Hindi limos
Napakalaking inhustisya na ipagkait pa ang panawagan nilang makabuluhang dagdag-sahod, na kung tutuusin ay kurot lang sa laki ng halagang nilikha nila para sa mga kapitalista at sa ekonomiya.
Tuloy-tuloy ang pagtaas ng produktibidad ng mga manggagawa. Pero nang humingi sila ng dagdag-sahod, itinuring silang pulubi ng gobyernong Marcos Jr., pulubing kung hindi pa dumampot ng bato ay hindi lilimusan.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, tumaas ng 28.9% ang productivity ng mga manggagawang Pilipino mula 2018. Sa taong 2022 lang, 6.4% ang itinaas nito. Binuo nito ang kalakhang itinaas ng gross domestic product ng bansa.
Lumaki naman ng 25% ang naibulsang tubo ng 1,000 pinakamalalaking korporasyon sa bansa. Ngayong taon, nadagdagan ng P105.3 bilyon ang yaman ni Enrique Razon, habang P60 bilyon naman ang nadagdag kay Manny Villar.
Sa kabilang banda, patuloy na bumaba ang tunay na halaga ng sahod dahil ‘di maawat ni Marcos Jr. ang pagtaas ng presyo. Ayon sa Ibon Foundation, P483 lang ang tunay na halaga ng minimum na sahod sa National Capital Region (NCR), pinakamataas na ito sa bansa.
Ayon sa Ibon Foundation, P483 lang ang tunay na halaga ng minimum na sahod sa National Capital Region, pinakamataas na ito sa bansa.
Ibig sabihin, hindi nakinabang ang mga manggagawa sa laki ng yamang nilikha nila. Napakalaking inhustisya na ipagkait pa ang panawagan nilang makabuluhang dagdag-sahod, na kung tutuusin ay kurot lang sa laki ng halagang nilikha nila para sa mga kapitalista at sa ekonomiya.
Baryang limos ang inaprubahang P40 na dagdag-sahod sa NCR kamakailan. Napakalayo nito sa petisyon ng Unity for Wage Increase (Uwin) na gawing P1,100 ang minimum wage sa NCR, o sa panukalang dagdag P750 ng Makabayan bloc at kahit sa P150 ni Sen. Juan Miguel Zubiri.
Kahit tumaas sa P610 ang minimum sa NCR, kapos pa rin ito sa tinatayang P1,163 family living wage o sahod na makakabuhay ng isang pamilya. Aabot lang ito sa P13,420 kada buwan, mas mababa pa sa napakababa na ngang P13,741 poverty threshold o buwanang kita na pamantayan ng kahirapan.
Pinagmayabang ni Marcos Jr. na magiging middle-income na ekonomiya ang Pilipinas ngayong 2023. Hindi naman niya sinabing ang pagkaintindi niya pala sa middle-income ay sahod na kalahati lang ng kailangan para mabuhay.
Sa darating niyang State of the Nation Address, walang maipagmamalaki si Marcos Jr. sa mga manggagawa. Huli na nga at napakaliit ng dagdag-sahod, hindi pa sana ito ibibigay kung hindi nagkaisa ang mga manggagawa at mamamayan. Kung hindi sila tuloy-tuloy na kumilos at nagprotesta, nganga!
Malaking bagay at maaaring katuwa-tuwa nang makatanggap ng P40, para sa pulubi. Pero hindi ito makatarungan, kundi insulto pa nga, sa ating mga manggagawa. Hindi limos ang hinihingi nila kundi bahagi ng yamang sila ang may likha.