Pitong taon na ang Occupy Bulacan!
May pitong taon ng mga pag-abante, problema at aral. Panahon ito ng bastos at bruskong Pangulong Rodrigo Duterte, na lubhang nagmamaliit sa kakayahan ng kababaihan.
Kada Mar. 8, ginugunita ang Araw ng Kababaihan, pagkilala sa mga tagumpay na nakamit ng kababaihang lumalaban para sa karapatan.
Sa araw ding ito, ‘di maiiwasang balik-balikan ang isa pang mahalagang tagumpay, ang Occupy Bulacan sa bayan ng Pandi at pinamunuan ng kababaihang maralita noong 2017.
May pitong taon ng mga pag-abante, problema at aral. Panahon ito ng bastos at bruskong Pangulong Rodrigo Duterte, na lubhang nagmamaliit sa kakayahan ng kababaihan.
Pero dahil sa Occupy, nalantad ang matagal nang kriminal na kapalpakan ng gobyerno. Ayon sa Commission on Audit noong 2018, may 127,000 pabahay na nakatiwangwang at nabubulok sa buong bansa. Halata mo kay Duterte, pahiya ang kanyang administrasyon.
Kaya militarisasyon ang naging tugon nila. Nagtayo ng napakaraming outpost, checkpoint at regular na patrol ng mga sundalo. Sinimulan ang paghaharang sa lahat ng lumalabas para sumama sa mga aktibidad ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).
Pinilit at binayaran din ng mga sundalo ang ibang nakatira para maging asset o intelligence nila. Kaliwa’t kanang pananakot sa mga miyembro. Nagsampa rin ng mga gawa-gawang kaso sa akin at iba pang lider. At nagtayo ang mga sundalo ng sarili nilang samahan, binuhusan ng pondo ang grupong tinawag nila na “Pro” kasi raw kampi sa gobyerno.
Sa madaling salita, noong 2018, ang Pandi ay nagsilbing laboratoryo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).
Nariyan pa rin ang tagumpay ng Mar. 8. Hindi ito basta-bastang mabibitawan kahit pa dumanas ang Pandi ng pitong taon ng pasismo at terorismo mula sa NTF-Elcac.
Dahil sa takot at panggigipit, maraming miyembro ng Kadamay ang pekeng pinasuko at pinalabas na New People’s Army kunwari. Kapalit ito ng pangakong livelihood, at iba pang tulong at ayuda lalo na noong 2020 at buong pandemya.
Pero walang napala ang mga nagmiyembro sa kanila. Pro-government nga kung tawagin ang samahan nila, at kagaya ng gobyerno sa Malacañang, wala ding natupad sa kanilang mga pangako.
Kung usapin ng pabahay, Kadamay pa rin ang nilalapitan. At para sa amin, malaking karangalan iyon. Madalas namin sinasabi, hindi Kadamay ang lulutas sa problema ng pabahay sa komunidad, pero nais naming maging lunsaran at bukluran ng laban ng buong komunidad na siyang magtutulak ng pagbabago.
Kapansin-pansin ngayon sa mga pabahay na wala na masyadong pulis at sundalo. Pero alam ng lahat na nariyan lang din ang kanilang presensiya. Nariyan pa rin ang mga ahente ng intelligence at mga humaharang sa sinumang sumasama sa rally.
Nariyan pa rin ang tagumpay ng Mar. 8. Hindi ito basta-bastang mabibitawan kahit pa dumanas ang Pandi ng pitong taon ng pasismo at terorismo mula sa NTF-Elcac.
Sa katunayan, labis na bumagsak pa lalo ang tiwala ng masa sa gobyerno. Sinungaling at manggagamit ang mga opisyal at awtoridad na lumalapit sa mga pabahay ng Pandi. Kung mayroon mang magpapalakas ng diwang palaban, ito ang makitang wala talagang mapapala sa kabulukan ng pamahalaan at sistema sa lipunan.
Mabuhay ang Occupy Bulacan! Kinagagalak kong maging nagpapatuloy na bahagi nito. At tiyak ko, sa Araw ng Kababaihan, hahanay ako kasama ng mamamayan at kasama ng mga dating homeless na ngayo’y may masisilungan.