Plano ng Washington: Ihatid ang Pilipinas sa giyera
Sa tumitinding tensiyon sa West Philippine Sea, nag-usap-usap sa Washington, DC ang mga pinuno ng tatlong bansa para umano sa seguridad sa Asya-Pasipiko.
Nitong Abril 11, sinamahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Pangulo ng United States (US) at Punong Ministro ng Japan na sina Joe Biden at Fumio Kisihida sa White House para sa isang trilateral summit upang pag-usapan ang mga isyung panseguridad sa Asya-Pasipiko.
Kapansin-pansin na umiinit na ang hidwaan ng US at China na parehong nagnanais na kontrolin ang West Philippine Sea (WPS). Pagkokonsolida ng lakas ng Amerika ang naganap na summit, kasama ang kanyang mga kakampi sa rehiyon. Sa mahabang panahon, pangunahing tagaudyok ang US sa pagtuligsa ng iba pang bansa sa karibal niyang China.
Nakataya sa WPS ang kalakalang may halagang mahigit $3 trilyon, liban sa iba pang estratehikong pagpupuwesto ng mga base militar nito sa rehiyon.
Sa joint statement na inilabas noong summit, tinawag ng mga lider na “dangerous” at “aggressive” ang mga kamakailang aksiyon ng China sa pagroronda ng Chinese Coast Guard at pambobomba ng water cannon sa mga barkong Pilipino.
At habang papalapit ang posibilidad ng matinding giyera, kumakapit muli ang Pilipinas sa matagal na niyang amo sa Amerika.
Totoong may dapat igiit ang Pilipinas sa WPS, pero solusyon ba dito ang pag-angkas sa tinutulak na giyera ng Amerika?
Proxy Pilipinas
Muling binanggit ni Biden na kasing tibay ng “bakal” ang kanyang katapatan sa pagdepensa sa Pilipinas. Dagdag pa niya na “anumang atake sa aircraft, barko o puwersa ng Pilipinas sa South China Sea, ang magtutulak sa paggamit sa Mutual Defense Treaty (MDT).”
Pinirmahan noong 1951, isang tratado ang MDT sa pagitan ng US at Pilipinas na siyang batayan para sa lahat ng iba pang kasunduang militar ng bansa. Nagbibigay laya ito sa Amerika na manghimasok sa mga usaping panseguridad ng Pilipinas at nagpapahintulot ng malawakang paggamit ng mga tropang Amerikano sa rekurso at pasilidad ng Pilipinas.
Ayon kay Renato Reyes Jr., pangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), pinapakita ng ganitong mga pahayag ang nagpapatuloy na kontrol at dominasyon ng US sa bansa, kagaya noong panahong direkta tayong sinakop. Lalong pinagtitibay ng US ang Pilipinas bilang “mala-kolonya at outpost ng militar niya sa Asya,” hirit ng lider.
Paliwanag ni Reyes, isa ang Pilipinas sa mga proxy ng US pangontra sa China, pinapain sa apoy ng digma para sa sarili niyang pakinabang.
Isang araw bago ang summit, ipinakilala sa Senado ng Amerika ang Philippines Enhanced Resilience Act of 2024 (PERA Act) na layong maglaan ng $2.5 bilyon na dagdag pondo ng mga sundalong Pilipino mula 2025 hanggang 2029.
Ayon sa mga eksperto, mistulang pakonswelo ito sa hinahangad ng Amerika gumamit at magpatayo ng mas maraming pasilidad at base sa Pilipinas.
Pero sa mga lansangan ng Washington, DC, nagmartsa ang mga Pilipino para kondenahin ang summit bilang hakbang para gamitin ng US ang Pilipinas sa kanyang pakinabang.
“Bukambibig ng US ang pagpapalago ng ekonomiya, kaunlaran, clean energy at kapayapaan sa rehiyon. Pero alam nating pinagtatakpan lang nito ang kanyang militaristang layunin at oportunidad upang magbuo ng mga panibagong ‘di pantay na kasunduang pang-ekonomiya at militar,” sigaw ni Julie Jamora ng Malaya Movement sa kanyang talumpati sa Ingles.
Sinabayan ang protesta sa may White House ng iba pang demonstrasyon sa Portland, Seattle, Honolulu, Los Angeles, San Francisco at siyempre sa harapan ng US Embassy sa Maynila.
Luzon Corridor
Inanunsiyo rin ng mga lider ang pagbubuo ng Luzon Economic Corridor, kung saan gagawing sentro ng komersiyo ang kahabaan ng Subic Bay, Clark, Maynila at Batangas. Nangako ang Japat at US ng pagpaparami ng dayuhang pamumuhunan sa mga lugar na ito para sa “high-impact infrastructure projects” kabilang ang mga proyekto sa transportasyon, modernisasyon ng mga pier, clean energy, pagawaan ng semiconductor, agribusiness at iba pang pagpapaunlad sa Subic Bay.
Ayon kay Biden, may dagdag pang $1 bilyon mula sa pribadong sektor ng Amerika para sa pagpapalakas ng “clean energy transition at supply chain resilience” kasabay ang “pagpapatuloy na mobilisasyon ng pribadong sektor na maglagak ng pamumuhunan sa Pilipinas.”
Binatikos ni Reyes ang pagbubuo ng Luzon Corridor. Ayon sa kanya, pamamaraan ito para maghatid ng suplay sa gagawing mga base ng Amerikano sa bansa, alinsunod sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
“Ang pinakamalaking isla ng bansa ay gagawing service station ng ilang libong dayuhang sundalo. Economic zone kuno, pero nakaugnay ito sa mga EDCA [site], kabilang ang muling paggamit sa Subic at Clark bilang sentro ng militar para sa dayuhang tropa. Papatinding konsolidasyong militar ang hatid ng anunsiyong ito,” ani Reyes.
May apat na EDCA sites sa Luzon, at ang Subic at Clark ay dati nang kilala bilang dating mayor na base ng US sa Pilipinas. Tinitiyak din nito ang estratehikong puwesto ng presensya ng Amerika: nakatutok sa WPS at sa Taiwan, isa sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Pagdating sa karagdagang pamumuhunan sa bansa, kapalit lamang nito ang higit pang panghihimasok ng US sa bansa.
“Hindi dapat magpasalamat sa pinangakong pamumuhunan lalo kung ang mismong naghatid nito ay magpapasok rin ng mga weapons of mass destruction at tiyak na magpapatayo ng mga outpost para sa digmaan sa lupain natin,” ani Reyes.
Sisimulan na rin, ayon sa mga lider ang Japan-Philippines-US humanitarian assistance and disaster response exercise, na magiging bahagi ng Balikatan 2025.
Nangyari ang summit ilang araw bago magsimula ang Balikatan Joint Military Exercises nitong April 22. Inaasahang halos 20,000 sundalo mula sa US, Pilipinas, France at Japan ang lalahok sa pinakamalaking Balikatan sa kasaysayan.
Ngayong taon, magpapalubog ng isang barko sa coastal area ng Laoag, Ilocos Norte, at magkakaroon din ng military drills sa Batanes, papalapit sa Taiwan.
Sa susunod na mga taon, “malaking tulong” raw ayon kay Col. Michael Logico, executive agent ng Balikatan, ang magiging papel ng Luzon Corridor para sa iba pang aktibidad ng mga sundalo.
Ani Logico, nariyan man ang banta ng China o hindi, mangyayari talaga sa bandang hilaga at kanluran ang Balikatan. Bagaman hindi nila maitanggi na para talaga sa “paghahanda sa giyera” ang kanilang ehersisyo.
Sa unang pagkakataon rin, mangyayari ang isa sa mga drills, lampas 12 nautical miles palayo ng bansa o labas na sa kinikilalang teritoryo ng Pilipinas.
Sino ang kakampi?
Tila nasa gitna ng dalawang nag-uumpugang bato ang Pilipinas. Wala nga bang ibang magagawa ang mamamayang Pilipino kundi kumapit sa malakas at umasa sa kanilang proteksiyon?
Para sa International League of People’s Struggles (ILPS), dapat igiit ng Pilipinas ang kanyang soberanya, pero hindi nito katumbas ang pagsakay sa oportunistang pakikialam ng dati nang nanakop sa bansa.
Dagdag pa ng grupo, dapat magkaroon ng susi at sinserong paggiit mula sa bansa na nakaangkla sa kapayapaan hindi sa paghahamon ng giyera.
“Tutulan natin ang panghihimasok ng China. Pero hindi rin naman makakamit ang sarili nating soberanya kung nagpapagamit lamang tayo sa mga imperyalista at mga makapangyarihang bansa,” ani Liza Maza, secretary general ng ILPS.
Binira pa niya si Marcos Jr. na sumasakay sa “pagpapapogi” ng US sa rehiyon. Ang tunggalian ngayon hinggil sa WPS ay tinagurian niyang isang “flashpoint” o mahalagang usapin na guguhit sa politika ng daigdig, kagaya din ng nangyayari sa Palestine at Ukraine.
Minungkahi din ni Maza ang pagbubuo ng diplomatikong ugnayan sa ibang mga bansa na nakakaranas ng harassment at handa ring igiit ang kanilang soberanya mula sa China. Kabilang dito ang Vietnam at Indonesia, mga kapwa maliliit na bansa pero hindi nahihila sa giyera.
“Ilantad natin ang ganitong kalakaran. Nanawagan kami sa pag-alis ng China sa WPS at itigil ang harassment sa mga mangingisda. Kasabay nito, magkaisa tayo laban sa giyerang nilalako ng Amerika,” giit ni Maza.