6 aktibista, inaresto sa protesta sa Mayo Uno
Sa bidyong kuha ng Pinoy Weekly, bayolenteng hinila, pinadapa sa mainit sa kalsada, at dinaganan ng pulis ang isang aktibista bago ito pinosasan.
Pandarahas at ilegal na pag-aresto ang tugon ng pulisya sa mga nanawagan para sa sahod, kabuhayan, karapatan at soberanya.
Marahas na inaresto ng Manila Police District (MPD) ang anim na kabataang aktibista sa protestang pinangunahan ng mga manggagawa sa harap ng United States Embassy sa Maynila nitong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa.
Sa bidyong kuha ng Pinoy Weekly, bayolenteng hinila, pinadapa sa mainit sa kalsada, at dinaganan ng pulis ang isang aktibista bago ito pinosasan.
Kabilang sa mga inaresto ang apat na estudyante ng University of the Philippines (UP), tatlo dito ang miyembro ng Pi Sigma Fraternity sa UP Diliman at isang miyembro ng National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA) Youth sa UP Manila, at dalawa mula sa Anakbayan.
Nagbanta rin ang isang pulis na aarestuhin ang staff na kumuha ng bidyo dahil sa pagkuwestiyon sa ilegal at hindi makataong paghuli.
Ayon sa MPD, nilabag umano ng mga nagprotesta ang Batas Pambansa 880 o The Public Assembly Act of 1985.
Pero giit naman ng mga progresibong grupo, mapayapa ang pagkilos. Magsisimula na sana ang programa sa tapat ng embahada nang biglang manulak at mamukpok ang pulisya. Nagbomba pa ng tubig ang bumbero sa tangkang buwagin ang hanay ng mga nagprotesta.
“Bakit napakadali para tumapak ang mga Amerikano sa ating teritoryo habang napakahirap para sa mga Pilipino na lumapit sa US Embassy?” ani Charice Palce, secretary general ng Gabriela sa programa sa harap ng embahada.
Noong Abril 11, nangayupapang nagpunta mismo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa White House para sa trilateral summit na sa esensiya’y pagpapalakas lang ng presensiya ng US sa Asya-Pasipiko, lalo na gitna ng tumitinding tensiyon sa West Philippine Sea. Habang sinimulan din noong nakaraang buwan ang pinakamalaking Balikatan Exercises sa kasaysayan ng bansa.
Sa gitna nito, niraratsada rin ng gobyernong Marcos Jr. ang Charter change na magbibigay laya sa mga dayuhang kapitalista para magkamal ng malaking tubo at pigain ang likas na yaman at lakas paggawa sa bansa.
Sabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU), inilaan talaga ang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa ngayong taon laban sa pandarambong ng US sa lakas paggawa at rekurso ng bansa at aktibong pagsisikap nito para mang-upat ng digmaan.
Dagdag ng sentrong unyon, “hindi kakampi, kundi kaaway” ang US.
Nananawagan ang KMU at iba pang grupo sa agarang paglaya ng anim na inaresto.
“Ang paggamit ng karahasan ng pulisya sa Araw ng Paggawa ay nagpapakita ng labis na pagsasawalang-bahala ng administrasyong Marcos Jr. sa paggawa at karapatang pantao. Sa halip na sundin ang kahililngan ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod, tinutugunan ito ng gobyerno ng karahasan at panunupil,” sabi sa isang pahayag ng Center for Trade Union and Human Rights.
“Sa pagtatangkang buwagin ang protesta sa Araw ng Paggawa at sa pag-aresto sa anim na aktibista, binabalik ni Marcos Jr. ang alaala ng kanyang ama, ang diktador, at ipinapakita ang sarili bilang kontra-manggagawa,” dagdag pa nito.
Simula noong Abril 29, kapansin-pansin ang “overkill” na presensiya ng pulisya sa mga lokasyon kung saan madalas isinasagawa ang mga protesta sa Metro Manila at kalapit na probinsiya.
Sa Welcome Rotonda sa Quezon City, bumabad ang malaking bilang ng mga pulis kasabay ng isinagawang pambansang tigil pasada ng mga tsuper at opereytor ng jeepney. Napilitan tuloy na ilipat sa Liwasang Bonifacio sa Maynila ang dalawang araw na welga.