Suporta sa mga batang biktima ng karahasan, isinusulong
Mas malaya pa rin nakalalabas ang mga nakagawa ng paglabag sa karapatan ng mga bata kaysa mismo sa mga batang nabiktima ng karahasan.
Nanawagan ang Children’s Rehabilitation Center (CRC) na kailangang bigyang pansin ng gobyerno ang pagprotekta sa mga karapatan ng mga bata.
Sa isang forum nitong Dis. 6 sa Quezon City, kinuwestyon ni CRC executive director Olivia Bernardo, ang mga hindi umiiral na mga batas para sa proteksyon at karapatan ng mga bata.
“Bakit may mga kaso ng pagpatay? Bakit patuloy ang mga batang nawawalay sa magulang? Bakit maraming ulila? Bakit maraming bata ang hindi nakakapag-aral? Hindi sumasapat ang mga tools na ito, ang mga batas na ito para proteksyunan [ang mga bata],” ani Bernardo.
Dagdag pa niya, mas malaya pa rin nakalalabas ang mga nakagawa ng paglabag sa karapatan ng mga bata kaysa mismo sa mga batang nabiktima ng karahasan.
Sa datos ng ng human rights watchdog na Karapatan noong 2022, limang bata mula sa pamilyang maralita o magsasaka ang pinatay at isa ang tinortyur, dahil sa mga akusasyon na parte ang magulang ng mga bata ng komunistang grupo.
Samantala, mahigit 1,000 kaso ng mga bata ang ilegal na inaresto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ayon sa CRC, karamihan dito ay mga undocumented na kaso ng karahasan na karaniwang ibinibilang bilang “collateral damage.”
Dagdag ng CRC, ang mga bata ay “hindi collateral damage” lang kung hindi direktang dinadamay sa pag-atake dahil bahagi sila ng pinag-iinitang komunidad.
Karahasan sa mata ng bata
Nagbahagi ng karanasan si Marcelo, miyembro ng Children’s Collective sa karahasang kanyang naranasan sa kamay ng mga pulis noong 2022 sa Tarlac.
“Kami ay hinuli ng pulis habang kami ay nagtatanim kasama ang mga magsasaka at nakikipagkuwentuhan sa kanila. Dalawang araw akong nakakulong sa presinto kasama ang mga magulang ko, sila naman ay apat na araw. Hanggang ngayon meron silang mga gawa-gawang kaso, ni-red tag sila at tinawag na ‘terorista.’” ani Marcelo, 12 taong gulang.
Samantala, ang batang si Imat, anak ng mag-asawang aktibista na si Chai Lemita-Evangelista at Ariel Evangelista na kabilang sa siyam na sunod-sunod na pinatay sa Timog Katagalugan noong Mar. 7, 2021 na tinaguriang “Bloody Sunday.”
Ang magulang ng bata ay mula sa grupong Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan (Umalpas Ka) isang organisasyong magsasaka na lumalaban sa pagmimina at pangangamkam ng lupa sa Nasugbu, Batangas.
Nasaksihan mismo ni Imat, 10 taong gulang lang noon, kung paano inaresto, kinaladkad, at pinagbabaril ng pulis ang kanyang mga magulang sa kanilang cottage, dahil nakapagtago ito sa itaas na parte ng kanilang tahanan.
“‘Yong dulo [ng baril] winasak ‘yong panga ng papa niya ganoon din sa nanay niya sa may chest part. Actually, tumama sa autopsy ang mga kwento sa amin ni Imat na basag-basag talaga ang buto at [mayroon] natamaang organs,” paliwanag ni Ella, isa sa volunteer mula sa Batangas na nagbahagi ng kuwento sa forum para kay Imat.
Nagsampa ng kaso ang pamilyang Evangelista sa 17 pulis na kasama sa operasyon. Subalit pagkalipas ng dalawang taong imbestigasyon, ibinasura ang kaso dahil umano sa “lack of evidence” kahit pa may testimonya mula kay Imat at tiyahin nito na nakasaksi sa krimen.
Isinusulong na polisiya
Patuloy na nangangalampag ang grupo sa gobyerno upang bigyan ng kagyat at kongkretong polisiya para sa mga Pilipinong batang biktima ng karahasan.
“Ang laki ng epekto ng human rights violation sa buhay, saka kinabukasan, [at] sa estado ng kalagayan ng mga [bata],” ani Sarryna Gesite, networking officer ng Women’s Global Network for Reproductive Rights (WGNRR), isang southern-based global network na nagsusulong sa sexual and reproductive health and rights.
Giit ng WGNRR, napakasipag ng gobyerno na pumirma ng “kung ano-anong international treaty,” ngunit pagdating sa kasunduan para sa pagpapalakas ng proteksiyon sa mga sibilyan at bata na nadadamay sa “conflict” ay hindi napapatupad bagkus mas nilabag pa ang karapatan.
Ikinakampanya ng grupo sa gobyerno ang kanilang mga rekomendasyong patakaran at batas sa pagprotekta sa mga bata batay sa UN Convention on the Rights of the Child.
“[We] urge the government for child protection sa lahat ng porma ng karahasang kanilang nararanasan through necessary measures and strategies in terms [kung] paano nila mare-reduce ang poverty na nakakaapekto sa kalagayan ng mga bata, and fully respecting the rights of children kasama ang pag-strengthen ng mga social worker,” saad ni Gesite.
Isa sa internasyunal na rekomendasyon ay ang “right to survival” ng mga bata kasama ang pagsuporta at proteksiyon sa mga batang nawalan ng tirahan, nawalan ng magulang, napasama sa digmaan at mga batang biktima ng extrajudicial killings.