé. Ayon sa kompanya, hindi pa nito naabot ang target na pagbabawas ng operational cost, kahit pa nagbawas na ng gastos sa ibang aspeto ng produksyon, kaya kinailangang magbawas ng tauhan.

Noong 2022, nagkamal ng P164.4 bilyong kita sa Pilipinas ang Nestlé. Isa rin ito sa mga kompanyang may pinakamalaking kinita sa bansa sa kabila ng pandemya at mga lockdown.

Para sa mga manggagawa, hindi nalulugi ang multinasyunal na kompanya. Gusto lang umano nitong mapanatilil o lumaki pa ang kanilang tubo.

Giit pa nila, hindi makatao ang malawakang tanggalan. Wala umanong paunang abiso ang Wyeth-Nestlé. Nagulat na lang sila nang biglaang hindi pinapasok ng mga guwardiya sa planta sa Calamba City, Laguna. Lalo na nang magbaba ang management sa mismong araw ding iyon ng termination o redundancy notice.

“Niyurakan ng kompanya, hindi lang ang mga karapatan namin, kundi pati na yung mga batas at Collective Bargaining Agreement o CBA ng unyon,” ani Debbie.

Sa polisiya ng Department of Labor and Employment (Dole), kailangang magbigay ng written notice of dismissal sa empleyado 30 araw o higit pa bago paalisin sa trabaho at may “just or authorized cause” at “procedural due process.” Sa kaso ng Wyeth-Nestlé “redundancy” diumano ang dahilan.

Malinaw na hindi ito nasunod ng kompanya, sabi ng mga miyembro ng WPPWU. 

Ayon kay Kilusang Mayo Uno (KMU) secretary general Jerome Adonis, mahigit-kumulang 45% ng kabuuang kasapian ng WPPWU ang tinanggal ng Wyeth-Nestlé na maituturing bilang union busting o pagbuwag sa unyon.

Maaalalang simula nang magsanib ang Wyeth at Nestlé noong 2012, kaliwa’t kanan na ang serye ng mass dismissal sa hanay ng unyon, alinsunod na rin sa programang restructuring.

Sa tala ng WPPWU, mahigit 100 kontraktuwal na manggagawa ang sinibak noong 2014. Mahigit 30 manggagawa naman ang iligal na tinanggal sa planta sa Laguna at 64 sa opisina sa Makati City ng Wyeth Trade Sales noong 2021.Noong 2021 din, sunod-sunod ang red-tagging, paninitktik at iba pang porma ng harassment at intimidasyon ng National Task Force to End Local Communist Conflict (NTF-Elcac) at iba pang elemento ng estado sa kasapian ng unyon.

“Magpapatuloy ang laban,” sabi ni Debbie Faigmani, pangulo ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU) sa kilos-protesta noong Hunyo 8 sa tapat ng opisina ng Nestlé Philippines sa Makati City. Larawan ni Michelle Mabingnay.

Pagbalikwas ng mga manggagawa

Noong Mayo 19, nagsampa ang WPPWU ng Notice of Strike sa Dole at National Conciliation and Mediation Board (NCMB) para pormal na pag-usapan ang iligal at malawakang tanggalan ng Wyeth-Nestlé.

Nagkasa rin ng sunod-sunod na kilos-protesta at kampanya ang mga manggagawa, kasama ang iba pang progresibong grupo, para tutulan ang cost-cutting at restructuring ng kompanya at ipanawagan na ibalik ang mga iligal na tinanggal.

Sa social media, naglabas din ng iba’t ibang porma ng pakikiisa ang mga unyon, pederasyon at iba pang sektor mula sa loob at labas ng bansa.

Noong Mayo 31, naghain naman ng House Resolution 1067 ang Makabayan bloc para kagyat na imbestigahan ng Dole at Kamara ang nangyari.

Dinala rin ng KMU ang panawagan ng mga manggagawa ng Wyeth-Nestlé sa naganap na International Labour Conference (ILC) ng International Labour Organization (ILO) sa Geneva, Switzerland.

Dahil sa malakas na panawagan ng mga manggagawa at iba pang sektor, humiling umano ang management na “ceasefire” muna sa pagrerehistro ng mga panawagan ang unyon.

“Mabuti sana kung nasi-ceasefire din ang pagkalam ng sikmura,” hirit ng isang miyembro ng WPPWU.

Sabi pa ni Debbie, wala silang ibang puwedeng gawin kundi ang patuloy na lumaban para sa kanilang karapatan at trabaho.

Tagumpay na laban

Halos isang buwan matapos maghain ng Notice of Strike ang unyon, pormal na bumigay ang management ng Wyeth-Nestlé sa kahilingan ng mga manggagawa.

Tagumpay na naibalik ang 10 manggagawa sa trabaho, lima rito ay mga opisyal ng WPPWU kasama si Debbie, naitaas ang kompyutasyon ng Enhanced Separation Program (ESP) para sa mahigit 100 manggagawa at nagkaroon ng ekstensyon ng hospitalization benefits para sa mga may malubhang sakit.

Mula umano sa 263 araw, kasama sa kompyutasyon para sa retirement pay,  na unang hinapag ng kompanya, naging 273 araw na ito. Halimbawa, aabot sa P80,000 umano ang diperensya para sa mga manggagawang 15 taon nagtrabaho sa pagawaan.

Samantala, hanggang Disyembre pa maaaring makakuha ng hospitalization benefits ang mga may sakit tulad ng cancer, hypertension at iba pa.

Para sa mga unyon sa ibang pagawaan at industriya, isang inspirasyon ang tagumpay ng WPPWU para sa pagpapatuloy ng laban sa mga kontra-manggagawang patakaran.

“Hindi naman dito magtatapos ‘yong laban namin. May posibilidad na magpatuloy pa rin yung cost-cutting at restructuring na sinasabi ng kompanya kaya patuloy kaming magpapalakas,” ani Debbie.

Sa ngayon, nananawagan si Debbie na patuloy na magkaisa ang mga manggagawa mula sa iba’t ibang pagawaan para ipaglaban ang nakabubuhay na sahod, seguridad sa trabaho at karapatan sa pag-uunyon at sama-samang pakikipagtawaran.

“Sabi nila inspirasyon daw itong tagumpay ng mga manggagawa sa Wyeth-Nestlé para sa mga unyon, pederasyon at samahan. Pero sana maging inspirasyon din ito sa mga malalaking kompanya na huwag nang gayahin ‘yong Wyeth-Nestlé dahil paniguradong maipapanalo din ito ng mga manggagawang Pilipino,” sabi pa ni Debbie.