‘Nagpapatuloy na galit’ | Laban para sa kababaihang bilanggong politikal

,

Nakapanayam ng Pinoy Weekly ang kababaihang bilanggong politikal, maging ang mga samahan at indibidwal na tumutulong sa kanila. 

Nakapanayam ng Pinoy Weekly ang kababaihang bilanggong politikal, maging ang mga samahan at indibidwal na tumutulong sa kanila. 

Magkakatulad naman halos ang mga selda sa bansa: mahigit isang daang katawan sa loob ng isang silid, kung mahiga’y nakatagilid, magkabilaan ang tao sa kanan, kaliwa, ulo at paa, napapabayaan ang sanitasyon. 

Sa loob ng Correctional Institute for Women (CIW), naroon ang 15 taon nang bilanggo na si Maritess Cosenas na may lumalalang cyst sa kanyang dibdib. Matinding pilitan sa buong pamunuan ng CIW bago siya payagang magpagamot. Kaya dalawang taon pa ang lumipas bago nakapagpakonsulta sa doktor si Cosenas.  

“Lahat bawal, kaya kailangan mag-reklamo, mag-assert,” kuwento ni Fides Lim ng Kapatid, grupo ng mga tumutulong sa bilanggong politikal. Noong 2018, kinulong at sinampahan din ng gawa-gawang kaso ang asawa ni Lim na si Vic Ladlad, isang beteranong aktibista. 

Fides Lim ng Kapatid. Cindy Aquino/Kapatid

Sabi pa ni Lim, hilaw, man o lutong pagkain ay ipagbabawal ng mga guwardiya. At kung magbago man ang isip, didikdikin ang pasalubong hanggang sa magmukhang kaning baboy. 

“Hindi dapat ito tanggapin. Hindi kriminal ang mga bilanggo, wala silang kasalanan,” ani Lim. Tatlong beses nang ikinulong ang asawa ni Lim, kung kaya’t ang kanyang paggigiit sa mga awtoridad ng kulungan at pagtulong sa iba pang bilanggo ay bunsod ng kanyang “nagpapatuloy na galit.”

Naabutan ng Pinoy Weekly si Lim na namimili sa grocery ng mga ihahandang putahe para sa dalaw niya sa iba’t ibang bilangguan.

Malimit mamili si Lim ng mga pagkain na dadalhin sa pagdalaw sa mga bilanggong politikal. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Kagaya ni Lim, paparami ang nagsisilbi sa mga bilanggo, kabilang ang mga dati nilang ka-kosa. Dalawang taon kinulong sa Manila City Jail si Cora Agovida ng Gabriela sa bisa mga gawa-gawang kaso at red-tagging. 

Hindi makatao ang kalagayan sa loob ng kulungan. Itim ang kaning hinahain, bawal ang pagkain galing labas. Bawal din magpasok ng gamot o kahit napkin. Kung magpapaluto man, mula mantika hanggang apoy ng kalan ay may bayad kada minuto ng gamit. Masahol pa, apat na litrong tubig lang ang nakalaan sa bawat isa para sa inumin, pagligo, pangbanyo at panglaba. 

Cora Agovida ng Gabriela. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Binitbit ni Agovida ang pait ng karanasang ito hanggang sa paglabas. “Hindi na ako magsusuot ng dilaw!” anunsyo niya paglabas ng selda pagkat ayaw na niya makita ang kulay ng uniporme sa loob ng jail. 

Pero higit na nakatulong kay Agovida ang paglilingkod sa iba pang nakapiit sa kampanyang Free Our Sisters ng Gabriela. 

“Pagkalabas ko, napaisip rin ako kung gusto ko pa bang tumuloy or magpahinga na lang. Pero ramdam ko rin iyung ramdam ng ibang nakakulong. Kaya para sa kanila ang ginagawa ko ngayon,” paliwanag ni Agovida.

Isa sa mga gawang handicraft ng mga babaeng bilanggong politikal. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Pinagkaisahan ng United Nations, kabilang ang Pilipinas, ang Bangkok Rules o mga kinikilalang karapatan ng bawat babaeng bilanggo. Bahagi nito ang sapat na akses sa gamot, pagiging makatao ng mga kondisyon at dapat malaya sa anumang porma ng abuso. 

“Walang sinusunod na pamantayan sa Pilipinas. At makikinig lang sila sa marunong magreklamo at mag-assert,” ani Ofel Balleta, paralegal at bahagi ng services committee ng Karapatan.

Ofel Balleta, paralegal at bahagi ng services committee ng Karapatan. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Gayunpaman, marami sa mga kababaihan, convicted man o hindi ay umaasang makakalabas sila balang araw. Hindi man dahil sa kabutihan ng mga korte, kundi dahil sa tulak ng mamamayan para sa hustisya. 

Mataas ang diwa ni Alex Pacalda, 28, kahit pa apat na taong nang bilanggo at convicted. Sa loob ng selda, tumutula, lumilikha ng mga kanta at nag-oorganisa ng kapwa para sa pagkain, mababang presyo ng bilihin at serbisyong panlipunan. 

Natuto na raw silang mabuhay sa “libingan ng mga buhay” at karugtong nito, natuto rin silang makibaka sa loob.