#KuwentongKabataan

Nakasanayang hanapbuhay


Tatak Pilipino at kasama na sa kultura ang mga tradisyonal na dyip. Parte na rin ito ng  buhay komyuter sa bansa. Binansagan ito bilang “hari ng kalsada,” ngunit ang kita’y malaalipin.

Kamakailan lang, nakausap ko ang aking ama sa kung ano ang nais niyang gawin simula pagkabata. Pangarap daw niyang “magmaneho.”

Halos 80% ng mga drayber ang maapektuhan ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), ayon sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston). Kabilang dito si Salvador Mancilla, aking ama.

Sa 23 taon na pamamasada, umiikot lamang sa dalawang ruta ang kanyang biyahe. Mula Metro San Jose sa Gen. Mariano Alvarez, Cavite patungong San Pedro, Laguna at Metro San Jose patungong Gen. Mariano Alvarez Area. Ito na rin ang kanyang nakasanayang hanapbuhay.

Sa halagang P500, maaarkila niya na ang tradisyonal na dyip pampasada. Dito niya natutustusan ang pangangailangan namin sa pang-araw-araw. Ito rin ang dahilan kaya napag-aaral niya kaming dalawang magkapatid. Natutugunan man subalit may mga araw na mahina ang kita sa kalsada.

Pumapatak sa P300 hanggang P600 ang kita niya sa isang araw. Sumasabay pa ang suliranin sa taas presyo ng gasolina na lalong nagpapabutas ng kanyang bulsa.

KC Mancilla/Pinoy Weekly

Nitong 2023, lalong diniin ng kasalukuyang administrasyon na huwag ng pahabain ang konsolidasyon ng mga tradisyonal na dyip at UV Express kaysa isipin ang magiging epekto nito sa kabuhayan ng mga tsuper at opereytor.

Giit ni Papa, “Sana huwag matuloy ang jeepney phase out dahil mawawalan ako ng hanapbuhay.” Malaking balakid ito lalo na’t ito lamang ang kanyang pinagkukunan ng kita sa pang-araw-araw.

Kontrobersiyal ito, sapagkat may ilalala pa pala ang “isang kahig, isang tuka” na sitwasyon ng mga drayber sa Pilipinas. Bukod sa maraming mawawalan ng trabaho, damay at magugutom din ang kanilang pamilya.

Bilang anak ng drayber, ramdam ko ang lungkot sa mata ng aking ama. Ganoon din ang hinayang ng mga opereytor at drayber na aking nakasalamuha nitong transport strike. 

Noong 2021, lampas 42,000 tsuper ang bumabiyahe sa bansa. Isa lang ang aking ama sa libo-libong tsuper na nangangamba sa jeepney phase out. Hindi katanggap-tanggap na mawawala na lang sa isang iglap ang kanilang malayang hanapbuhay.

Samakatuwid, bukod sa pag-1-2-3 ng ibang pasahero sa dyip, may mga bagong hamon na naman na kakaharapin ang mga drayber. 

KC Mancilla/Pinoy Weekly

Tatak Pilipino at kasama na sa kultura ang mga tradisyonal na dyip. Parte na rin ito ng  buhay komyuter sa bansa. Binansagan ito bilang “hari ng kalsada,” ngunit ang kita’y malaalipin.

Naranasan ko rin noon na sumama sa biyahe ng aking ama. Ang pinaka hindi ko malilimutan ay noong kasagsagan ng pandemya. Hindi biro ang pagmamaneho ng lampas 10 oras o higit pa sa isang araw. Nakakainip, mainit, at iba’t ibang tao ang iyong nakakasalamuha.

Nabilang ko, pito lamang ang kanyang pasahero matapos na maghintay nang dalawang oras sa pila. Kahit hindi puno ang pampasaherong dyip, kailangan nang pumasada dahil kinse minuto lamang ang paghihintay ng pasahero. 

Subalit mas lalong iigting ang kahirapan na kanilang dinaranas ngayong mayroong limitasyon sa kanilang malayang paghahanapbuhay. 

Maaalala na ang salitang “para po” na sinasambit sa manong drayber kapag tayo ay nakarating na sa ating destinasyon. Ngayon, panahon naman ng mga tsuper at opereytor na magsabi ng “para po” sa kasalukuyang administrasyon, mahinto lamang ang pag-phase out sa hari ng kalsada.

Sa biyaheng nakakapagod, mabagal, at hindi sigurado kung may kikitain. Kailan kaya magigising sa mga busina ng mga tsuper ang pamahalaan?