FEATURED Husgahan Natin

Karapatan ng mga babae at LGBTQ+

Pagdating sa LGBTQ+, walang partikular na karapatan na binibigay sa kanila ang ating batas. Kung kaya tuloy pa rin ang pakikibaka ng LGBTQ+ community upang kilalanin ang kanilang mga karapatan.

Matagal nang nagtratrabaho itong si Aling Nelia sa isang pabrika ng damit sa Taytay, Rizal. Bilang isang mananahi, naikuwento niya sa inyong lingkod ang kanyang mga tinatamasang karapatan sa kanyang trabaho.

Ayon sa kanya, sinisikap talaga ng may-ari ng pabrika na makasunod sa batas tungkol sa pasahod. Bukod sa karapatan sa tamang sahod, maraming pang mga karapatan ang binibigay ng batas sa babaeng manggagawa.

Kabilang sa mga batas na ito ay ang mga sumusunod:

  • Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 o Republic Act (RA) 11862
  • Expanded Solo Parents Welfare Act (RA 11861)
  • 105-Day Expanded Maternity Leave Law (RA 11210)
  • Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act (RA 11148)
  • Anti-Mail Order Spouse Act (RA 10906)
  • National Consciousness Day for the Elimination of Violence against Women and Children Law (RA 10398)
  • Domestic Workers Act o Batas Kasambahay (RA 10361)
  • Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 (RA 10354)
  • Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 (RA 9995); at
  • Magna Carta for Women (RA 9710).

Sa dami ng mga batas na ito, masasabi nating binibigyan talaga ng pansin ng ating lipunan ang karapatan ng kababaihan. Ngunit sa sitwasyong ito, nabibigyan din ba ng atensiyon ang karapatan ng mga lesbian, gay, bisexual, transgender, queer at iba pa (LGBTQ+) sa ating bansa?

Kristiyanismo ang dominanteng relihiyon sa Pilipinas. Dahil dito, marami ang naniniwala na dalawang kasarian lamang ang kinikilala ng ating lipunan: lalaki at babae.

Pagdating sa LGBTQ+, walang partikular na karapatan na binibigay sa kanila ang ating batas. Kung kaya tuloy pa rin ang pakikibaka ng LGBTQ+ community upang kilalanin ang kanilang mga karapatan.

Bagaman mapagpahintulot ang ating lipunan sa mga LGBTQ+, walang partikular na karapatan na binibigay sa kanila ang ating lipunan. Kahit mapagpahintulot ang ating lipunan, maraming LGBTQ+ ang nakararanas ng diskriminasyon at karahasan, lalo na iyong mula sa mahihirap na komunidad.

Sa larangan ng politika, maaalala natin ang Ang Ladlad Partylist, isang partylist ng LGBTQ+ community na sumubok pumasok sa Kongreso noong halalan ng 2010 at 2013.

Tinanggihan ng Commission on Elections ang pagsali ng Ang Ladlad sa eleksiyon noong 2010 dahil sa alegasyon ng imoralidad. Nakarating sa Supreme Court ang usaping ito. Nagpasya ang korte na walang batayan ang alegasyon at maaari itong sumali sa halalan.

Malas nga lang at hindi ito nanalo, ngunit nagawang iparating ng Ang Ladlad ang plataporma ng mga LGBTQ+ sa mas maraming mamamayan.

Sa ngayon, wala pa ring representasyon ang LGBTQ+ sa Kongreso sa kabila ng paniniwala na makakatulong sila sa pagpapaunlad ng ating lipunan.

Batay sa survey na ginawa ng Social Weather Station (SWS) noong Marso 2023, 79% ang naniniwala na mapagkakatiwalaan ang LGBTQ+ tulad ng ibang Pilipino. Nasa 73% naman ang naniniwala na nakapag-ambag sila sa kaunlaran.

Ayon naman sa isang survey na ginawa ng Pew Research Center, 73% ng mga Pilipino ang naniniwala na dapat tanggapin ang mga LGBTQ+ sa ating lipunan. Sa lahat ng bansa sa Asia-Pacific, isa rin ang Pilipinas na maituturing na “gay-friendly.”

Ngunit kahit ganoon, nakapag-ulat na nakaranas ng harassment, bullying o diskriminasyon ang 30% ng LGBTQ+ sa Pilipinas dahil sa kanilang seksuwalidad batay sa sarbey ng United Nations (UN).

Ayon din sa parehong survey, 21% sa mga Pilipino ang hindi natanggap sa trabaho dahil sa kanilang sexual orientation, gender identity and expression and sex characteristics (SOGIESC).

Ayon naman sa Spartacus Gay Travel Index noong 2019, ika-95 ang Pilipinas sa 197 bansa pagdating sa transgender rights, marriage equality at anti-discrimination legislation.

Sa Pilipinas, walang batas laban sa diskriminasyon batay sa SOGIESC at nagbibigay ng proteksiyon sa LGBTQ+.

Ang mga bansa tulad ng Canada, Portugal at Sweden ay nakagawa na ng kanilang batas na nagbabawal sa diskriminasyon. May mga bansa naman tulad ng United Kingdom, Ecuador at Bolivia na ginagarantiyahan ang mga karapatan batay sa SOGIESC.

Sa kasalukuyan, may SOGIESC Equality Bill sa Kongreso ngunit hindi pa rin ito umuusad sa parehong kapulungan. Mahigit dalawang dekada na mula nang unang maihapag ang panukala ngunit laging walang usad.

Kailangan pa ang mas malakas na ingay hindi lamang mula sa LGBTQ+ community para sa SOGIESC Equality Bill, kundi mula sa mga karaniwang mamamayan na rin upang maaprubahan ang panukalang batas na ito.