Protesta para sa Palestine, dinahas ng pulisya sa BGC
“Gusto lang namin manawagang itigil na ng Israel ang pagpatay sa mga Palestino lalo na sa mga kababaihan at mga bata,” sabi ng isang kabataang aktibista.
Nagtipon nitong umaga ng Mayo 14, ang mga kabataan sa harap ng Israeli Embassy sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City para gunitain ang Nakba Day at ipanawagan ang paghinto ng henosidyo ng Israel laban sa mamamayang Palestino sa Gaza, partikular ang nangyayari sa Rafah na malapit sa Egypt.
Nagsisimula pa lang sila magtipon, ipinagtabuyan na sila ng pinagsamang mga puwersa ng Philippine National Police (PNP) Taguig at BGC security group mula sa harap ng Israeli Embassy tungong Kalayaan Avenue na labas na ng BGC at tatlong kanto ang layo.
Ayon kay Lloyd Manango, kabataang kabahagi ng kilos-protesta at miyembro ng League of Filipino Students (LFS), may ilang nasugatan at hinampas ng shield at batuta at sinuntok ng mga pulis at guwardiya para pilit na maitaboy ng BGC.
WATCH: Philippine National Police units violently disperse groups assembled near the Israeli Embassy in Bonifacio Global City, Taguig in protest of the ongoing genocide in Palestine and the bombing of Rafah.#FreePalestine#StopTheGenocide pic.twitter.com/QsnuFbsnUW
— Philippine Collegian (@phkule) May 15, 2024
Kuwento niya, “Matahimik naman ang pagkilos namin pero ito (turo sa kaliwang tagiliran at tiyan), hampas ng batuta at suntok sa tiyan ang isinukli sa akin ng mga pulis.”
“Gusto lang namin manawagang itigil na ng Israel ang pagpatay sa mga Palestino lalo na sa mga kababaihan at mga bata,” dagdag ni Lloyd.
Hindi tumigil ang mga pulis sa pandarahas sa mga aktibista sa paglabas ng pagkilos sa BGC. Sa Kalayaan Avenue, pilit na binuwag ng mga pulis at guwardiya ang hanay ng kabataan gamit ang kanilang mga batuta, kalasag at kamao.
Matapos silang ipagtulakan sa gitna ng kalye, pinagsisigawan pa sila ng mga pulis na umalis na at nagiging sanhi lang ng trapiko. Sa kalyeng kung saan matatagpuan ang Israel Embassy, napakaluwag ng kalye at walang trapiko.
Payapa at hindi basta nauudyukan gumanti ng dahas ang mga kabataang miyembro ng Filipino Youth for Palestine, ang grupong nag-organisa ng pagkilos. Matiyagang nagpaliwanag ang mga ito maging sa mga pulis ng dahilan ng protesta ng umagang iyon.
Nagpakasapat na lang sa paglikha ng ingay o feedback sa megaphone para bastusin ang mga nagpapaliwanag na aktibista si Fort Bonifacio Sub-station 1 commander PMaj. Judge Rowie Donato.
Mag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines at miyembro rin ng Filipino Youth for Palestine at LFS si Enchong. Ayon sa kanya, “Mahalaga para sa akin makadalo dito dahil bukod sa kasumpa-sumpa na ang bilang ng mga batang pinatay ng Israel sa Gaza, magkalapit rin ang sitwasyon ng mga Palestino at Pilipino.”
“Pati bombang hinuhulog sa kanayunan ng Pilipinas at mga armas na gamit sa Balikatan, pareho ng armas na pinadadala ng US sa Israel para lipulin ang lahi ng mga Palestino,” dagdag ni Enchong.
Panawagan ng grupo ang tigil-putukan at ganap na paglaya ng Palestine mula sa okupasyon ng Israel.
Signipikante ang kilos-protesta ng mga kabataan ngayong araw dahil bukod sa aabot na sa 40,000 sibilyan Palestino ang pinatay ng Israel mula Okt. 7, 2023, sinimulan na ng Israel Defense Forces ang pagsalakay at pagpapalipad ng mga bomba sa Rafah, ang huling santuwaryo at sentro ng paglikas ng nasa 1.5 milyong Palestino.
Gaya ng ipinakita ng mga kabataan, may magagawa ang mga Pilipino para palakasin ang panawagang pigilan ang Israel na ganap na lipulin ang lahing Palestino sa sarili nitong lupa.