Pamilya ni Jemboy, dismayado sa hatol
“Nakakalungkot, kasi nakalaya sila tapos isa lang sa kanila ‘yong talagang makukulong. [‘Yong iba], apat na taon lang makukulong pero anak ko habambuhay nang wala”, wika ng ina ni Jemboy.
Matapos ang halos pitong buwang paglilitis, dismayado sa naging desisyon ng Navotas Regional Trial Court Branch 286 ang pamilya ni Jherrode “Jemboy” Baltazar, isang 17 anyos na binatang binaril ng mga pulis dahil sa mistaken identity sa Navotas City noong Ago. 2, 2023.
Sa anim na pulis na binabaan ng hatol nitong Peb. 27, si Police Staff Sgt. Gerry Maliban lang ang nahatulang nagkasala sa kasong homicide, habang ang apat na pulis na sina Police Executive Master Sgt. Roberto Balais Jr., Police Staff Sgt. Nikko Esquilon, Police Cpl. Edmard Jade Blanco, at Patrolman Benedict Mangada nahatulan lamang sa kasong illegal discharge of firearms. Absuwelto naman sa kaso si Police Staff Sgt. Antonio Bugayong Jr.
Ang nakakapanlumo pa rito, sinentensiyahan lang si Maliban ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong sa kasong homicide, habang apat na buwang pagkakabilanggo naman sa apat ng pulis sa ilegal na paggamit ng baril.
Inutusan din ng hukuman ang Metro Manila District Jail Annex 2 na palayain na kaagad ang apat dahil sa naging preventive imprisonment nila mula noong Okt. 5, 2023, at lampas apat na buwan na ang lumipas.
Paglabas ng korte sa Navotas, isang emosyonal na Rodaliza Baltazar, ina ni Jemboy, ang sumalubong sa midya.
“Nakakalungkot, kasi nakalaya sila tapos isa lang sa kanila ‘yong talagang makukulong. Apat na taon lang makukulong pero anak ko habambuhay nang wala,” wika niya.
Inaasahang iaapela pa ang kaso sa Court of Appeals, ayon kay Justice Assistant Secretary Jose Dominic Clavano.
Nagkaroon din ng press conference si Sen. Risa Hontiveros kasama ang magulang ni Baltazar na si Rodaliza at Jessie Baltazar nitong Peb. 28. Sinabi si Hontiveros na dapat na palakasin ang Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) na siyang nag-iimbestiga sa mga pang-aabuso ng mga pulisya.
“Lumalabas na isa na naman itong pagsasalamin o mukha ng impunity na ilang mga taon na nating nilalabanan,” ani Hontiveros.
Nagpahayag din ng pagtutol sa iginawad na desisyon ang Ideals, ang legal group na tumulong at nagrepresenta sa pamilya Baltazar, at idiniing nananatiling mailap ang hustisya sa mga biktima ng pang-aabuso mula sa kamay ng mga elemento ng estado, partikular na ang PNP.
Bumuhos rin ang suporta ng iba’t ibang grupo sa pamilya Baltazar, kabilang na ang National Union of People’s Lawyers (NUPL), na nagsabing suportado nila ang pamilya Baltazar sa laban para sa “tunay at karapat-dapat na hustisya.”
Ayon naman sa human rights watchdog na Karapatan, isa na naman itong pruweba ng pasismo’t abuso sa ilalim ng PNP.
Matatandaang binaril sa ulo si Baltazar habang nag-aayos ng bangkang pangisda sa isang ilog sa Babanse, Navotas City kasama ang isang kaibigan.
Nahulog sa ilog bandang 2:00 p.m.. Pero naiahon na ang katawan niya ng bandang 5:00 p.m. dahil sa pagpipigil ng mga pulis na nasa bisinidad ng krimen.
Sa salaysay ng mga saksi, may nagtangka pa umanong magtanim ng droga sa katawan ni Baltazar matapos iahon, ngunit maagap nila itong pinuna.