Mangingisdang Pinoy, hindi takot sa bantang pang-aaresto ng China
Hindi magpapatinag ang mga mangingisdang Pinoy sa banta ng China na aarestuhin ang mga mahuhuling “trespassing” sa inaangkin nitong Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Hindi magpapatinag ang mga mangingisdang Pinoy sa banta ng China na aarestuhin ang mga mahuhuling “trespassing” sa inaangkin nitong Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Joey Marabe, Zambales provincial coordinator ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas), patuloy silang mangingisda sa EEZ ng Pilipinas sa kabila ng banta ng China.
“Ang mga tauhan ng China ang dapat arestuhin at papanagutin dahil sa pagpasok nito sa ating teritoryo nang walang pahintulot para magsagawa ng ilegal na pangingisda, reklamasyon at pagtatayo ng mga istrukturang pangmilitar,” aniya.
Nanindigan naman si Pilipinong Nagkakaisa Para sa Soberanya (P1nas) spokesperson Antonio Tinio, walang legal na batayan ang China na mang-aresto ng sino man sa WPS dahil naipanalo na ng Pilipinas sa korte ang karapatan nito sa EEZ.
“Itinakda sa arbitral ruling na walang basis ang 9-dash line na claim ng China at EEZ natin ang WPS. Sa katunayan, Philippine government pa nga ang may kapangyarihang gumawa nito [mang-aresto],” aniya.
Ipinagbabawal ng Article 97 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos) ang paglalabas ng sino mang awtoridad ng mga kautusan ng pang-aaresto o pagdetine sa mga tao o barko na hindi mula sa kanilang bansa.
“Bagama’t hindi kami magpapatinag sa bantang pang-aaresto ng China, magiging mapagbantay at alerto naman ang mga mangingisda habang nagpapatuloy sa aming pangingisda sa West Philippine Sea,” ani Marabe.
Inilabas ng China ang bagong kautusan kasunod ng paglalayag ng sibilyang misyon ng WPS Atin Ito Coalition na naghatid ng ayudang pagkain at krudo sa mga mangingisdang pinoy sa paligid ng Bajo de Masinloc nitong Mayo 15-17. Pinaratangan ng China na “pang-uudyok ng tensiyon” ang isinagawang paglalayag ng mga sibilyang pinoy sa EEZ ng Pilipinas.
“Hindi mamamayang Pilipino, kundi China ang probokador [ng tensiyon] dahil inaangkin nila ang hindi kanila,” ani Tinio.
Nanawagan naman ang Pamalakaya sa kapwa Pilipino na patuloy na manindigan, kasama ng mga mangingisdang pinoy, para igiit ang pambansang soberanya at kasarinlan ng Pilipinas.