Lason sa lupa, lason sa mamamayan
Tagumpay para sa mga grupong kontra-genetically modified organisms (GMO) ang naging desisyon ng Court of Appeals na ihinto ang produksiyon sa ilang produktong GMO gaya ng Golden Rice at Bt (Bacillus thuringensis) Talong.
Kakulangan sa sapat na pagkain at malnutrisyon ang ilan sa mga problemang matagal nang kinakaharap ng bansa.
Isa ito sa mga pangunahing rason kaya naipakilala ang genetically modified organisms (GMO) sa Pilipinas. Sinasabi ng ilang patron ng GMO na solusyon ito upang maibsan at malabanan ang malawakang gutom sa bansa.
Tutulungan din umano nitong bigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na puksain ang mga peste na pumapatay sa kanilang mga pananim.
Ganunpaman, marami pa rin ang agam-agam sa mga biofortified na pananim na ito dala ng hindi sapat na pag-aaral sa epekto ng paggamit nito sa lupain ng bansa.
Bukod pa riyan, hindi pa rin lubusang natutukoy kung ano nga ba ang maaaring epekto nito sa kalusugan ng mga taong kakain nito.
Pagtigil sa produksiyon ng GMO
Tagumpay para sa mga grupong kontra-GMO ang naging desisyon ng Court of Appeals (CA) na ihinto ang produksiyon sa ilang produktong GMO gaya ng Golden Rice at Bt (Bacillus thuringensis) Talong.
Ipinagkaloob ito ng Korte Suprema sa ilalim ng writ of kalikasan sa Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad Agrikultura (Masipag), Greenpeace Southeast Asia at iba pang grupo noong Abril 18, 2023.
Layunin nitong protektahan ang mamamayan mula sa maaaring pinsala sa kapaligiran na nagdudulot ng panganib sa buhay, kalusugan o ari-arian sa dalawa o higit pang munisipalidad.
Binawi na rin ng CA ang mga biosafety permit na ibinigay ng gobyerno sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) at Philippine Rice Research Institute (PhilRice) noong Abril 17 sa bisa ng writ of kalikasan.
Maipagpapatuloy lang ang produksiyon ng Golden Rice at Bt Talong kung may maisusumite nang mga dokumento ang mga ahensiya ng gobyerno na ligtas ang mga produktong GMO, ayon kay National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) president Ephraim Cortez.
Banta ng GMO sa bansa
Naaprubahan ang komersiyal na pagtatanim ng Golden Rice noong Hul. 21, 2021 habang ang Okt. 18, 2022 naman ang Bt Talong.
Simula noon, samu’t-saring pag-aalala na mula sa ilang samahan ang naipahayag ukol sa mga ito.
Walang masusing biosafety studies ang isinagawa sa Golden Rice ani Dr. Chito Medina, environmental scientist at founding member ng Masipag.
“Ang ginawa nila ay pag-aralan lang ang kemikal na komposisyon ng Golden Rice, inihambing ito sa isang listahan ng mga allergens at idineklara itong ligtas batay doon. Ito ay isang maling representasyon ng agham at maling interpretasyon ng datos,” aniya sa Ingles sa isang press conference noong 2022.
Samantala, nagpahayag ng mga alalahanin sa posibilidad ng cross-pollination sa pagitan ng GM at non-GM crops si Dr. Teodoro Mendoza, isang crop scientist.
Aniya, mahangin ng ilang bahagi ng bansa. Maaaring matangay ang mga pollen ng Golden Rice at tumawid ito sa ibang lupain.
Maaari ring humantong sa kontaminasyon ang paghahalo ng mga binhi at magdulot ng pagkawala ng mga landrace at heirloom varieties.
May ilang pag-aaral na ring nailathala tungkol sa mga negatibong epekto ng pagkonsumo ng GMO.
Ayon sa pag-aaral ni John Paull, propesor mula University of Tasmania sa Australia, umaasa sa kemikal na glyphosate ang karamihan sa mga pananim na GMO. Karaniwan itong nagmumula sa mga herbicide na iwiniwisik sa mga pananim para mapatay ang mga damong nakapaligid rito.
Sangkot na sa maraming isyu at mga paglilitis ang kemikal na glysophate dahil sa dalang banta nito sa kalikasan at kalusugan. Naideklara na itong carcinogen o pinagmumulan ng sakit na kanser ng California Office of Environmental Health Hazard Assessment.
Bukod rito, naniniwala rin ang Masipag na hindi magsasaka o mamamayan ang talagang makikinabang sa mga produktong GMO tulad ng Golden Rice, kung hindi ang mga naglalakihang korporasyon na nagbebenta ng mga butil nito.
Ayon sa Pesticide Action Network Asia Pacific (Panap) noong 2022, pagmamay-ari ngayon ng Syngenta, isang Swiss agrochemical company ang mga butil ng Golden Rice na pinondohan ng The Bill and Melinda Gates Foundation sa halagang $18 milyon.
Samantala, hawak naman ng ChemChina at SinoChem ng China, ang patent sa Golden Rice. Kontrolado ng mga kompanyang ito ang halos kalahati ng pandaigdigang pamilihan ng binhi.
Hindi GMO ang solusyon
Nanindigan naman ang Panap na hindi GMO ang natatanging solusyon sa pagtugon ng problema ng kagutuman at malnutrisyon sa Asya, partikular sa Pilipinas.
Pagsuporta sa mga tradisyonal at maliliit na magsasaka na nananatiling pangunahing prodyuser ng pinagkukunan ng pagkain ang mas mainam na gawin ng gobyerno ayon sa kanila.
Sa usapin ng kahirapan at malnutrisyon sa kanayunan, dapat bigyang-pansin ang problema ng kakulangan sa lupa, pasilidad na paglalagakan ng mga ani at iba pang serbisyong pansuporta ayon kay Cathy Estavillo ng Amihan National Federation of Peasant Women.
Dapat ring magpatupad ng mga polisiya at patakaran sa pag-angkat ng mga produktong pang-agrikultura, dagdag pa niya.
Matutulungan ng gobyerno ang mga magsasaka kung susuportahan din nila ang konsepto ng agroecology farming o pagsasakang naaayon at angkop sa lupain.
Nilalayon nitong mapanatili ang balanseng ugnayan ng mga halaman, hayop, tao at kapaligiran habang tinutugunan ang pangangailangan ng mga tao tulad ng pagkain.