Sining at agham para sa kalikasan at soberanya

Sa pamamagitan ng sining, naipapahayag ang mga damdaming may kinalaman sa ating mga karanasan at kaugnayan sa West Philippine Sea.

Sa ilalim ng asul na kalangitan at sa gitna ng mga alon na sumasalubong sa dalampasigan, hindi lang isang anyong tubig West Philippine Sea, ito’y isang buhay na kuwento ng yaman at hamon.

Ito ang naging tema ng eksibit na inilunsad ng University of the Philippines Marine Science Institute (UP MSI) na “Kanlungan at Kasarinlan: An Arts and Science Exhibit on the West Philippine Sea” noong Okt. 22.

Kolaborasyon ito ng UP Bulwagan ng Dangal University Heritage Museum, Daluyong Artists Network Center Inc., at Re-invest WPS Program. Layunin ng eksibit na itampok ang yaman ng kultura at likas na yaman ng WPS at mga hamong kinakaharap nito.

Sa kanyang pambungad na talumpati, binigyang-diin ni Laura David, direktor ng UP MSI, ang kahalagahan ng West Philippine Sea.

“Kailangan nating malaman kung ano ang naroroon at kung paano ito gumagana upang mas mahusay nating mapangalagaan ang ating kapaligiran,” aniya. 

Dagdag pa ni David, nangangailangan ng mas malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa mga yaman ng dagat na hindi lang nagbibigay ng kabuhayan kundi nagsisilbing tahanan din ng iba’t ibang uri ng buhay-dagat.

Tampok sa eksibit ang iba’t ibang obra mula sa Studio Rôman, mga artistang sina William Matawaran at Joanna Aglibot, pati na rin ang mga gawa mula sa Daluyong Artist Network at iba’t ibang koleksiyon ng UP Diliman.

Nagpapakita ang mga likhang sining ng natatanging pananaw ng mga artista sa mga isyu ng kapaligiran at kultura na nagbibigay ng mas malalim na pag-unawa sa ating relasyon sa kalikasan.

Sa pamamagitan ng kanilang sining, naipapahayag nila ang mga damdaming may kinalaman sa ating mga karanasan at kaugnayan sa West Philippine Sea.

Ilan sa mga likhang sining sa “Kanlungan at Kasarinlan: An Arts and Science Exhibit on the West Philippine Sea” sa University of the Philippines Marine Science Institute. Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Naglalaman din ang eksibit ng mga mapa at materyales na batay sa mga pananaliksik ng UP MSI sa West Philippine Sea sa mga nakaraang taon.

Nagbibigay ang mga ito ng mahalagang impormasyon tungkol sa biodiversity ng lugar at ang mga hamon na kinakaharap ng mga komunidad na umaasa sa mga yaman ng dagat at ang ating patuloy na laban para sa soberanya at pangangalaga sa kalikasan.

“‘Yong advocacy ng art namin dito sa show is not only to display but also a call and expression na rin naming mga artist upang i-express ‘yong nararamdaman namin about sa issue ng West Philippine Sea,” wika ni Inod Oronos, isang Batangueñong visual artist ng Daluyong Artist Network, sa panayam sa Pinoy Weekly.

Ang kanyang ipinintang obra na “Dagat-Dagatang Kalapastanganan” inilalarawan ang isang babaeng may bingwit na tinik ng isda. Nilalaro ng piyesa ang kulay na kayumanggi na sumisimbolo sa pighati na kinokontra naman ng pula na nagpapakita ng tapang.

“Napakahalaga ng sining bilang isang porma ng pakikipagtalastasan—visual na pakikipagtalastasan—upang ipahayag kung ano ba ‘yong mga nararanasan at ‘yong mga kasalukuyang [pangyayari] sa issue ng West Philippine Sea,” sabi naman ni Gary Santiago Roxas, isang iskultor at visual artist program director ng Daluyong Artist Network.

Tinuturing ni Roxas na ang form of art ay isang instrumentong madaling ipakalat upang ipakita kung ano nga ba ang mga biswal na gustong ilahad ng mga may likha sa kanilang sining. 

Isa sa obra ni Roxas sa exhibit ang piyesang “Ferocious Obstacle” na gawa sa acrylic at resin na binuo sa kawangis ng isang halimaw na lumilitaw at nagpapakita sa mga manlalakbay sa karagatan.

Isang paanyaya ang “Kanlungan at Kasarinlan” upang pagnilayan ang kahalagahan ng West Philippine Sea sa ating kultura at kalikasan.

Sa pamamagitan ng mga likhang sining at mga materyales na makikita sa eksibit, nagiging mas malinaw ang ating responsibilidad bilang mamamayan na pangalagaan ang ating mga likas na yaman at tiyakin ang kanilang proteksiyon para sa mga susunod na henerasyon.

Bukas sa publiko ang eksibit nang libre hanggang Dis. 13, Lunes hanggang Sabado ng 9 a.m. hanggang 4 p.m. maliban sa mga holiday.