UN rapporteur, hinimok na imbestigahan ang atake sa kalayaan sa pagpapahayag
Ayon kay Karapatan secretary general Cristina Palabay, nasa 40 ang kabuuang bilang ng organisasyong nagsumite ng ulat. Kalakip sa mga ulat ang mga kaso at atakeng kinakaharap ng iba’t ibang sektor.
Hinimok ng mga progresibong grupo na imbestigahan ni United Nations (UN) Special Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression Irene Khan ang mga kaso ng paglabag sa mga karapatan sa pagpapahayag sa hanay ng mga aktibista, artista, midya at miyembro ng akademiya sa kanyang pagbisita sa Pilipinas.
Inaasahang darating si Khan sa Ene. 23 at magtatagal hanggang Peb. 2.
Sa isang press conference nitong Ene. 16, inilahad ng mga lider ng grupo ang mahahalagang punto mula sa ulat na pinasa nila kay Khan.
Ayon kay Karapatan secretary general Cristina Palabay, nasa 40 ang kabuuang bilang ng organisasyong nagsumite ng ulat. Kalakip sa mga ulat ang mga kaso at atakeng kinakaharap ng iba’t ibang sektor.
Sabi pa ni Palabay, mahalaga ang pagbisitang ito para malaman ng mundo na nagpapatuloy ang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr.
Panunupil sa mga peryodista
Sa datos ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), nasa 109 na ang mga peryodistang nakaranas ng atake at banta sa ilalim kasalukuyang administrasyon. Mas mataas ito ng 47% kung ikukumpara sa unang dalawang taon ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasama sa bilang ang apat na mamamahayag na pinaslang na sina Percy Lapid, Juan Jumalon, Cris Bunduquin at Renato Blanco. Wala pa ring napapanagot sa kanilang pagkamatay hanggang ngayon sa kabila ng malakas na panawagan ng mga kaanak at buong komunidad ng midya para sa hustisya.
Dagdag dito, nasa 20 ang naitalang insidente ng red-tagging sa mga mamamahayag.
Isa si Frenchie Mae Cumpio, isang community journalist sa Tacloban, sa mga biktima ng red-tagging. Mag-aapat na taon na siyang nakakulong ngayong Pebrero dahil sa mga gawa-gawang kasong isinampa laban sa kanya.
Ayon sa World Press Freedom Index 2023 na inilabas ng Reporters Without Borders, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang delikado para sa mga mamamahayag.
Kaya naman mahalaga ang pagbisita ng eksperto mula UN para mapag-usapan ang ganitong kalagayan ng bansa pagdating sa kalayaang magpahayag, giit ni Raymund Villanueva, chairperson ng AlterMidya People’s Alternative Media Network.
“Walang karapatan ang anumang gobyerno na pigilan ang kanyang mga mamamayan na magkaroon ng opinyon at magkaroon ng ekspresyon,” ani Villanueva.
Ang pagkakaroon ng maluwag na espasyo para sa mga Pilipino ang isa rin sa mga hinahangad kung saan puwedeng matamasa ang karapatan sa impormasyon at karapatang makapagpahayag.
“Kung talagang seryoso ‘yong administrasyong ito sa pag-iimprove ng press freedom situation, ibigay ang hustisya [para sa mga pinaslang at kinulong],” sabi ni Paul Soriano, secretary general ng NUJP Metro Manila Chapter.
Censorship sa mga artista ng bayan
“Halos 40 taon ang lumipas mula noon, maraming threats pa rin to freedom of expression ang hinaharap ng artist sector sa kasalukuyan,” saad ni Concerned Artists of the Philippines (CAP) secretary general Lisa Ito.
Sabi ni Ito, malaki ang epekto ng mga ahensiyang pinagpapatuloy ang red-tagging at supresyon sa mga artista, lalo na sa mga lumilikha ng kritikal at progresibong sining.
Noong State of the Nations Address (SONA) 2023, sinampahan ng Quezon City Police District ang artistang si Max Santiago ng kasong paglabag sa Ecological Waste Management Act o Republic Act 9003 at Clean Air Act o RA 8749 dahil sa kanyang “Doble-Kara” effigy. Pinapakita ng efifgy ni Marcos Jr.
Ito ang unang beses na ginamit ang mga batas pangkalikasan laban sa mga lumilikha ng sining protesta. Katuwiran ni Santiago sa isang panayam, paraan ng panunupil sa kalayaang magpahayag ang pagsasampa sa kanya ng kaso na dapat tigilan ng mga pulisya.
Isa rin si Kevin Eric Raymundo, mas kilala bilang Tarantadong Kalbo, sa mga nakararanas ng red-tagging. Aniya, minsan nang pinaskil ang kanyang mga sining sa mga lansangan para paratangan siyang kasapi ng New People’s Army.
Si Raymundo ang nagsimula ng komiks at kampanyang “Tumindig” bilang tugon sa mga kalupitan ng administrasyong Duterte. Nagsilbing panghikayat din ang sining para makiisa ang mga botante noong eleksyon.
“Hinihikayat ko ang UN na tingnan pa ang sitwasyon ng karapatang pantao sa hanay ng mga manggagawang pangkultura,” wika ni Raymundo na kasapi rin ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo.
Atake sa kalayaang pang-akademiko
Lalo namang tumindi ang pagkitil sa kalayaan ng pagpapahayag ng mga miyembro ng akademiya simula noong ilabas ang Department of Education (DepEd) Order No. 49. Pinipigilan nito ang mga guro na magpahayag ng anumang ikasisira ng imahe ng ahensiya.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) secretary general Raymond Basilio, nakabatay na lang sa mga librong inilaan ng DepEd ang paraan ng pagtuturo sa mga paaralan. Hindi na pinapayagang magdagdag o palawakin ang impormasyong nasa libro.
Dagdag ni Basilio, wala pa ring tugon si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte sa kanilang mga kahilingan para sa mas maayos na sistema ng edukasyon.
Sa kolehiyo naman, laganap din ang militarisasyon at red-tagging. Noong 2022, tinanggal ang Prudente-Ramos Accord of 1990 o ang kasunduan sa pagitan ng Polytechnic University of the Philippines at Department of National Defense (DND) na nagpoprotekta sa mga estudyante, guro, at kawani ng pamantasan. Bago ito ay tinanggal na rin University of the Philippines-DND Accord of 1989 noong 2021.
Nakasaad sa naturang mga kasunduan ang pagbabawal sa panghihimasok ng mga militar at pulisya sa mga unibersidad nang walang koordinasyon sa pamunuan ng mga institusyon.
“Malinaw po sa bahagi namin, sa pagdating po ni Special Rapporteur, ang amin pong panawagan: tingnan, pakinggan ang kalagayan ng hinaing ng ating mga manggagawa sa loob ng sektor ng edukasyon,” ani Basilio.
Restriksyon sa kalayaan sa pagtitipon
Ipinatupad ang militarized lockdown nang magsimula ang pandemya noong 2020. Ngunit patuloy pa rin hanggang ngayon ang pangingialam ng pulisya at paghingi ng permit sa mga protesta ng mamamayan kahit tapos na ang lockdown.
Katuwiran ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary general Raymond Palatino, nakasaad sa Public Assembly Act of 1985 na hindi kailangan ng permit sa mga freedom park upang magprotesta.
Sabi pa niya, kahit may permit noong People’s SONA 2023 ay sinampahan pa rin ng tatlong gawa-gawang kaso ang kanilang mga lider at kasapi.
May permit din mula sa Manila City Hall ang #March4Peace noong Nob. 25 pero hinarang pa rin ng pulisya ang martsa sa Roxas Boulevard.
Biktima rin ang Bayan ng website blocking na isang halimbawa ng arbitraryong probisyon ng Anti-Terrorism Act of 2020, ani Palatino.
“Blinock ang aming website nang walang due process, nang walang ibinigay na pagkakataon sa amin na pabulaanan ang mga akusasyon ng gobyerno,” paliwanag niya sa wikang Ingles.
Sa pagdating ni Khan, inaasahan ng mga grupo na magiging matagumpay ang pagsisiyasat sa kalagayan ng kalayaan sa pagpapahayag sa bansa at magdudulot ng positibong pagbabago.
Nanawagan din ang mga grupo na sundin ni Marcos Jr. ang anumang magiging rekomendasyon ni Khan pagkatapos ng imbestigasyon. Anila, obligasyon ng gobyernong irespeto ang mga kalayaan at karapatan ng mamamayan.