Main Story

Tensiyon sa WPS, may mapayapang solusyon


Kailangang alisin ang lahat ng pasilidad at base militar, ng lahat ng bansa, sa South China Sea na banta sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pinoy at sa kapayapaan sa buong Asya-Pasipiko.

Delikadong pumalaot ngayon sa West Philippine Sea (WPS). Panahon na kasi ng sigwada o malalakas na alon at ulan sa karagatan na dala ng hanging habagat. Madalas tuloy ngayong hindi makapangisda ang mga taga-Zambales.

“Buwis-buhay ang pumalaot sa panahon ng sigwada. Masuwerte nang makapalaot ng isang beses sa isang linggo,” sabi ni Joey Marabe, mangingisda sa Masinloc, Zambales at provincial coordinator ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).

Pero kahit may sigwada, pumalaot ang mga mangingisdang Pinoy sa WPS noong Mayo 30-31. Naglayag sila nang mahigit 20 milyang pandagat (nautical miles) mula Masinloc para maglunsad ng kolektibong pangingisda. Sinalungat ng mahigit 20 maliliit na bangka ang malalaking alon para ipaglaban ang karapatang mangisda sa sariling karagatan.

Nagpataw ang China ng apat na buwang fishing ban sa buong South China Sea (SCS), kasama ang bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Inutusan rin nito ang China Coast Guard (CCG) na arestuhin ang mga ituturing na “trespasser” sa mga inaangkin nitong teritoryo simula Hun. 1.

“Pagpapakita ito ng pagtutol ng mga mangingisda sa walang batayang fishing ban ng China na sasaklaw sa ating teritoryo,” sabi ni Marabe.

Nagpataw ang China ng apat na buwang fishing ban sa buong South China Sea, kasama ang bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Ayon kay Neri Colmenares ng Bayan Muna Partylist, walang batayan ang mga kautusan ng China. Labag ito sa hatol ng Permanent Court of Arbitration (PCA) noong 2016, sa United Nations Convention on the Law of the Seas (Unclos) at sa International Covenant for Civil and Political Rights (ICCPR).

“Maraming paglabag diyan sa ginawa ng China. Banta ‘yan sa kapayapaan. Kapag arestuhin mo ang mamamayan ng ibang bansa, pinapatindi mo ang tensiyon at hidwaan,” sabi niya.

Puwede lang aniyang mang-aresto ang China kung may paglabag sa batas at kung nasa loob ng kanilang teritoryo.

“Ang masama sa China, wala na nga tayong ginagawa, ating EEZ pa ‘yon [sa WPS], hindi naman nila EEZ ‘yon. So the more reason na wala silang karapatang mang-aresto,” wika ni Colmenares.

Ibinasura ng PCA ang “nine-dash line” (ngayo’y “10-dash line”) na katuwiran ng China sa pag-angkin sa 90% ng SCS. Tinukoy rin ng korte ang Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc bilang common fishing ground ng lahat ng bansa.

Pinangalanang WPS ang bahagi ng South China Sea na saklaw ng 200 milyang pandagat na EEZ ng Pilipinas sang-ayon sa itinakda ng Unclos at pinagtibay sa hatol ng PCA.

Hindi kinikilala ng China ang hatol ng PCA at pinaninindigan ang “historikal na karapatan” nito sa buong SCS, kabilang ang Scarborough Shoal. Tungkulin umano nitong panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa karagatan.

“Kung inaangkin nila ang teritoryo, ipa-resolve muna nila [sa internasyonal na korte]. Hindi naman puwedeng any country can claim a certain territory and act on it based on their claim lang. Wala siyang karapatan to make a self-imposed claim to the detriment of the rights of other countries, especially countries like the Philippines na nanalo sa tribunal,” ani Colmenares.

Silungan ang Scarborough Shoal ng mga mangingisdang Pinoy tuwing may sigwada. Kalmado ang bahaging ito ng karagatan kaya tinawag ding Panatag Shoal. Pero mula 2012, kinordonan na ng China ang bahura.

“Ang karapatan ng ating mga mangingisda ay nand’yan. We have the legal right to be there. At the very least, puwedeng i-share ‘yan sa mga ibang mga mangingisda. Pero hindi puwedeng patalsikin tayo diyan,” sabi ni Colmenares.

Nitong Mayo, tuluyan nang ipinagbawal ng CCG na pumasok ang mga mangingisdang pinoy sa Scarborough matapos ang sunud-sunod na insidente sa pagitan ng mga puwersang pandagat ng China at Pilipinas.

Mula nang manungkulan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tumindi pa ang tensiyon sa WPS. Naitala ang pinakamaraming insidente ng tunggalian sa karagatan sa pagitan ng China at Pilipinas pagkatapos ng pulong nila ni Chinese President Xi Jinping noong Enero 2023.

Ngayong taon, sunod-sunod ang mga insidente ng pagbangga at pag-water cannon sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG), pagharang sa mga suplay, at mga habulan at agresyon sa karagatan.

Nitong Hun. 4, inakusahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang CCG na kinumpiska at itinapon ang mga suplay para sa BRP Sierra Madre, nabubulok na barko na posteng militar ng Pilipinas sa Ayungin o Second Thomas Shoal, noong Mayo 19.

Pinagbintangan naman ng China ang tropa ng AFP na nanutok ng baril sa mga tauhan ng CCG na nagpatrolya malapit sa BRP Sierra Madre. Iniulat din ng Xinhua News Agency ng China na sinira ng mga sundalong Pinoy ang mahigit 2,000 metrong lambat ng mga mangingisdang Tsino.

Pinangalanang West Philippine Sea ang bahagi ng South China Sea na saklaw ng 200 milyang pandagat na EEZ ng Pilipinas sang-ayon sa itinakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea at pinagtibay sa hatol ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, The Netherlands. Altermidya

Mistulang war zone na ang WPS sa dami ng mga pasilidad, barko at mga gawaing militar ng iba’t ibang bansa.

Naka-deploy na sa WPS ang 11 barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ng China, ayon sa huling ulat ng Philippine Navy nitong Hun. 3. Dumami rin ang mga nagpapatrolya doong CCG at Chinese Maritime Militia (CMM).

Nakatakda namang i-deploy sa WPS ang pulutong ng United States (US) North Pacific Coast Guard. Kasunod ito ng hiling ni PCG Admiral Ronnie Gil Gavan na magdagdag ng puwersa ang US bilang suporta sa Pilipinas. Matagal nang nakapakat ang US Navy Seventh Fleet, pinakamalaking pulutong pandigma ng US, sa palibot ng SCS.

Nauna na ring nakipagkasundo si Marcos Jr. sa US, Japan at Australia para sa magkakasamang pagpatrolya sa karagatan ng Pilipinas.

Nitong Abril, ginanap ang pinakamalaking Balikatan Exercises sa pagitan ng US at Pilipinas malapit sa WPS. Naglunsad din ngayong Hunyo ng sariling military exercises ang China malapit sa Spratlys Islands.

Sa Shangri-La Defense Dialogue sa Singapore noong Mayo 31, sinabi ni Marcos Jr. na mahalaga ang presensiya ng US sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Asya-Pasipiko.

Pero para kay Antonio Tinio, tagapagsalita ng Pilipinong Nagkakaisa Para sa Soberanya (P1nas), lalo lang nitong paiinitin ang tensiyon.

“Sa halip na maresolba sa mapayapang paraan ang isyu ng pang-aagaw ng China, at mapakinabangan ng mga Pilipino ang WPS, itinutulak tayo sa bingit ng giyera ni Marcos Jr. dahil sa pasya niyang kumapit sa US,” aniya.

Paliwanag ni University of the Philippines Professor Roland Simbulan, eksperto sa ugnayang panlabas ng Pilipinas, hindi napapalakas ang sariling kakayahan sa depensa ng Pilipinas, kaya umaasa ito sa US laban sa China. Ginagamit naman ito ngayong dahilan ng China para lalong tambakan ng militar ang WPS.

“‘Yong ginagawa natin na pag-invite ng US ay threatened ang China. Ito rin ay gagamitin ng China para lalong i-militarize ang South China Sea. Lalo tayong naiipit kasi tingin nila nagpapagamit tayo sa US para i-threaten iyung kanilang security,” aniya.

Ipinaalala naman ni Colmenares na obligasyon ng gobyerno na proteksiyonan ang mga mangingisdang Pinoy sa karagatan sang-ayon sa Article 12 ng Konstitusyon.

“Dapat gawin ng [gobyerno ng] Pilipinas ang trabaho niya at huwag ipahamak yung mga mangingisda niya by invoking ‘yong military joint patrols na will only increase tension and could escalate into a conflict sa SCS. Kung magkaroon ng open conflict, ang kawawa naman d’yan ‘yong Pilipinas,” aniya.

Samantala, iniinda pa rin ng mga mangingisda ng Zambales ang epekto ng live-fire exercises at pagpapasabog ng mga bomba sa karagatan bilang bahagi ng Balikataan sa kanilang probinsya.

“Matapos ang Balikatan noong Mayo, bumaba ang nahuhuling isda at kita sa bawat pagpalaot. Kaya hindi lamang China ang kailangang papanagutin sa patuloy na okupasyon, kundi maging ang karibal nitong US na kaparehong nagdudulot ng perhuwisyo sa aming kabuhayan at paglabag sa ating kasarinlan,” sabi ni Jojo Ecijan, presidente ng Panatag Fisherfolk Association.

Pinatindi ng China ang agresyon laban sa Pilipinas mula nang ipihit ni Marcos Jr. ang patakarang panlabas at pandepensa ng bansa pabor sa US.

Noong 2023, pinalawig ni Marcos Jr. ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Pinayagang magtayo ng karagdagang pasilidad militar ang US sa mga base ng AFP sa loob ng bansa, malapit sa pinag-aagawang karagatan.

Ayon sa administrasyong Marcos Jr., makakatulong ang US sa pagdepensa ng teritoryo ng Pilipinas. Pero taliwas ito sa aktuwal na nangyari, ani Colmenares.

“Naniwala na tayo sa US several times, noong [pinirmahan] nila dati ang VFA (Visiting Forces Agreement), ang EDCA, sabi nila proteksiyonan nila tayo sa China. E lalo ngang dumami ang military installation ng China after 2013 no’ng nagkaroon ng EDCA,” sabi niya.

Para sa China, banta sa kanilang seguridad ang mga itinayong pasilidad at mga ipinasok na armas ng US sa Pilipinas. Sabi ni Chinese Defense Minister Dong Jun, may malaking kapangyarihan sa likod ng sinasadyang probokasyon ng Pilipinas laban sa China. Inakusahan din nito ang US na ginagawang pain ang Pilipinas para manggulo sa SCS.

Bahagi ng Indo-Pacific Strategy ng US ang militaristang pagpalibot sa China para isabotahe ang lumalawak na pang-ekonomiya at pampolitikang impluwensya nito. May mahigit 30 hanggang 50 base militar ang US sa Japan, Guam, South Korea at Pilipinas, na nakatutok sa China.

“Ang US, habang meron siyang superiority sa military power, ang strategy niya ay gamitin ito para pilayin ‘yong Chinese economy. They can do this only by maximizing itong military power para ipitin ‘yong trade routes,” sabi ni Simbulan.

Nakaugat sa kompetisyon sa ekonomiya ang militaristang tagisan ng US at China. Paliwanag ng propesor, naagaw na ng Belt and Road Initiative ng China ang mga merkado ng US sa Asya at Europa. Susi dito ang mga ruta ng kalakalan sa SCS kaya ito ang pinupuntirya ng US.

“Hindi niya kayang tapatan yung economic competition. Yung traditional markets ng US, even sa loob ng US mismo, tsaka Europe, talong talo siya,” aniya.

Sa SCS dumaraan ang sangkatlo ng buong pandaigdigang kalakalan na tinatayang may halagang higit trilyong dolyar. Tinataya ring may 3.6 bilyong bariles ng petrolyo at 40.3 trilyong cubic feet ng natural gas sa naturang karagatan.

“Kapag binlock ng US yung Malacca Strait at Sea of Japan, talagang mapipilay ‘yong Chinese economy dahil heavily nagdedepende sila sa trade at ‘yong imports nila ng energy sources dumadaan [sa SCS],” ani Simbulan.

Katuwiran ng US, nagpapakat sila ng tropa sa SCS para protektahan ang kanilang mga interes at tiyakin ang “freedom of navigation.” US Department of Defense

Katuwiran ng US, nagpapakat sila ng tropa sa SCS para protektahan ang kanilang mga interes at tiyakin ang “freedom of navigation.”

“Magrereklamo ka lang na na-harass ‘yong freedom of navigation mo pag dumaan ka tapos pinagbawalan ka. Ang hina-harass lang naman ng China, ang Vietnam, ang Pilipinas, ang Malaysia. Hindi naman US hindi naman Australia, so wala talaga siyang legal basis,” ani Colmenares.

Dagdag niya, walang batayan ang panghihimasok ng US at sinusulsulan lang nito ang tensiyon para mapilitan ang mga bansa sa Timog Silangang Asya na umasa sa puwersa nito.

“Ang irony dito, ang China, ang Pilipinas at ibang bansa, nakapirma sa Unclos. Ang US, ayaw niyang i-limit ‘yong kanyang jurisdiction. Gusto niya mas malaki. Ayaw niya pumayag sa mga 200-[nautical] mile limit sa karagatan kaya ayaw niya pumirma sa Unclos,” sabi naman ni Simbulan.

Kinondena naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang pagpapagamit ni Marcos Jr. sa adyenda ng US sa Asya-Pasipiko para sa sarili nitong interes.

“Dahil sunud-sunuran sa dikta ng US, walang makitang ibang solusyon ang Marcos Jr. administration sa tensiyon sa China kundi palawakin ang EDCA at patindihin ang military exercises. Isusugal kahit ang soberanya at kapayapaan ng bansa para sa pansariling motibo: palakasin ang kapit sa poder at kumamal ng ayudang militar,” sabi ni Raymond Palatino, secretary general ng Bayan.

Babala ni Simbulan, magiging delikado para sa Pilipinas kung lalong mamilitarisa ang pang-ekonomiyang kompetisyon ng US at China, lalo na’t pareho itong may malalakas na sandata.

“Kung pagtingin ng China ‘yong mga ini-install sa teritoryo natin ay nakakapinsala sa kanila, natural na ‘yong kanilang counter-measures ay aimed at these facilities. Kung ganoon ‘yong situwasyon, madadamay tayo. Any kind of miscalculation, o kung sa technology merong error, could spark a very serious conflagration,” ani Simbulan.

Sabi ni US Defense Secretary Lloyd Austin sa Shangri-La Dialogue, “Ang giyera [ng US] sa China, ay hindi pa nagbabadya, pero hindi rin maiiwasan.”

Para sa mga mangingisda ng Zambales, puwedeng ipaglaban nang “mapayapa at nagsasarili” ang soberanya at teritoryo ng Pilipinas. Napatunayan anila ng kanilang dalawang araw na kolektibong pangingisda sa WPS na hindi kailangang umasa ng Pilipinas sa dayuhang kapangyarihan at solusyong militar.

“Ito ay paninindigan din na ang mga karagatan sa teritoryo natin ay para lamang sa pangingisda at iba pang gawaing pang-ekonomiya, hindi sa pang-uudyok ng giyera ng anumang dayuhang kapangyarihan,” sabi ni Marabe.

Nauna nang iminungkahi ni Colmenares na hikayatin ng Pilipinas ang iba pang bansang inaagrabyado ng China, na maghain ng resolusyon sa United Nations General Assembly para sa demilitarisasyon ng buong SCS.

“It’s a third party sponsored demilitarization. Mag-file ang Vietnam, Malaysia, Pilipinas, Asean (Association of Southeast Asian Nations) countries, calling on the UN to implement the demilitarization of the SCS. Ibig sabihin, ipa-dismantle ng UN ang lahat ng military installations sa SCS kasi it is a threat to peace,” aniya.

“Ito ay paninindigan din na ang mga karagatan sa teritoryo natin ay para lamang sa pangingisda at iba pang gawaing pang-ekonomiya, hindi sa pang-uudyok ng giyera ng anumang dayuhang kapangyarihan,” sabi ni Joey Marabe ng Pamalakaya sa Zambales. Altermidya

Iminungkahi niya ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) noong 2022, pero tinanggihan aniya ng gobyerno.

“Ang sagot ng DFA, ibi-veto ng [UN] Security Council. Sabi ko, bakit doon kayo nagsisimula sa problema? Hindi sa atin ang problema, ang China ang problema so sila ang mag-demilitarize. Basta na-file na ‘yan at nagkaroon ng boto ng majority, nalagay na sa defensive ang China, that is a step worth taking,” ani Colmenares.

Hindi rin aniya makikipag-usap ang China para sa mapayapa at patas na solusyon hangga’t nakatambak ang puwersang militar nito sa SCS.

“Ang problema sa China, siyempre bully siya. Kaya dapat mag-assert ang Pilipinas together with Asean countries na binubully ng China,” aniya.

Iminungkahi rin ni Colmenares na magsama-sama ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei at iba pang bansa sa Asean sa mga “joint civilian patrol” sa SCS.

“Joint patrols should be among Asean countries. No aliens in the SCS, ang aliens ‘yong hindi taga-roon sa SCS. Joint patrol by civilian for protection of the environment, against smuggling, trafficking of weapons, human trafficking, trafficking of drugs. Hindi mo ito mai-small kung magsama-sama ‘yong mga bansang ‘yon,” mungkahi ni Colmenares.

Puwede rin aniyang magsampa ang mga bansa sa Asean ng panibagong “multi-pronged” na kaso sa PCA laban sa China.

“Multi-pronged meaning hindi na lang Pilipinas, dapat i-encourage ang Vietnam, ang Malaysia, file another arbitral case. Made-defensive ang China pag sinampahan siya ng kaso ng iba’t ibang bansa,” aniya.

Para naman kay Simbulan, kailangang mawala o mabawasan ang mga imprastrukturang pandigma sa iba’t ibang bansa, lalo na iyong mga ginagawang base ng operasyong militar ng US at China.

“Yun ang dapat mag initiative, magsama-sama. Halimbawa dito sa Southeast Asia, ‘yung Asean countries. Para yung mga teritoryo nila, hindi magamit ng China or ng US na springboard o launching pad ng mga atake,” sabi niya.

Nanawagan naman ang Bayan na ibasura ang mga hindi pantay na kasunduan na nagtatali sa Pilipinas sa mga giyera ng US gaya ng Mutual Defense Treaty (MDT), VFA at EDCA.

“Sapat na ang pitong dekada upang makita na hindi para sa ating pambansang interes ang MDT kundi para sa imperyalistang adyenda ng US,” ani Palatino.

Para sa mga mangingisdang Pinoy, imposibleng maipaglaban nang payapa at diplomatiko ang teritoryo at soberanya ng Pilinas kung may kakampihan ang gobyerno na dayuhang kapangyarihan.

“Parehong tinututulan ng mga mangingisdang Pinoy ang pangangamkam ng China at agresyong militar ng US sa ating karagatan,” ani Marabe.

“Nag-eescalate lang ng tension [ang US]. Umatras ba ang China? Gusto lang nila mag-escalate para ma-dislodge ang China and for them to come in. May pinatalsik ka ngang bully, ngayon pag US ang nand’yan, siya naman ang huhuthot ng resources, kawawa pa rin ang PIlipinas,” sabi naman ni Colmenares.

“Grabe ang resources ng WPS, kailangang mapunta sa atin yan,” dagdag niya.

Sa ngayon, patuloy na sinusuong ng mga mangingisdang Pinoy ang sigwadang dulot ng imperyalistang tagisan ng China at US. Patuloy silang lumalaban sa malalaking alon para sa hinaharap, mapanatag silang makapangisda sa sarili nating karagatan.