FEATURED

Sinematikong katotohanan


Rebyu ng dokumentaryong Tondong Magiliw: Pasaan Isinilang Siyang Mahirap (Jewel Maranan, 2011, 78 min.)

Rebyu ng dokumentaryong Tondong Magiliw: Pasaan Isinilang Siyang Mahirap (Jewel Maranan, 2011, 78 min.)

“Sinematikong katotohanan” ang termino ng pioneer ng documentary Dziga Vertov, at sa pagbibigay titulo sa serye ng newsreel na tinawag niyang Kino Pravda na gayon na nga ang pakahulugan. Walang borloloy ang mga shot, may gamit sa kabuuan, at naglalarawan ng mga bagay at kaganapan sa bagong Soviet Union.  Ang layon ng dokumentaryo at filmmaking ni Vertov ay ang aktibong pakikisangkot sa manonood sa pamamagitan ng transformasyon ng pelikula bilang pilosopiya.

Sa dokumentaryong Tondong Magiliw ni Maranan, ang ordinaryong buhay ng isang pamilyang nakatira sa gilid ng pantalan ang tinunghayan.  Intimate ang paglalarawan na ito sa pang-araw-araw na buhay:  pangingisda ng ina sa batuhan, paglilinis ng mga ito, pagluluto, pagkain na ang ulam ay instant noodle soup, pagte-tape ng pabalat ng DVD habang nagkwekwento ang isang anak ng maaring laman ng pelikula, at pagkain ng gulaman na paisa-isang binibili ang kulang rito, tulad ng asukal at gatas sa pakete.

Hindi lubhang naglaho ang kamera, maging ang filmmaker.  Ang ina ay may mga sinasabi sa sarili na patungkol sa kanyang ginagawa, ang mga anak ay may ingat na maglakad sa lugar ng kamera, at magiliw ang mga personalidad sa pelikula.  Ang tahimik na mediasyon ng filmmaker ang nagpapaiba sa dokumentaryong ito tungkol sa kahirapan.

Hindi ito “life as is” na isa pang utopia ni Vertov para sa dokumentaryo dahil interogatibo ang representasyon ng buhay:  mapait na ordinaryo, hindi normal na buhay sa pang-araw-araw, may anghang ang usapan at pagkilos sa pang-araw-araw.  Nakuha ni Maranan ang mga ito dahil sa sensibilidad para sa pro-aktibong filmmaking.

Ang pagkain ng gulaman ay hindi ordinaryong pagmimirienda kundi examinasyon ng kasalatan at pagpupunan ng mahirap, at ang tugon ng negosyo na ipakete (sachet) ang mga produkto at serbisyo abot-kaya ng kanilang barya.  Ang usapan hinggil sa relokasyon ay alegorya ng kondisyon ng milyon-milyong maralitang tagalunsod at ang tugon ng gobyerno na itambak sila sa liblib na lugar na walang kabuhayan, at kung gayon, walang buhay.

Eksena muna sa dokumentaryong "Tondong Magiliw: Pasaan Isinilang Siyang Mahirap" ni Jewel Maranan.
Eksena muna sa dokumentaryong "Tondong Magiliw: Pasaan Isinilang Siyang Mahirap" ni Jewel Maranan.

Malinaw ang mediasyon ni Maranan sa tatlong antass.  Sa sinematograpiya, ang matulaing shots, tulad ng pagbubukas na paang nakalubog sa tubig, pangingisda sa batuhan at ang harap ay ang pier ng mga barko para sa mining vessels na nag-aangkat ng hilaw na materyales, o ang tarangkahan ng bahay na tanaw ang iba pang barung-barong, halimbawa, na nagdudulot ng paghahambing ng kalidad ng buhay at ang pagiging malikhain pa rin ng buhay ng maralita.

Sa editing, ito ang shot-countershot na may cutaway na lumalabag sa continuity editing na madulas ang padaloy sa naratibo ng pelikula.  Ang gamit ni Maranan ay i-punctuate ang ordinaryong usapan o aktibidad sa cutaway (sachet na nakasabit sa bahay o ang panlasa sa nilulutong noodles, halimbawa), at sa ganito ay naipapaloob ang manonood:  ano ang ugnayan ng mga shot, ng buhay sa gilid ng pantalan sa buhay sa loob ng barongbarong, at ang sachet na produktong ibinebenta spesipiko para sa mayoryang mamamayang ganito ang kahalintulad na pambansang kondisyon?

Sa direksyon, ito ang pro-aktibong bisyon para sa dokumentaryo.  Paano gagawing “ordinaryo” ang napakalaking isyu ng kahirapan ng buhay ng komunidad sa pantalan?  Paano gagawing politikal ang pang-araw-araw na buhay sa kahirapang dinadanas ng mga mamamayan?  Sa mga mapagpasyang malikhain at kritikal na mediasyon, kahit pa wala ang intertitles ukol sa kahirapan sa closing credit, matagumpay na naipahiwatig ang politikal na inisyatiba: na ang buhay sa bansa, lalo na sa mayoryang mamamayan nito, ay peligroso pero nagpapatuloy sa abot ng makakaya at sa sistemikong pag-eetsapwera sa kanila (liban sa ekonomikong gamit ng negosyo) ang kanilang malikhaing tugon sa pang-araw-araw.

Malamang, mapapaisip ang manonood na ang kanyang sariling buhay ay isang utopia ng gitnang uring aspirasyon at pagsasamantala, na ang tunay na lagay ng bansa ay nasa politikal na tugon ng sining na isinawalat ang katotohanan.  Nagtagumpay kung gayon ang nagpapatuloy na dokumentaryo ni Maranan.