Political Cinema

Ang paggawa ng mga alaala ng paggawa sa ‘Invisible Labor’


Sa pagitan ng paghampas ng mga kamao at pagsigaw ng mga duguang panawagan, at ng marahan at maingat na paglilinis, pagsasalang at pagre-rewind ng mga U-matic tape, ibig ilahad ng dokumentaryong “Invisible Labor” ang masalimuot at maselang proseso ng paggawa ng mga alaala ng kilusang paggawa.

Dagat ng tao ang avenida. Ilang buwan pa lamang ang nakalilipas nang matunghayan ng Kamaynilaan ang ganitong pagtitipon. Marahil ay nasa parehas na aspalto pa ang alikabok na dala ng mga paang lumusob sa Malacañang matapos dali-daling lumikas pa-Hawaii ang kakapatalsik na diktador.

Sa bakod, sa ibabaw ng underpass, nakasampa ang ilang naghihintay sa papalapit na karosa—sa pulang truck na pinalamutian ng mga puting bulaklak, binabaybay ang daan tungo sa huling hantungan ng dalawang martir at bayani ng mga manggagawa.  

Sa video room, liwanag lamang mula sa isang maliit na monitor ang pumipilas sa dilim. Mapapalitan ang avenida ng mga kalye at ang kulumpon ng katawan ng mga mukhang ‘di alintana ang mahabang prusisyon. Babakas sa screen ang mga salitang “KMU,” “Ka Leonor at Ka Lando,” “Hustisya.”

Malao’y magdidilim muli ang silid matapos ang huling rolyo. Eject. Iluluwa ng player ang tape ngunit nakahanda na ang kanyang mga kamay. Aapuhapin niya sa box na itinabi sa ilalim ng mesa ang susunod na isasalang. Play. Muling magliliwanag ang monitor. Muling mapipilas ang dilim. 

Sa pagitan ng paghampas ng mga kamao at pagsigaw ng mga duguang panawagan, at ng marahan at maingat na paglilinis, pagsasalang at pagre-rewind ng mga U-matic tape, ibig ilahad ng dokumentaryong “Invisible Labor” ang masalimuot at maselang proseso ng paggawa ng mga alaala ng kilusang paggawa.

Nakaukit sa kasaysayan ang mga personalidad na nagtaguyod sa naturang kilusan. Ngunit sa kabila ng pagbulwak ng mga proyektong may kinalaman sa alaala ng diktadura—bilang interogasyon sa rehabilitasyon ng pamilya ng diktador—malimit mabanggit kung kaninong mga kamay ang nagtawid sa mga alaalang ito patungo sa kasalukuyang panahon. Sa gilid-gilid ng mga institusyong pangkultura, binubuno ang gawain ng mga manggagawang walang pangalan (pasintabi kay Pete Lacaba). 

Sa direksyon at panulat ni Joanne Cesario, katuwang ang mga bumubuo sa Philippine Labor Movement Archive (PLMA), sinundan ng dokumentaryo ang buhay ni Carlito Piedad, ang utility personnel na pangunahing nagpreserba sa AsiaVisions AudioVisual Collection na nasa pangangalaga ng IBON Foundation. Laman ng koleksiyon ang mga footage at dokumentaryong likha ng AsiaVisions noong panahon ng Martial Law.

Bago pa man sinimulan ng Community Archiving Workshop (CAW) Manila ang digitization ng mga ito noong 2017, nagbuhos na ng ‘di mabilang na oras si Piedad sa video room ng IBON, mula dekada ‘90 hanggang sa kanyang kamatayan noong 2006, para sa arawang preserbasyon ng koleksiyon. 

Ipinanganak at lumaki sa isla ng Leyte, namulat si Piedad sa kahirapan sa panahon ng diktadurang Marcos at naging organisador ng mga kabataan at maralitang komunidad sa rehiyon ng Silangang Kabisayaan. Hinuli siya at ikinulong nang ilang taon dahil dito.

Nang makalaya, nagtungo siya sa Maynila, naghanap ng trabaho at pumasok sa IBON. Dito siya nasabak sa iba’t ibang gawain sa opisina—mula sa paglilinis, pagdidilig ng halaman, pagtatrabaho sa kanilang maliit na imprenta, hanggang sa mapunta sa pangangalaga ng mga U-matic tape. 

‘Di man malay si Piedad sa kanyang pagiging arkibista (sa propesyonal nitong pakahulugan), itinuturo ng kanyang kasaysayan bilang isang dating organisador at bilanggong pulitikal sa Silangang Kabisayan ang kahalagahan ng preserbasyon ng koleksiyon ng AsiaVision.

Still mula sa dokumentaryong “Invisible Labor”

Sa panunumbalik ng pamilyang Marcos sa Malacañang at sa kaliwa’t kanang panunupil at pagpaslang sa mga unyonista at organisador ng mangaggawa, ang ganitong simbuyo rin ang nag-udyok kay Cesario at sa PLMA upang gawin ang pelikula bilang parte ng programa ng arkibo. Bahagi ito ng mga pagsisikap ng mga kabataang aktibistang nakikipagbuno sa daluyong ng pagkalimot na nangyayari ‘di lamang sa bayan ngunit maging sa loob ng kilusang paggawa.

Sa pabalik-balik na pagtalon ng “Invisible Labor” sa mga footage na nasa koleksiyon ng AsiaVisions, ng mga dokumentasyong bahagi ng PLMA at ng mga naratibo ng mga mangagawa’t unyonista sa kasalukuyan, inihaharap nito ang isang relasyonal na aspekto ng paggawa ng alaala na malaya sa linear na temporalidad.

Batbat ng ganitong dalumat ng kronolohiya ang mga namamayaning tipo ng pag-aarkibo—tigil sa isang nagdaang panahon at sarado sa ibang interpretasyon liban ng sa mga institusyon.

Bagaman nakatanaw sa nakaraan at hinaharap, malay na nakatapak ang mga paa ng mga lumikha ng pelikula sa ngayon—bukas, dumadaloy at nagpapatuloy ang paggawa ng alaala alinsunod sa praxis ng matagalang pakikibaka ng kilusang paggawa.

Pinagdudugtong ng dokumentaryo—at ng mismong proseso ng paggawa nito–-ang praktika ng pag-aarkibo ni Piedad at ang kasalukuyang itinataguyod ng PLMA sa tinatawag ng mga aktibista-arkibista na “mapagpalayang paggawa ng alaala.”

Ang potensiyal ngayon ng mga materyal at dokumento sa pagbabagong panlipunan ay nagiging ganap lamang hindi sa punto ng koleksiyon at preserbasyon. Napupuspos ito sa pagbabalik sa pinanggalingang komunidad, sa pagtitimbang ng silbi ng mga bagay ayon sa pangangailangan ng komunidad at sa pagsisilbi nito sa pagbubuo ng mga naratibo at kasaysayan.

Itatawid ng dokumentaryo ang kuwento ni Piedad patungo sa kasalukuyang henerasyon ng mga manggagawa.

Ipapakilala nito si Mary Ann Castillo, pangulo ng unyon ng Nexperia, isang pagawaan ng semiconductor sa Laguna. Makikita siyang kinikilala ang mga sinundan niyang lider-unyonista sa kilusang kanyang kinabibilangan.

Nasa paligid niya ang mga nakasalansan na mga box, lulan ang mahigit limang dekadang koleksiyong bumubuo sa PLMA. Malay man o hindi, ang paglalagay sa kanya sa espasyong ito ay pag-angkin sa lugar ng manggagawa sa paggawa ng mga alaala at sa nagpapatuloy na tradisyon ng paglaban ng kanyang uri sa harap ng panunupil at pagsasamantala.

Dumadaloy ang pula, dilaw at asul sa avenida. Kumakaway ang mga watawat at panawagan sa mga taong nagdaraan, nagmamasid. Araw iyon ni Andres Bonifacio at libong obrero ang nagmartsa patungo sa tarangkahan ng Malacañang upang ipanawagan ang pagtataas ng sahod at karapatang mag-unyon.

Gabi, sa opisina ng Human Rights and People Empowerment Center, sa lokal na premier ng dokumentaryo, mapapanood ng mga manggagawa ang kanilang mga mukha sa avenida na ngayon ay naka-project sa puting telon.

May magpipigil ng hagikgik, may mangangantsaw at mapapangiti sa tuwing makakahanap ng pamilyar na kakilala. Malao’y matatapos ang pelikula at ang programa. Magdaraan ang gabi. Kinabukasa’y bagong araw muli ng paggawa.