Makinig kay Ka Bea

Sunog sa komunidad, senyales ng paparating na peligro


Sa mata ng gobyerno at iba pa nilang kasosyo sa malalaking proyekto tulad ng mga skyway, ekspansiyon ng tren at kalsada, at pagtatayo ng mga commercial center at iba pang matatayog na gusali, nakaka-sore eyes ang maraming maralita sa ating bayan.

Nasa kalagitnaan tayo ngayon ng Fire Prevention Month. Umiinit na kasi ang panahon kaya handa dapat sa anumang sunog. 

Nitong huli, may babala ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa text. Ang sabi nito: Tiyaking ligtas ang buhay at ari-arian sa pag-iwas sa sunog. Hind ka nag-iisa. 

Para namang pinaghahanda at may tiyak na susunugin? Sa dinami-daming dapat imbestigahan na insidente ng sunog, basta na lang daw tayo ang umako sa sarili nating kaligtasan. Pero wala naman silang nilalabas na maayos na mga pamamaraan para magawa natin ito. 

Noong nakaraan, nabasa ko rin ang ulat ng BFP na sinasabing bumaba na raw ang bilang ng mamamayang nasunugan. 

Pero kung tatanungin ang suri at karanasan ng maralitang Pilipino, maaaring kapag nabawasan ng sunog, ibig sabihin bumagal o huminto ang mga proyekto pinapagawa sa iba’t ibang dako ng siyudad. O baka naman naubusan na ng badyet? 

Kapag dumami na naman ang sunog, asahan nating umaarangkada ang mga proyektong pang-imprastruktura at tuloy-tuloy silang nakakapaggawa. Sa mata ng gobyerno at iba pa nilang kasosyo sa malalaking proyekto tulad ng mga skyway, ekspansiyon ng tren at kalsada, at pagtatayo ng mga commercial center at iba pang matatayog na gusali, nakaka-sore eyes ang maraming maralita sa ating bayan. 

Sa pag-oorganisa sa komunidad, nagiging senyales sa amin na demolisyon ang kasunod ng sunog. Maraming pamamaraan, pero pamilyar naman na ang modus.

Gayunpaman, hindi naman matitigil ang lahat ng konstruksiyon ng gobyerno. Meron at merong tinutuloy, at kapag ganoon, hindi malayong magkaroon din ng peligro.

Sa Bacoor, Cavite, may tatlong sunog na naganap noong Ene. 2, Peb. 10 at Mar. 1. Lahat ito sa pawang mga tabing dagat. May 94 na barangay na may 334,000 na pamilya na nakatira sa tabing dagat ng probinsiya. Halos lahat sila’y mga pinupuntirya para sa mga iba’t ibang mapangwasak na proyekto, kabilang ang reklamasyon sa Manila Bay.  

Sa pag-oorganisa sa komunidad, nagiging senyales sa amin na demolisyon ang kasunod ng sunog. Maraming pamamaraan, pero pamilyar naman na ang modus. 

Mapapansin na lang natin, may inupahang bahay na biglang liliyab matapos ang ilang linggo at hindi na mahanap ang umuupa. O kaya’y may mahuhuling nagbubuhos ng gasolina tuwing gabi. Malala pa, minsan may mga pusang pinaliliguan sa gas sabay sisindihan at pakakawalan para tumalon talon sa bubong ng komunidad. 

Para sa mga kriminal na nagpapatupad nito, mas mura, epektibo at kunwari’y aksidente ang pamamaraan ng pagpapalayas at ebiksyon sa maralitang lungsod. 

Taon-taon may sunog sa Sitio San Roque, Quezon City, sa ganyang pamamaraan. Matagal nang dinedepensahan ang komunidad, pero hindi pa rin siya magawang linisin ng mga nagnanais na agawin ang lupain sa mga residente. 

Napakasaklap pa rin ng ganitong pamumuhay ano? Tayong mahihirap ay pawang nabubuhay sa pangmalagiang banta na lamunin ng mga apoy.

Marami nang nawalan at mawawalan ng tirahan, panay sakripisyo ang buhay pero ano nga ba ang pakinabang ng mga proyekto sa kaunlaran? Dahil Fire Prevention Month ngayon, maging mapagbantay tayo, hindi lamang sa kaduda-dudang galawan sa ating lugar, kundi pati sa mga hatid na pangamba ng demolisyon sa ating mga bayan!