Espesyal na Ulat

Ano ang nangyayari sa Gaza? Zionistang okupasyon


Itinatag ang Estado ng Israel noong Mayo 1948 sa Palestine. Para maitatag ito, 15,000 ang pinatay ng Israel mula 1947 hanggang 1949 sa malawakang pagmasaker at sapilitang pagpapalikas sa mga Palestino, tinawag ito sa kasaysayan bilang “Nakba” o delubyo sa wikang Arabo.

Ikalawa sa apat na bahagi

Itinatag ang Estado ng Israel noong Mayo 1948 sa Palestine. Para maitatag ito, 15,000 ang pinatay ng Israel mula 1947 hanggang 1949 sa malawakang pagmasaker at sapilitang pagpapalikas sa mga Palestino, tinawag ito sa kasaysayan bilang “Nakba” o delubyo sa wikang Arabo.

Ang pagtatatag ng Estado ng Israel at pagpuksa sa buong lahing Palestino ang layunin ng proyektong Zionista. Sinimulan ito ng isang kulto ng maliit pero mayayaman at makapangyarihang paksyon ng mga Hudyo at Kristiyano sa Europa. Naniniwala silang dakila ang kanilang lahi kaysa iba, gaya rin ng paniniwala ng mga Nazi sa Germany, o ng mga puting Republican sa US, sa kanilang kadakilaan (supremacy).

Ayon kay Theodor Herzl, kinikilalang ama ng Zionismo, wala nang pag-asa para sa mga Hudyo na maghari sa Europa kaya dapat itatag ang estadong Hudyo. Naunang pinagpiliang itatag ito sa mga kolonya ng Britanya sa East Africa at Guiana, at sa Ararat City sa US.

Taong 1897 na lang tinukoy ni Herzl ang Palestine. Dito aniya dapat itatag ang estadong Hudyo dahil dito nagmula ang kanilang lahi, bagay na matagal nang pinabulaan ng mga eksperto sa kasaysayan, arkeolohiya, politika at relihiyon.

Paliwanag ni Propesor Joseph Massad ng Columbia University, ang pagsasabi ng mga Zionista na nagmula sa Palestine ang mga Hudyo, ay para ring pagsasabing nagmula sa Arabian Peninsula ang mga Muslim na Indian, Tsino, Indonesian, Nigerian o Malaysian, dahil lang doon ipinanganak ang kanilang relihiyon.

Nobyembre 1917, sumulat si Arthur Balfour, foreign secretary ng Britanya, kay Lionel Walter Rothschild, lider-Zionistang may-ari ng malaking bangko sa Europa. Ipinangako ng Britanya ang pagtatag ng “bansang tahanan ng mga Hudyo” sa kolonya nitong Palestine, na noo’y may 90% populasyong Arabo.

Binomba at minasaker ng Britanya ang mga Palestino, pinalayas, kinamkam ang mga lupain at ibinigay sa mga Zionista. Pinangasiwaan rin ng Britanya ang malawakang pagdagsa ng mga Zionistang settler mula sa Europa para okupahan ang mga lupaing Palestino.

Nang matapos ang kolonyal na paghahari ng Britanya sa Palestine noong 1947, nagpasya ang United Nations (UN) na hatiin ito sa dalawang estado, Palestine at Israel. Hindi pumayag ang mga Palestino na ibigay ang 55% ng kanilang teritoryo sa Zionistang okupasyon. Ang Israel, inilunsad ang Nakba at nakapagtatag ng estado.

Inokupahan ng mga Zionista ang 78% ng teritoryo ng Palestine. Hinati sa Gaza at West Bank, ang natitirang 22% at ipinailalim sa kontrol ng Israel. Sa kapirasong lupaing ito isiniksik ang mga Palestino. Ang iba, napilitang lumikas sa Lebanon, Syria, Jordan at Egypt.

May estado na ang mga Zionista, pero hindi pa tapos ang proyekto. Hunyo 1967, sinalakay ng Israel ang Gaza at West Bank sa Palestine, at ang pinaglikasan ng mga Palestino na Golan Heights sa Syria at Sinai Peninsula sa Egypt. Isinailalim ang mga ito sa militar na paghahari ng Israel na nagpairal ng marahas na patakaran ng diskriminasyon at pagsikil sa batayang karapatan at kabuhayan ng mga Palestino.

Lumiit ang mundo ng mga Palestino habang lumalawak ang inookupahan ng mga Zionista. Kasabay ng paglawak ng mga okupadong settlement ng Israel, na ipinagbabawal sa mga internasyunal na batas, ang pagdami ng mga pinapatay at pinapalayas na Palestino.

Pinangunahan ng mga kabataang Palestino ang unang “Intifada” ng 1987 hanggang 1993. Serye ito ng mga ‘di armadong pag-aaklas, mga protesta, welga, pagbubuo ng mga kooperatiba at organisadong pagsuway sa mga mapanupil na patakaran. Ang tugon ng Israel, pagpatay, pagwasak ng tahanan, pagbaril sa tuhod ng mga nagpoprotesta. Umabot sa 1,070 Palestino ang pinatay (237 ay mga bata), higit 175,000 ang inaresto.

Napilitan ang UN na hanapan ng solusyon ang Palestine. Pinirmahan ang Oslo Accord noong 1993, na nagbigay awtoridad sa mga Palestino na pamunuan ang sarili. Binuo ang Palestinian Authority (PA). Pagkakataon na sanang magkaroon ng sariling estado ng Palestine pero hindi ito kinilala ng Israel.

Mula 1995, pinaigting pa ng Zionistang okupasyon ang kontrol nito sa Gaza at West Bank. Kinordonan ng de-kuryenteng pader at ginawang pinakamalaking kulungan sa buong mundo ang Gaza. Pinahigpit pa ang militaristang kontrol ng IDF ang West Bank. Dumami pa ang mga inokupang settlement ng mga Zionista sa Palestine.

Bago ang pagpapaulan ng bomba nitong nakaraang tatlong linggo ng Oktubre, umabot na sa 6,407 Palestino ang pinatay ng Israel sa ilang ulit nitong pagtatangkang salakayin ang Gaza mula 2008 hanggang Setyembre 2023.

Ang kasaysayan ng Palestine ay kasaysayan kolonyalismo at okupasyon, ng mga masaker, pambobomba at sapilitang pagpapalayas. Kasaysayan din ito ng determinadong pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya ng mamamayang Palestino.

Unang bahagi
Ikatlong bahagi
Ikaapat na bahagi