Suring Balita

Marcos Jr., walang obligasyong itago si Duterte sa ICC


“Buti nga sila aarestuhin hindi papatayin agad. Lilitisin pa muna para mapatunayan ang akusasyon,” sabi ng Rise Up for Life and for Rights, grupo ng mga pamilya ng biktima ng extrajudicial killings.

“Ang hinihingi lang ng mga biktima—rasonable na hinihingi—hayaan lang na makasuhan si Duterte.”

Hindi umano maintindihan ni Bayan Muna chairperson Neri Colmenares kung bakit kumikilos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na parang obligado itong protektahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court (ICC) gayong “ang obligasyon ni President Marcos ay sa mamamayang Pilipino.”

Isa si Colmenares sa mga abogado ng mga pamilya na namatayan dahil sa extrajudicial killings (EJK), partikular na ang “war on drugs” ni Duterte. Aniya, tuloy sa pagsusumite ng mga karampatang affidavit o ebidensiya at supplemental pleadings ang mga pamilya sa ICC.

“Magpresenta rin si Duterte ng ebidensiya niya doon. Kung manalo siya, manalo siya. Kung matalo siya, matalo siya,” sabi ni Colmenares. “Hindi naman inuutusan ng taumbayan si Marcos Jr. na ipakulong si Duterte.”

Laman ng balita ang usap-usapan ng pag-aresto kay Duterte matapos ibahagi ni Harry Roque, dating tagapagsalita ni Duterte, na hindi na ito makatulog sa gabi dahil sa posibilidad ng pagkakahuli.

Tugon naman ng Rise Up for Life and for Rights (Rise Up), organisasyong binuo para sa mga naiwang pamilya ng EJK victims, “Buti nga sila aarestuhin hindi papatayin agad. Lilitisin pa muna para mapatunayan ang akusasyon.”

Sa tala mismo ng gobyerno, 6,252 ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ni Duterte. Ayon sa Human Rights Watch (HRW), nasa 12,000 ang tunay na bilang ng mga pinatay. Kung isasama pa ang ibang kaso ng talamak na patayan noong panahong iyon, aabot sa 30,000 ang biktima ayon sa iba’t ibang human rights group.

Ngayon, kailangan ng higit na proteksiyon at suporta ng mga naiwang pamilya ng mga biktima, ani Colmenares. Posibleng tumindi umano ang pag-aatake at pananakot sa mga pamilyang naghain ng petisyon, lalo na sa posisyon ni Marcos Jr. sa kaso ng ICC.

Pinoy Weekly file photo

Sa kabila ng mga panawagan ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) noong nakaraang taon na dapat kilalanin ang ad hoc jurisdiction ng ICC, iginiit ni Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan ang gobyerno sa imbestigasyon.

“Itinuturing kong banta [ang ICC] sa ating soberanya,” sabi ni Marcos Jr. noong Ene. 23. Aniya, hindi nila mapipigilan ang pagbisita sa Pilipinas ng mga miyembro ng ICC bilang ordinaryong tao, “pero hindi kami tutulong sa kanila.”

Taliwas ito sa desisyon ng Korte Suprema noong 2021 kung saan binanggit nila ang Article 127(2) ng Rome Statute, ang internasyonal na batas na nagtatag sa ICC, na nagsasabing may karapatan ang isang gobyerno makipagtulungan sa ICC para sa mga kaso na naganap habang miyembro pa ito.

Para sa Pilipinas, pasok pa ang kaso laban kay Duterte dahil Mar. 17, 2019 pa naging epektibo ang pag-alis ng bansa sa ICC. Bukod pa rito, sinabi rin ng NUPL sa isang statement nitong Peb. 10 na miyembro ang Pilipinas ng International Criminal Police Organization (Interpol) at mayroong cooperation agreement ang Interpol at ICC.

Sa kabila nito, inutusan na ni Marcos Jr. ang mga ahensiya ng gobyerno, kasama na ang pulisya at mga lokal na pamahalaan, na huwag sumagot sa anumang katanungan o kahingian ng ICC.

“Tingin namin na malinaw na pakikialam ito sa ating soberanya,” sabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo, kaya hindi raw kikilos ang PNP para sa anumang warrant na ilalabas ng ICC. “Lagi naming sinasabi na hindi lang sa PNP kung hindi sa iba pang sangkot na government agencies na gumagana naman ang sarili nating sistemang panghukuman,” dagdag niya.

Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, sumusunod lang ang PNP sa direktiba ni Marcos Jr. Sa kasalukuyan, wala pang impormasyon mula sa gobyerno kung may warrant of arrest nang inilabas para kay Duterte.

Bilang isang hukuman, walang sariling pulisya o militar ang ICC. Kung maglalabas ng warrant of arrest ang ICC, inaasahan nitong tutugon ang 123 na bansa na miyembro ng ICC o “state party.”

Dahil dito, pinayuhan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga sangkot sa kasong nakahain sa ICC na “‘wag kayo pupunta sa lugar na maaaring makialam ang ICC. Dito [sa Pilipinas], hindi sila pwedeng makialam talaga rito.”

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na dokumento na inoobliga si Duterte na humarap na sa husgado ng ICC.

Ayon sa HRW, sa nakaraang mga imbestigasyon ng ICC sa ibang bansa, inabot ng ilang buwan hanggang anim na taon bago naglabas ng warrant o summons ang husgado.

“Ang malaking laban ngayon at sa susunod na ilang buwan ay sa larangan ng pagpapaliwanag sa taumbayan ng pangangailangan na matuloy ang imbestigasyon at kaso kay Duterte,” sabi ni Colmenares.

Sa huling joint statement ng NUPL at Rise Up, sinabi niyang “hindi magpapaloko ang mga biktima ng war on drugs sa mga nagsasabing banta sa soberanya, panggugulo sa domestic law and order, at pawang pang-aapi sa Pilipinas itong imbestigasyon ng ICC.” Malinaw sa kanila na pruweba itong imbestigasyon na lumiliit ang mundo para sa mga lumalabag sa karapatang pantao. /May ulat ni Ella Colmenares