Komentaryo

Gabay ng Kristiyanong Pilipino sa Semana Santa


Mismong si Hesus na rin ang nagpapaunawa, na ang pananampalataya ay dapat hindi hiwalay sa materyal at kolektibong pighati at pangarap ng lipunan.

Kristiyanong bansa kuno, pero hindi maka-Kristiyanong kalagayan—ganiyan ang kabalintunaang minsa’y komento sa kalagayan ng Pilipinas. Sa hindi bababa sa 84% ng populasyon ang Kristiyano, tila nakapagtataka na mala-impiyerno ang kalagayan ng mga ordinaryong Pilipino habang ang mga nasa poder ay nagpapakasasa sa korupsiyon.

Ang P610 na minimum na sahod sa Kamaynilaan ay napakalayo sa tinataya ng Ibon Foundation na halos P1,200 nakabubuhay na pampamilyang sahod.

Samantala, bukod sa kabila’t kanang mga balita ng korupsiyon, dahas ang isinusukli ng pamahalaan, na kung saan ang Pilipinas ang pangwalo sa pinakadelikadong bansa para sa mga mamamahayag at ang panglima naman para sa mga tanggol-kalikasan. Pinatotohanan ito ng pagdukot ng mga puwersa ng estado sa mga tanggol-kalikasan na sina Eco Dangla at Jax Tiong sa Pangasinan noong Linggo ng Palaspas.

Paano naging kabaligtaran ang kinakalabasan ng Pilipinas sa kabila ng sinasabing relihiyosidad ng mamamayan?

 Kailangan nating aminin na ang naging kasaysayan at oriyentasyon ng Kristiyanismo sa Pilipinas, sa pangkalahatan, ay hindi pa lubos na nagsisilbi para itulak ang mga mananampalataya na sama-samang igiit ang buhay na ganap at kasiya-siya (Juan 10:10).

Sa mahabang kasaysayan nito, binaluktot ang pananampalataya upang bigyang-katwiran ang marahas na kolonyalisasyon, bagay na binibitbit pa rin sa kasalukuyan, sapagkat bukod sa kulturang minsa’y itinuturo sa atin na maging kimi kahit sa kabila ng inhustisya, masyado ring nasentro sa pampersonal at pang-espiritwal ang pananampalataya, hiwalay sa kongkretong danas ng ibang inaapi at sa huli ay nakakapagsilbi upang maging indibidwalistiko ang maraming Pilipino at mahayaang maghasik ng kasamaan ang mga naghahari-harian.

Sa Mateo 16:1-3, inilagay sa pagsubok ng mga Pariseo at Saduseo, mga naghahari-harian noon, si Hesus. Hinamon nila ang Panginoon na magmilagro. Ngunit ang sambit ni Hesus, marunong man daw sila magbasa ng panahon sa langit kung kailan uulan o aaraw, ngunit hindi nila makita ang “signos ng panahon.”

Mismong si Hesus na rin ang nagpapaunawa, na ang pananampalataya ay dapat hindi hiwalay sa materyal at kolektibong pighati at pangarap ng lipunan.

Kaugnay ito sa ensiklikang inilabas ng Simbahang Katolika sa ilalim ni Papa Juan XXIII na Gaudium et Spes noong 1965, kung saan nangangaral na kung ano ang “mga kaligayahan at hangarin, mga takot at pangamba ng mga mamamayan ngayon, lalo na ng mahihirap at dinudusta, ay gayundin dapat mga kaligayan at hangarin, mga takot at pangamba ng mga tagasunod ni Kristo.”

Samakatuwid, kung ang hangarin ng manggagawa ay nakabubuhay na sahod at kung ikinatatakot ng mamamayan ay korupsiyon at pasismo ng estado, nararapat lang ding iyon ang dama at lunsaran ng pagkilos ng mga Kristiyano.

Ngayong mga Mahal na Araw, madalas nating naririnig na iniimbita tayo upang magsisi sa mga kasalanan natin. Ngunit madalas ding nasa mundo pa ito ng pampersonal na pagkukulang.

Paano naman ang mga panlipunang kasalanan na materyal na nakaaapekto sa milyon-milyong Pilipino?

Narito ang isang maikling gabay-pagninilay sa bawat araw ng Semana Santa hinggil sa mga panlipunang danas ng mamamayang Pilipino:

Linggo ng Palaspas – Sinalubong si Hesus ng mga ordinaryong mamamayan ng Herusalem. Sapagkat si Hesus ay manggagawa, kapuwa uring masa, imbitasyon ito sa mas mahigpit na pakikiisa natin sa mga kapwa masa dahil kapwa masa ang nakakakilala ng mga pangangailangan at ang maaasahan upang makamit ang mga karapatan.

Lunes Santo – Ito ang araw na sinasabing nagpakita ng galit si Hesus sa templo. Taliwas sa minsang konserbatibong pagtuturo, ang galit ay maaaring kinakailangan at makatarungan, lalo na kapag laban ito sa katiwalian at pagsasamantala. Gaya ng Charter change na gustong ibuyangyang ang ekonomiya at mga likas na yaman ng Pilipinas para sa pandarambong ng mga dayuhan. Ano-ano pa ang mga polisiya na dapat nating kagalitan dahil ito ay tiwali?

Martes Santo – Nagkuwento si Hesus sa mga disipulo ng isang babaeng walang-wala ngunit nagbigay pa rin ng alay sa templo. Taong 2024 na ngunit dapat ang kabayanihang diwa ng community pantry ay hindi dapat matigil. Bagkus, lalo dapat magtulungan ang mga komunidad sa panahong lumalala ang kagutuman at kahirapan.

Miyerkoles Santo – Sa araw na ito pinagtaksilan ni Hudas si Hesus para sa mga piraso ng pilak. Kailangang tiyakin at tutulan sa panahong ito ang mga Hudas na ibinebenta ang kayamanan, kasarinlan at kinabukasan ng mga Pilipino kapalit ng suhol mula sa mga dayuhan at kapwa kurakot.

Huwebes Santo – Sa hanay pa lamang ng mga bata, nasa 95 na ang namamatay araw-araw sa Pilipinas dahil sa malnutrisyon. Ilang bata at pamilya pa kaya ang makararanas ng “huling hapunan” buhat ng kagutuman at kahirapan sa bansa?

Biyernes Santo – Si Hesus ay hindi makakailang pinatay ng mga puwersa ng estado na mersenaryo ng Imperyong Romano. Sa mahigit 30,000 pinaslang ng madugong giyera kontra droga at sa 89 na biktima ng pampolitikang pamamaslang sa unang isa’t kalahating taon ni Marcos Jr., kailangang panagutin ang mga responsable sa mga patayan at bumuo ng lipunang hindi na hahantong sa paglabag sa mga karapatang pantao.

Sabado de Gloria – Wala na ngang sariling industriya ang Pilipinas, pinapatay pa ang maliliit na hanapbuhay. Ang pagpatay ng hanapbuhay ay matagalang kamatayan para sa mga maralita. Ano ang kahihinatnan ng mga tsuper na pinapatayan ng kabuhayan sa transportasyon? Nasaan ang hustisya sa isang magsasaka sa Mindoro na kamakailang kinitil ang sariling buhay dahil sa kapabayaan ng gobyerno sa panahon ng El Niño?

Linggo ng Muling Pagkabuhay – Hindi natapos ang kuwento sa pasyon. Ito ay humantong sa muling pagkabuhay. Marami nang martir ang sambayanan na naunang magbuwis ng buhay para sa mas maaliwalas na kinabukasan. Nasa kamay na ngayon ng mga naiwan paano muling bubuhayin muli ang kanilang diwa sa patuloy at mas papaigting na pakikibaka.


Sinamantala man ng mga puwersa ng estado na dukutin sina Eco at Jak nakaraang Linggo ng Palaspas, ngunit lalong dapat samantalahin ng mga mananampalatayang Pilipino ang Semana Santa upang maitulak na manalig at manindigan para sa hustisyang panlipunan.

Ang mga pagninilay ngayong Semana Santa ay dapat humantong sa pagsasalita, pagkilos, at mga gawi na pagpapatunay na ang Diyos ay Diyos ng kasaysayan at kinabukasan, hindi hiwalay sa atin, gaya ng napatunayan ng mismong pagsasakatawang-tao ng Diyos kay Kristo.

Sa paglutas ng mala-impiyerno, hindi makatao, at makasalanang kalagayan ng Pilipinas ngayon, sundin natin ang tatlong ginawa ni Kristo.

Una, Siya ay nagpahayag ng Mabuting Balita (Marcos 16:15) na may pag-asa sa ating pagkilos upang makamit ang katarungan (Isaias 61:1; Lucas 4:18). Pangalawa, inudyok Niya tayong maging mamamalakaya (Mateo 4:19) ng mamamayan sapagkat ang panlipunang pagbabago ay makakamit nang sama-sama. At huli, hinahamon tayong bitbitin ang krus ng mamamayan (Lucas 23:26) at ipagtagumpay ito laban sa kamatayan.

At sa panahon ngayon, may mga pangalan ang kamatayan: kahirapan, kagutuman, korupsiyon, pandarahas ng estado, Charter change, ang mismong panunungkulan ni Marcos Jr. at mismong lipunang nagdudulot nito.

May mga pangalan din ang buhay: nakabubuhay na sahod, tunay na reporma sa lupa, hustisyang panlipunan, libreng edukasyon, at ang lipunang mag-aanak nito.