#KuwentongKabataan

Pakikiisa sa laban ng Kordilyera


Sa tatlong taon na bahagi ako ng mga kabataang mamamahayag sa Pilipinas, hindi ko ramdam ang halaga ng aking kurso. Ngunit nang maranasan kong marating at makita ang kalagayan ng mga katutubo sa Kalinga, napagtanto ko na kung bakit ako narito. 

“Agbiag ti Kordilyera!”

Sama-samang sigaw ng mga tao na madalas kong marinig sa dalawang araw na pamamalagi ko sa Kordilyera. 

Mainit na panahon at mahabang lakaran ang sumalubong sa akin nang marating ko ang Brgy. Tanglag sa bayan ng Lubuagan, Kalinga. 

Noong Abril 23-24, 2024, ipinagdiwang ang 40th Peoples’ Cordillera Day na may temang “Buong Tapang na Isulong ang Pakikibaka para sa Lupa, Dangal, at Buhay.” Dinaluhan ito ng mahigit 1,500 Igorot, mga grupo mula Maynila at ibang bansa at mga kabataan na nakiisa sa araw ng mga katutubo sa Kordilyera.

Sa unang araw kong pamamalagi sa Tanglag, nakita at napansin ko na ang kaugalian at kultura ng mga katutubo na lubos kong hinangaan dahil sa kanilang pambihirang talino at mga talento. 

Ang mga tanawin na nagmarka na sa aking isipan hanggang ngayon at mga kaugalian na kanilang ipinamalas ay ‘di ko malilimutan sa buong buhay ko. 

Bilang kabataan na hindi maalam sa kultura ng mga Igorot, masaya ako at naranasan kong makita ang makulay na kasaysayan at pakikibaka ng mga mamamayan sa Kordilyera, kung saan nabuo at naitatag ang mga mahahalagang tagumpay sa pagtatanggol ng karapatan ng pambansang minorya sa kanilang sariling pamumuhay at kung paano nila ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno. 

Sa tatlong taon na bahagi ako ng mga kabataang mamamahayag sa Pilipinas, hindi ko ramdam ang halaga ng aking kurso. Ngunit nang maranasan kong marating at makita ang kalagayan ng mga katutubo sa Kalinga, napagtanto ko na kung bakit ako narito. 

Nais kong maging boses ng mga katutubo at maging kaisa nila sa laban na kanilang hamong hinaharap.

Nakita ko ang malaking ambag ng pagdiriwang na ito sa pagpapalawak ng kamulatan at pagpapalakas sa mga pambansang minorya at katutubo, na kahit na patuloy na hinaharap ang mga hamon at pang-aapi, ay hindi nagpapatinag at patuloy na nagsasalita at lumalaban para sa kanilang mga karapatan.

Bilang isang mananayaw sa Maynila, ang karanasan kong maisayaw ang kanilang katutubong sayaw sa Kordilyera ang hindi ko malilimutang pangyayari sa aking buhay at paglalakbay sa lalawigan ng Kalinga. 

Bilang pagtatapos ng programa, ipinakita ng mga lumahok sa pagdiriwang na sila’y kasama ng mga katutubo sa paglaban sa karapatan at pagprotekta sa kultura, kasama na ang hamong protektahan at pangalagaan ang lupang ninuno, ani, at kultura’t tradisyon ng Kordilyera. 

Ang aking karanasan na nasaksihan ay kakaiba at nagsilbing inspirasyon sa akin hindi lang bilang kabataan kundi bilang mamamahayag na mas aktibong intindihin at pag-aralan pa ang iba’t ibang kalagayan, suliranin at pamumuhay ng mga katutubo. 

Napagtanto ko matapos ang aking paglalakbay sa Kordilyera, na magkakaiba man ang pinagmulan, kultura’t paniniwala, maaari pa ring magkaisa para sa iisang hangarin: tunay na kapayapaan at kalayaan para sa bawat isa.

Sa aking pag-uwi, baon ko ang mga mahalagang kultura ng Kordilyera at kaisipan na ang takot ay pinang-iibabawan ng mga katutubo at ang nananaig ay tapang at determinasyon na lumaban dahil sa paniniwalang ang takot ay nasa isip lang.