Husgahan Natin

Paglabag sa karapatan ng OFW

Natural lamang na marami tayong batas na nagbibigay ng proteksiyon at nangangalaga sa OFWs. Mahirap isipin na mayroong pa ring kompanyang lumalabag sa mga batas at hindi nirerespeto ang mga karapatan ng mga migrant worker.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, aabot sa 2 milyon ang bilang ng mga overseas Filipino worker (OFW) noong 2021. Tiyak na lumaki pa ang bilang dahil hindi bababa sa 800,000 ang nadagdag noong 2022 ayon sa Department of Migrant Workers.

Dahil dito, natural lamang na marami tayong batas na nagbibigay ng proteksiyon at nangangalaga sa OFWs. Mahirap isipin na mayroong pa ring kompanyang lumalabag sa mga batas at hindi nirerespeto ang mga karapatan ng mga migrant worker.

Halimbawa dito ang nangyari sa kaso ng “SRL International Manpower Agency, etc. v. Pedro Yarza Jr.” (GR No. 207828) na hinatulan ng Korte Suprema noong Pebrero 14, 2021.

Sa nasabing kaso, nag-apply si Pedro bilang project manager sa United Arab Emirates (UAE) sa kompanyang Akkila Co. Ltd. at SRL International Manpower Agency ang local agency ng kompanya.

Natanggap si Pedro at lumipad na sa UAE para sa kanyang trabaho. Sasahod siya ng DH8,000, transportation allowance na DH2,000 at inflation allowance na DH2,200 bawat buwan. Dalawang taon ang kontrata ni Pedro sa kanyang trabaho. 

Direktang nakipag-ugnayan si Pedro sa kompanyang Akkila tungkol sa trabaho noong una. Para mapabilis ang pagtatrabaho ni Pedro sa Akkila, binigyan nito ng visit visa si Pedro imbis na employment visa.

Nang malaman ito ng SRL, agad nitong tinawag ang atensiyon ni Pedro at ng Akkila dahil labag ito sa patakaran ng Philippine Overseas Employment Administration. Ngunit dahil may kasunduan na, natuloy si Pedro ang pagtatrabaho.

Pagkatapos ng limang buwang pagtatrabaho, pinauwi na si Pedro sa Pilipinas dahil expired na ang kanyang visit visa.

Pagdating niya sa Pilipinas, nag-apply para sa bagong deployment itong si Pedro gamit ngayon ang kanyang employment visa dahil maliwanag na hindi pa tapos ang kanyang kontrata sa kompanya.

SRL pa rin ang agency na nagproseso sa redeployment ni Pedro. Muli siyang dumaan sa medical examination. Dito natuklasan na may uncontrolled diabetes pala si Pedro. Nang malaman ito ng kompanya ng Akkila, pinadalhan nito ng sulat itong si Pedro na hindi na siya maaaring makapagtrabaho dahil sa medical reasons. 

Nagsampa ng kasong illegal dismissal sa tanggapan ng Labor Arbiter si Pedro laban sa SRL. Hiningi niya ang sahod na kanya sanang makukuha kung natapos niya ang dalawang taong kontrata. Dinismiss ng Labor Arbiter ang reklamo.

Una, wala raw katunayan na may partisipasyon ang SRL sa pagtatrabaho ni Pedro sa ibang bansa. Ang kanyang pagtatrabaho sa ibang bansa ay nagawa niya na walang partisipasyon ang agency kundi sa sarili niyang kayod gamit ang kanyang visit visa. Pangalawa, hindi na maaaring i-deploy si Pedro dahil siya’y may uncontrolled diabetes.

Umapela si Pedro sa National Labor Relations Commission (NLRC). Napatunayan ng NLRC na may partisipasyon ang agency sa pagpatrabaho kay Pedro sa ibang bansa dahil sa mga e-mail correspondence sa pagitan ni Pedro at ng agency.

Nagsimula ang partisipasyon ng SRL noong pinoproseso ang mga dokumento ni Pedro hanggang mabigay na ang kanyang visit visa. Mula sa umpisa, umakto na ang SRL na ahente ng Akkila.

Napatunayan din ng NLRC na hindi tama ang ginawang pagtanggal o hindi pagtanggap kay Pedro ng kompanya sa kanyang trabaho dahil wala silang nakuhang certification mula sa public health authority na ang sakit ni Pedro ay hindi magagamot sa loob ng anim na buwang gamutan. Dahil dito, inutos ng NLRC na bayaran si Pedro ng anim na buwang sahod, dagdag pa ang attorney’s fees.

Humingi ng rekonsiderasyon ang agency at lumiit ang binigay na award kay Pedro dahil sabi ng NLRC, ang hindi pagtanggap sa kanya ay dulot kanyang sakit na diabetes. Kung tatanggapin daw si Pedro ng SRL sa kanyang trabaho, maaaring mawalan ng lisensya ang huli. Kaya isang buwang sahod na lamang ang binigay ng NLRC.

Si Pedro naman ang umapela sa Court of Appeals. Binalik ng Court of Appeals ang unang hatol ng NLRC sa kaso at sinabing dapat bayaran ng anim na buwang sahod si Pedro.

Pumunta sa Korte Suprema ang SRL. Sa Korte Suprema, nilinaw na ang karapatan sa seguridad sa trabaho ay magagamit ng lahat ng empleyado, sa Pilipinas man o sa ibang bansa. Kaya kahit sa UAE nagtrabaho si Pedro, magagamit pa rin niya ang karapatan sa seguridad sa trabaho na binibigay ng ating batas. 

Kaakibat ng karapatan sa seguridad sa trabaho ang hindi pagtanggal sa isang manggagawa kung walang makatarungan o awtorisadong dahilan. 

Sa nangyari kay Pedro, maaaring magamit ng SRL ang dahilan ng kanyang pagkakasakit upang matanggal siya sa kanyang overseas job. Ngunit para magamit ng SRL ang pagkakasakit ni Pedro, kailangan ng ahensiya ang certification mula sa isang public health authority na ang sakit na ito ay hindi gagaling kahit sa loob ng anim na buwang gamutan.

Kung ito ay gagaling sa loob ng anim na buwan, obligado ang employer na bigyan ng sick leave ang manggagawa at pagkatapos nito ay maaari na siyang bumalik sa kanyang trabaho. 

Ito ang sinasabi sa Book VI ng Omnibus Rules Implementing the Labor Code, paliwanag ng Korte Suprema. Kaya labag sa batas ang ginawa ng kompanya at ahente nito na pagtanggal kay Pedro.

Bukod pa rito, hindi dumaan sa tamang proseso ang pagtanggal kay Pedro. Agad-agad siyang tinanggal sa kanyang trabaho na hindi man lang hiningan ng paliwanag.

Ang nangyari kay Pedro ay labag sa Saligang Batas at sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, sabi ng Korte Suprema. Kaya inutos ng Kataas-taasang Hukuman ang pagbayad kay Pedro ng SRL International Manpower Agency at ng Akkila Co. Ltd. ng kanyang sahod hindi lamang para sa anim na buwan, kundi sa nalalabing buwan ng kanyang kontrata, pati moral damages at attorney’s fees.

Nakakatuwa ngunit makikita sa kasong ito ang malasakit ng ating Korte Suprema sa mga OFWs.