Khan: Tugon sa atake sa midya ng Pinas, isulong na


Nagpapatuloy ang mga banta at atake sa malayang pamamahayag sa Pilipinas ayon sa ulat ni Special Rapporteur on Freedom of Expression Irene Khan sa United Nations.

Hinimok ni United Nations Special Rapporteur on Freedom of Expression Irene Khan ang gobyerno ng Pilipinas na agarang aksyonan ang nagpapatuloy na banta at pag-atake sa malayang pamamahayag sa bansa. 

Sinabi ito ni Khan kasabay ng paglalabas niya ng kanyang pinal na ulat sa UN Human Rights Council tungkol sa kalagayan ng midya sa Pilipinas, Hun. 18.

Nabuo ni Khan ang ulat matapos bumisita sa bansa noong Enero 2024 upang suriin ang kalagayan ng kalayaan sa pagpapahayag. Sa pagsisiyasat niya, nakita niyang seryosong banta para sa mga aktibista at progresibong mga grupo ang red-tagging ng gobyerno. 

Itinuro bilang pangunahing sangkot sa red-tagging ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) dahil sa kanilang pambibintang sa mga progresibo na nagsusulong ng karapatang pantao. 

“Mula sa mga dokumentadong kaso, makikita na laging kaakibat at kasunod ng red-tagging ang paniniktik, pang-aaresto, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, pagbabanta at maging pagpaslang,” sabi ng dokumento sa Ingles.

Inilarawan din ni Khan sa kaniyang ulat ang inarestong “Tacloban 5” na kinabibilangan ng mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio, bilang halimbawa ng mga biktima ng red-tagging. 

Pinuna rin sa naging ulat ang mabagal na pag-usad ng mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag. 

“Matagal nang itinuturing na delikadong lugar para sa mga mamamahayag ang Pilipinas. Bagamat bumaba ang bilang ng mga krimen laban sa mga mamamahayag mula nang maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nananatili pa ring nakababahala ang sitwasyon,” sabi sa dokumento.

Lumalabas sa datos ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) na 10 lamang sa 117 mamamahayag na pinaslang sa nagdaang 30 taon ang may kasong umusad. 

Itinuring din ng ulat ni Khan na direktang porma ng pagsesensura ang utos ng National Telecommunications Commission (NTC) noong 2022 na i-block ang 27 websites, kabilang ang sa mga pahayagang Pinoy Weekly at Bulatlat, at ng mga progresibong organisasyon. Apektado rin nito aniya ang karapatan ng publiko sa impormasyon.

Kinilala naman ng mga organisyasyon ng midya ang naging resulta at mga rekomendasyon ni Khan. 

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), tugma ang mga punto ni Khan sa mga paninindigan ng unyon. Hinimok naman ng unyon ang ika-20 Kongreso na agarang tugunan ang mga rekomendasyon ni Khan. 

File Photo/Pinoy Weekly

“Nananawagan ang NUJP sa ika-20 na Kongreso na pagtuunan ng pansin ang mga rekomendasyon ni G. Khan, kabilang na ang decriminalization of libel, pagpasa ng Freedom of Information Act at muling pagrerebyu ng Anti-Terrorism Act na nagdudulot ng chilling effect at sumasalungat sa pandaigdigang pamantayan sa karapatang pantao,” pahayag nila. 

Gayundin, nanawagan ang Altermidya Network para sa agarang pagpapalaya kay Cumpio at sinabing dapat umaksyon ang gobyerno. Anila, “Dapat tugunan ng gobyerno ang kanilang konstitusyunal na mandato na protektahan ang pamamahayag sa bansa.”

Kabilang sa mga rekomendasyon ni Khan sa kaniyang ulat ang pagsasaayos sa Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) upang mas maging epektibo ito sa pagpapatupad ng mga hakbang ng gobyerno para sa proteksyon ng mga mamamahayag. 

Sa isang pahayag, tinanggap ng PTFOMS ang ulat ni Khan, pero nanindigang naging matagumpay ang gobyerno dahil sa pag-angat ng Pilipinas sa 2025 Press Freedom Index sa pinakamataas na nitong ranking sa loob ng 21 taon.

Pero ayon sa NUJP,  nananatili pa rin ang maraming paglabag sa karapatan ng mga mamamahayag sa kabila ng pag-usad ng bansa sa numero sa mga talaan.
Sa inilabas nilang datos noong Mayo 1, nakapagtala ang unyon ng 177 na kaso ng mga paglabag sa malayang pamamahayag mula nang manungkulan si Pangulong Marcos Jr. Kabilang dito ang anim na pagpatay, 58 na harassment at 29 na panre-redtag.