Paboritong Pamaskong tradisyon ng mga Pinoy


Marami rin tayong iba’t ibang paraan para ipadama at ipagdiwang ang Pasko sa ibang tao at maging sa ating mga tahanan. Kaya naman, tinipon ng Pinoy Weekly ang mga paboritong Pamaskong tradisyon ng mga Pilipino.

Sabi nga ng ilang mga banyaga, kakaiba raw kung paano nagdiriwang ng Pasko ang mga Pinoy dahil tayo raw ang may pinakamahabang Pasko sa buong mundo.

Marami rin tayong iba’t ibang paraan para ipadama at ipagdiwang ang Pasko sa ibang tao at maging sa ating mga tahanan.

Kaya naman, tinipon ng Pinoy Weekly ang mga paboritong Pamaskong tradisyon ng mga Pilipino.

Marc Lino Abila/Pinoy Weekly

Ang Simbang Gabi ay debosyonal at siyam na araw na serye ng mga misa na dinadaluhan ng mga Katoliko bilang parangal sa Birheng Maria at paghahanda para sa kapanganakan ni Hesukristo.

Tinatawag din itong Misa de Gallo o Misa de Aguinaldo dahil kadalasan itong ginaganap nang madaling araw mula Dis. 16-24. May mga simbahan din na may misa sa gabi mula Dis. 15-23.

Ayon sa kasaysayan, nagsimula ang Simbang Gabi noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Ginawang madaling araw ang misa nobenaryo para makadalo ang mga magsasaka at mangingisda.

Pero bakit nga ba gustong-gusto ito ng mga Pinoy?

“Mula pagkabata kapag kami’y nagsisimbang gabi, sa loob ng isang taon ito na ang pinakamasayang araw na magkakaroon kami,” ani Anna Villarin del Prado sa isang panayam.

“‘Yong sama-sama kayong pamilya na nagsisimbang gabi at kakain ng mga pagkaing tulad ng bibingka at puto bungbong,” sabi naman ni Hatti Sagun.

Michael Edwards/Getty Images

Isa sa mga inaabangan ng mga Pinoy ang tinatawag na “ber” months at pagpatak pa lang ng Setyembre, nagpapatugtog na ng mga himig Pamasko ang mga istasyon ng radyo o naglalagay na ng mga dekorasyon kasama ang pamilya.

Mula sa tradisyonal na parol at belen hanggang sa Christmas tree at Santa Claus na dekorasyon, tiyak na makakakita ka na ng iba’t ibang pailaw at dekorasyon sa mga lansangan, pampublikong lugar, at sa loob at labas ng tahanan at opisina kahit Setyembre pa lang.

“Start pa lang ng ber months excited na for decorations, both sa bahay and office. After which namimili na for gifts,” pagbahagi ni Pauline Villarosa.

“[Sa] pag-set up ng Christmas tree, katulong ko nanay ko at bunsong kapatid. Kasi pati tatay ko sa pagkumpuni ng [Christmas] lights,” pagbahagi rin ni Ge Gentozala-Juachon.

“Hindi feeling Pasko sa amin kung ‘di naka-decorate ang bahay. Tradisyon pa itong minana mula sa mom ko noong bata kami,” dagdag naman ni Jenny Ortuoste.

Mariche Magsino/Canva Images

Ang Noche Buena o “Christmas Eve” ay isang pagkakataon para sa pagsasama-samang muli ng mga pamilya o magkakamag-anak para kumain nang sabay-sabay at magkakasamang salubungin ang Pasko.

Kadalasan, pagkatapos kumain at pagpatak ng alas-dose, magbubukasan na ng mga regalo.

Pagluluto ng noche buena, parang ito kasi yung pagkakataon ng bawat pamilya na kainin o ihanda ang pagkain na para sa kanila, pinakaespesyal,” sabi ni Matthew Hernandez.

Sabay-sabay sasalubungin ng pamilya ‘yong Pasko habang kumakain. Yung dahil kahit busy na kayo lahat nagtatrabaho, ‘yon [ang] time na buo kayo pag mag-catch up, magtawanan at mag-celebrate,” sabi rin ni Tep Ligot.

May mga paborito ring ihanda ang mga Pilipino sa Noche Buena, ilan na rito ay queso de bola, leche flan at spaghetti.

Spaghetti sa noche buena. I always have that in the table, in memory of my nanay. Marami akong sahog na nilalagay ngayon para sumarap, pero si nanay noon kahit ketchup lang ang sauce at hotdog ang sahog, ang sarap-sarap na,” ani Analize Guerrero.