Husgahan Natin

Tungkol sa karapatan ng mga security guard

Sa datos ng Philippine National Police, hindi bababa sa 500,000 ang mga lisensiyadong security guard sa bansa. Ngunit alam ba ninyo na hindi lahat ng guwardiya ay nabibigyan ng kanilang benepisyo bilang mga manggagawa?

Sa modernong panahon, ang mga security guard o guwardiya ay bahagi na ng ating buhay. Halos lahat ng mga opisina, kompanya at establisimyento sa ating paligid ay may mga security guard na nagbabantay.

Sa datos ng Philippine National Police, hindi bababa sa 500,000 ang mga lisensiyadong security guard sa bansa. Mas marami pa sila sa mga kasapi ng militar at pulis.

Ngunit alam ba ninyo na hindi lahat ng guwardiya ay nabibigyan ng kanilang benepisyo bilang mga manggagawa?

Isa sa mga halimbawa nito ang kaso ni Santiago na hinatulan ng Korte Suprema noon lang Marso 3, 2023. Nagtatrabaho siya bilang tagabantay ng isang memorial park na pag-aari ng LGTM Corporation.

May kaukulan siyang lisensiya bilang security guard. Bukod pa rito, may baril din siya at uniporme na galing mismo sa LGTM. 

Noong una, sang-ayon sa batas ang sahod at benepisyo na tinatanggap ni Santiago bilang security guard ng kompanya.

Pero pagkalipas ng limang taong pagtatrabaho, hindi na binayaran ng kompanya ang kanyang sahod. Hindi rin binayaran nito ang kanyang 13th month pay at service incentive leave pay. Walang paliwanag na binigay ang LGTM tungkol dito.

Sa kabila ng lahat, tuloy pa rin si Santiago sa trabaho. Ngunit pagdating niya ng walong taon, bigla na lang siyang tinanggal ng LGTM sa trabaho.

Dahil dito, nagsampa si Santiago ng kasong illegal dismissal at non-payment of salaries laban sa LGTM sa tanggapan ng Labor Arbiter. Isinama din niya sa kanyang demanda ang hindi pagbabayad ng kaukulang 13th month pay at service incentive leave pay ng kompanya sa kanya. 

Sa bahagi naman ng LGTM, pinayagan ni Santiago na makapasok sa memorial park na kanyang binabantayan ang ilang tao kahit na wala silang pahintulot ng LGTM. 

Sa kalaunan, ang mga taong ito ang umaktong may-ari sa memorial park na ito. Sinubukang pigilan ito ng LGTM ngunit wala itong nagawa hanggang nauwi sa kasuhan ang kanilang hidwaan.

Hindi nagtagal at nalaman ng LGTM na kasabwat pala si Santiago sa lahat ng pangyayari.

Ito ‘di umano ang dahilan kung bakit iniwanan ni Santiago ang kanyang trabaho at mula noon ay hindi na ito bumalik.

Sa naging hatol ng Labor Arbiter, panalo si Santiago. Sinabi ng Labor Arbiter na walang ebidensiyang iniwanan ni Santiago ang kanyang trabaho. Nagkasala ang LGTM ng illegal dismissal at pinagbayad ng backwages at separation pay ni Santiago.

Pinaniwalaan din ng Labor Arbiter ang alegasyon ni Santiago na hindi siya binayaran ng kanyang buwanang sahod, 13th month pay at service incentive leave pay ng kompanya at inutusan ang kompanya na magbayad ng lahat ng ito.

Umapela sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang LGTM. Ganun pa rin ang naging desisyon ng NLRC ngunit binawasan nito nang kaunti ang monetary award ni Santiago.

Humingi ng rekonsiderasyon ang LGTM at biglang nabaliktad ang desisyon ng NLRC. Pinawalang bisa nito ang una nitong hatol tungkol sa illegal dismissal at sinabing hindi siya dinismiss ng kompanya. 

Sabi ng NLRC, hindi pumasok sa trabaho itong si Santiago dahil sa gulo sa pag-aari ng memorial park na kanyang binabantayan. 

Dahil dito, mali ang sasabihing dinismiss siya ng kompanya at hindi rin siya dapat bayaran ng backwages at separation pay. Hindi rin pinaniwalaan ng NLRC ang kanyang alegasyon na ‘di umano ay hindi siya binayaran ng kanyang buwanang sahod ng kompanya.

Gayunpaman, inutos ng NLRC ang pagbayad ng LGTM ng service incentive leave pay kay Santiago.

Dahil sa nangyari, napilitang iakyat ni Santiago ang kanyang kaso sa Court of Appeals. Sa kasamaang palad, binasura ng Court of Appeals ang kaso ni Santiago. Iniakyat ni Santiago ang kanyang kaso sa Korte Suprema.

Ang tanong sa kasong ito, talaga bang iniwanan ni Santiago ang kanyang trabaho sa kompanya bilang security guard?

Ang sabi ng Korte Suprema, ang pag-absent sa trabaho, sa kabila ng pagkatanggap ng abiso na dapat nang bumalik, ay hindi sapat upang patunayan ang pag-iwan o pag-abandona sa trabaho. 

Kailangang patunayan ng kompanya ang hindi makatuwirang pagtangging bumalik ng manggagawa sa kanyang trabaho sa kompanya at ang pagtangka ng manggagawa na putulin ang relasyon sa pagitan nilang dalawa. 

Kung hindi ito kayang patunayan, walang abandonment sa kaso ni Santiago, sabi ng Korte Suprema.

Ito ay dahil sa walang kahit anumang ebidensiya na naipakita ang kompanya na kusang-loob na iniwan o inabandona ni Santiago ang kanyang trabaho.

Isa pa, ang pagsampa niya ng kasong illegal dismissal laban sa kompanya ay dagdag na patunay na gusto pa niyang bumalik sa kanyang trabaho bilang security guard sa kompanya.

Sa bahagi naman ng kompanya, malinaw na hindi sapat ang ebidensiya na tinanggal o dinismiss nito si Santiago sa kanyang trabaho.

Aminado si Santiago na napilitan siyang iwanan ang kanyang trabaho bilang security guard sa memorial park dahil may isang grupo na umaangkin sa memorial park at nagkademandahan sa bagay na ito.

Lumalabas na hindi bukal sa loob ni Santiago ang mga nangyari.

Sabi ng Korte Suprema, dahil sa kakulangan ng ebidensiya na kusang iniwanan ng isang security guard ang kanyang puwesto at dahil din sa kakulangan ng ebidensiya na tinanggal nga siya sa nasabing puwesto ng kompanyang kanyang pinapasukan, isa lang ang paraan upang maging balanse ang lahat: ibalik sa dati niyang puwesto ang guwardiya nang walang matatanggap na backwages.

Inutos ng Korte Suprema ang pagpabalik kay Santiago sa kanyang dating pwesto na walang matatanggap na backwages.

Sa money claims naman ni Santiago, inutos ng Korte Suprema ang pagbayad sa kanya ng mga ito dahil walang patunay ang kompanya na nabayaran siya ng mga benepisyong ito.

Hindi nga lang pinaniwalaan si Santiago tungkol sa kanyang alegasyon na hindi siya binayaran ng kanyang sahod sa halos tatlong taon niyang pagtatrabaho sa kompanya dahil, ayon sa Korte Suprema, walang manggagawa na magtitiyaga sa kanyang trabaho kapag hindi siya sinasahuran.

Kaya, pinagbayad ng Korte Suprema ang kompanya ng service incentive leave ni Santiago maliban lang sa backwages nito.

‘Yan mga kasama ang isa sa mga huling desisyon ng Korte Suprema tungkol sa karapatan ng mga guwardiya. Sana’y makadagdag sa ating kaalaman ang bagay na ito.