Komentaryo

Bata, bata, safe ka pa kaya?*


Naalala ko sa isang pelikula ni Vilma Santos, tinanong ang anak n’yang si Maya (Serena Dalrymple): Bata, bata, pa’no ka ginawa? Sa pagkakataong ito, ang tanong natin sa mga katulad niya: Bata, bata, safe ka pa kaya?

Nag-viral kamakailan ang post ni Philippine Ambassador to the United Kingdom Teddy Boy Locsin ukol sa mga batang Palestino.

Aniya, marapat lamang na mamatay sila upang hindi na “lumaking uto-uto tulad ng mga inosenteng Palestino na hinahayaan ang Hamas na magpalipad ng mga bomba sa Israel.” Taliwas ito sa itinakdang proteksiyon sa mga bata sa ilalim ng United Nations Convention on the Rights of the Child.

Sa isang banda, ayon sa United Nations Children’s Fund (Unicef), isa sa bawat dalawang bata ang naiipit sa online sexual abuse and exploitation of children (Osaec). Katumbas ito ng 280% pagtaas sa huling komprehensibong datos noong 2022. Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center, ikalawa ang bansa sa India sa pinakamaraming kaso ng Osaec.

Naalala ko sa isang pelikula ni Vilma Santos, tinanong ang anak n’yang si Maya (Serena Dalrymple): Bata, bata, pa’no ka ginawa? Sa pagkakataong ito, ang tanong natin sa mga katulad niya: Bata, bata, safe ka pa kaya?

Sa likod ng insensitibo at racist na mga komento ni Locsin, libo-libong mga bata ang nangamamatay sa Gaza Strip. Umabot na sa humigit-kumulang 6,400 bata na ang namatay sa walang humpay na carpet bombing sa mga ospital, day care center at kabahayan. Nasa 10,000 na ang kabuuang bilang ng mga patay mula nang magsimula ang operasyong Al-Aqsa Flood noong Oktubre 7.

Bago pa nito, 75 taon nang inaagawan ng lupain ang mga pamilyang Palestino. Sa isang tigang na bahagi ng disyertong Sinai, nagsiksikan sila at wala nang makataong espasyo para sa mga bata liban sa kanilang mga masisikip na bahay. Tinanggalan rin sila ng akses sa edukasyon, kalusugan, tubig, kuryente, pagkain at iba pang batayang serbisyong panlipunan.

Tagumpay para sa ilang mga tanggol-kabataan at mga child rights groups ang pagkakapasa ng Republic Act 11930 o Osaec Law ngayong taon. Subalit tila malayo pa ang batas sa pagpapanagot sa mga may-sala at pagbuwag ng mga cybersex sites kung saan nagaganap ang pag-abuso. 

Wala rin kongkretong solusyon ang pamahalaan sa pagtaas ng bilang ng mga Osaec kundi dagdag-pondo sa bihis ng confidential funds. Hindi man lang nito target na ibsan ang tunay na pinag-uugatan ng isyu: ang malawakan at sistemikong kahirapan.

Sa lahat ng mga ito, isa lang ang lubos na naghihirap: ang mga musmos. Ipinagkakait sa kanila ang karapatang mabuhay, magpaunlad, maprotektahan at makibahagi sa takbo ng lipunan. Ninanakaw ang kanilang mga pangarap at inaasam na kinabukasan.

Sa isang lipunang makasarili, atrasado ang paglago ng kanilang mayabong na diwa. Sa isang lipunang mapang-api, walang safe na bata.

*Pasintabi kay Lualhati Bautista