Espesyal na Ulat

Ano ang nangyayari sa Gaza? Umuulan sa Gaza


Higit 18,000 toneladang bomba na ang ibinagsak ng Israel sa Gaza sa nakalipas na tatlong linggo. Nalampasan na ang 15,000 toneladang bomba atomika na ibinagsak ng United States (US) sa Hiroshima noong 1945.

Una sa apat na bahagi

Mahigit tatlong linggo nang umuulan ng bomba sa Gaza, 360-kilometro kuwadradong kulungan ng mahigit 2.3 milyong tao, “killing center” ngayon ng mga Palestino. Lampas 8,000 na ang pinatay, 3,200 ay mga bata, 2,000 ang kababaihan, 29 ay mga mamamahayag. Tumataas pa ang bilang.

Nangako si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ng “malupit na paghihiganti” matapos ang surpresang paglusob ng libo-libong armadong Palestino sa mga military detachment ng Israel noong Oktubre 7.

Pinutol ang linya ng pagkain, tubig, komunikasyon at langis. Sabi ni Israeli National Security Minister Itamar Ben-Gvir, “Daan toneladang bomba lang ang dapat pumasok sa Gaza.”

Higit 18,000 toneladang bomba na ang ibinagsak ng Israel sa Gaza sa nakalipas na tatlong linggo. Nalampasan na ang 15,000 toneladang bomba atomika na ibinagsak ng United States (US) sa Hiroshima noong 1945.

“Hindi mo na malalaman ang gagawin ‘pag tumama ang bomba. Kailangang kunin ang mga bata at ilikas bago gumuho ang bubong. Kailangang tumapak sa nagkalat na bubog at maglakad sa ibabaw ng mga sunog na bangkay para iligtas ang sarili,” kuwento ng Palestinong si Abu Ibrahim sa pahayagang Times of Gaza.

Sa ikatlong linggo, pinaigting pa ng Israel ang pagpapaulan ng bomba. Ito, ani Netanyahu, ang “ikalawang yugto” ng kanilang “mahaba at mahirap” na giyera.

Oktubre 29, tuloy-tuloy na pinasabugan ang paligid ng Al-Quds Hospital, babala para palikasin ang libo-libong Palestinong naroon. Mga may sakit, sugatan, naghahanap ng sugatan o namatay na kaanak at mga nakikisilong mula sa walang tigil na pag-ulan ng bomba.

Nauna nang binomba ang Al-Alhi Arab Hospital sa Gaza noong Oktubre 17. Lampas 500 ang patay – mga bata, kababaihan at nakatatanda.

Sa tabi ng patong-patong na bangkay, sinabi ni Gaza Deputy Minister of Health Yousef Abu Al-Rish sa ulat ng Al Jazeera, na dalawang beses nang kinanyon ang paligid ng ospital, ilang araw bago ito pinasabog. Tinawagan siya ng opisyal ng Israeli Army at sinabing babala ito para palikasin ang mga Palestinong naroon.

“Sa buong mundo, dito lang sa Gaza gumagamit ng kanyon para balaan ang mga tao,” ani Al-Rish.

Nauna nang pinalikas ng Israel ang mga Palestino sa katimugang bahagi ng Gaza, malapit sa boundary ng Egypt, para hindi madamay sa pagsalakay ng Israeli Defence Forces (IDF). Ang mga lumikas, naglakad ng daan-daang kilometro, habang pinauulanan ng bomba. Pinulbos ng Israel ang Khan Younis Refugee Camp, 10-kilometro mula sa border ng Egypt. Ilang ulit ding pinasabugan ang Rafah Border, tanging daan palabas ng Gaza.

Pinagdudahan ni US President Joe Biden ang bilang ng mga pinatay. Wala daw siyang tiwala sa datos ng Gaza Health Ministry. Bilang tugon, inilabas ng ahensiya ang pangalan at litrato ng bawat isa sa lampas 8,000 Palestino, na pinatay ng mga bomba ng Israel, sa tulong ng US.

Sa isang ospital, dumating na umiiyak ang isang ama, bitbit sa magkabilang kamay ang dalawang supot, laman ang gutay-gutay na labi ng kanyang anak. Araw-araw, may daan-daang bangkay ang isinusupot, kinalkal mula sa mga wasak na gusali, bahay, ospital, paaralan, palaruan, ng mga Palestino.

Para kay Israeli Defense Minister Yoav Gallant, tama lang ang kanilang ginagawa, dahil ang kalaban nila ay mga “taong hayop.”

Ito na ang pinakabrutal na masaker ng mga Palestino mula nang itatag ang Estado ng Israel noong 1948, sa Palestine.

Ikalawang bahagi
Ikatlong bahagi
Ikaapat na bahagi