Editoryal

Inisyatiba ng mamamayan o ng nasa Malacañang?


Sinasabing “kontra-diktadura” ang Saligang Batas ng 1987. Totoo ito lalo na’t nagmula sa diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. ang bansa noong binalangkas ito.

Muling umaalingawngaw ang tugtog ng Charter change (Cha-cha) o pag-amiyenda sa Konstitusyon matapos magpalabas ng patalastas sa primetime sa telebisyon noong Ene. 9. Sinasabi ng patalastas na bunga ng Saligang Batas ng 1987 ang paghihirap ng mamamayang Pilipino dahil sa mga ekonomikong restriksiyon.

Ipinakita sa patalastas ang mga ‘di umano’y kabiguan ng Pag-aalsang EDSA at ng Saligang Batas ng 1987 sa mga pangako nito sa mamamayang Pilipino para sa kaunlaran at pagkakapantay-pantay. Binayaran ng Gana Atienza Avisado Law Offices ang nasabing patalastas na ipinalabas sa tatlong istasyon ng telebisyon.

Sinabi naman ng law firm na isang kliyente nila na grupong Pirma ang siyang nagnais na maipalabas ang patalastas. Sinabi rin nito na mula sa mga donasyon at pribadong pondo ang ginamit para bayaran ang pagpapalabas ng patalastas.

Bago pa ang pagpapalabas ng patalastas, ibinunyag ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman ang nangyayaring pagbili sa pirma ng mga rehistradong botante sa halagang P100 kada isa para lumagda sa people’s initiative na nagsusulong ng pag-amiyenda sa Konstitusyon.

Sa ilalim ng kasalukuyang Saligang Batas, kinakailangan ng lagda ng 10% ng lahat ng rehistradong botante sa bansa at 3% sa bawat legislative district upang maisulong ang isang panukalang batas sa pamamagitan ng people’s initiative. Magkakaroon din ng reperendum o plebesito upang maging ganap na batas ang panukalang isinusulong ng people’s initiative.

Ang inisyatiba at reperendum ay mga reserbadong kapangyarihang lehislatibo ng mamamayan para “tuwirang makapagpanukala at makagawa ng mga batas o makapagpatibay o makatanggi sa ano mang batas o bahagi nito” na pinagtibay ng Kongreso o lokal na pamahalaan.

Resulta ng Pag-aalsang EDSA noong 1986 ang paglalagay ng probisyon sa pagkakaroon ng sistema sa inisyatiba at reperendum sa Konstitusyon dahil sa popular na suporta sa “people’s power.”

Sa pagkakataong ito, ginagamit ang inisyatiba ng mamamayan para amiyendahan ang Konstitusyon sa porma ng constituent assembly at magkasamang pagboto ng Senado at Kamara. Naglalayon umano ito na amiyendahan ang mga probisyon sa mga ekonomikong restriksiyon na sumasagka sa kaunlaran.

Kuwestiyoble rin ang paraan ng pangangalap ng mga pirma ng mga rehistradong botante para sa inisyatibang ito.

Ayon kay Lagman, ipinatawag ang mga alkalde ng mga bayan sa Albay para isang pulong ng League of Mayors nang hindi ipinaalam ang adyenda. Sa pulong noong Ene. 5, ipinaalam sa kanila na magkakaroon ng people’s initiative para sa pag-amiyenda sa Saligang Batas at bibigyan sila ng kaukulang pondo para isagawa ito sa kani-kanilang mga bayang nasasakupan.

Ang mga tanong ngayon: Saan nagmula ang pondong ginagamit sa inisyatibang ito? May kinalaman ba dito ang mga bundat na P14.2 bilyong pondo ng Commission on Elections at P741.45 bilyon na unprogrammed funds ng ehekutibo ngayong taon? Sino ang totoong nasa likod ng grupong Pirma na nagsusulong ng ganitong porma ng pagbabago sa Konstitusyon?

Totoong maraming limitasyon ang kasalukuyang Saligang Batas ng Pilipinas. Ngunit ang mga limitasyong ito sa dayuhang pagmamay-ari sa lupa at negosyo—lalo na sa likas na yaman, pampublikong utilidad at serbisyo, at midya—ay mga proteksiyon laban sa kontrol ng mga dayuhan sa ating pambansang ekonomiya at patrimonya.

Masama ba ang kontrol ng dayuhan sa ating ekonomiya? Sa mahabang panahon bilang isang kolonya, naranasan ng ating bansa ang pagkamkam sa yaman nito para sa kapakinabangan ng mga mananakop at bumabansot sa pag-unlad ng Pilipinas. Kahit pa nagkaroon ng nominal na kalayaan noong 1946, naglalaway pa rin ang mga dayuhan—partikular ang United States—sa ating mayamang kalikasan.

Liban pa sa mga ekonomikong probisyon, nariyan din ang banta ng mga amiyenda sa politikal na probisyon ng Konstitusyon.

Sinasabing “kontra-diktadura” ang Saligang Batas ng 1987. Totoo ito lalo na’t nagmula sa diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. ang bansa noong binalangkas ito.

At totoo na nais ng kasalukuyang pangulo na anak ng diktador—hindi man mamutawi sa kanyang mga labi—na hindi siya magpapalimita sa isang anim na taong termino ng paghahari-harian ng kanilang pamilya sa bansa. Kumbaga’y nakabalik na sila sa poder matapos halos tatlong dekada, lulubus-lubusin na nila.

Sa mga pangyayaring ito, isa lang ang tamang kasagutan: Ang malawak na pagkakaisa ng mamamayan laban sa ibayong pag-abuso sa kapangyarihan at pandarambong sa yaman ng bayan.

Kailangang maging mapagbantay, mapagmatyag at mapanuri ng mamamayan sa panahong ito ng sari-saring pambabaluktot sa kasaysayan at katotohanan. Kailangang tutulan ang Cha-cha.