Editoryal

Sino’ng masaya sa tambalang Israel-Pilipinas?


Ngayong Pasko, libo-libong pamilya ang patuloy na nangungulila dahil sa giyera kontra droga na ipinatupad ng Philippine National Police at dahil sa henosidyong ipinagpapatuloy ng Israel sa Palestine.

Isinusuka na ng ibang mga bansa ang gobyerno ng Israel na responsable sa henosidyo sa Palestine, pero ang gobyerno ng Pilipinas kumakapit pa rin.

Puno ng kasiyahan sa mga retrato ng pagkikita nina Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at Israeli Ambassador to the Philippines Dana Kursh. Sabi ni Nartatez, makakabuti sa PNP ang kooperasyon ng dalawang bansa. Magbubukas daw ito ng mga pinto sa mga makabagong teknolohiya, pagsasanay at estratehiya laban sa krimen at para sa pagpapanatili ng kapayapaan.

Marami ngang tagpuan ang dalawang institusyon. Nariyan ang parehong paggamit ng Long-Range Acoustic Device o LRAD para matinag ang mga nagpoprotesta (na ginagawa rin ng ibang mga bansa). Parehong may relasyon ang dalawang bansa sa United States (US) at sa kalakalan sa armas—Pilipinas ang ikatlong pinakamalaking buyer ng kagamitang militar mula sa Israel, sunod sa US, tapos ang US naman ang pinakamalaking exporter ng armas sa Israel.

Pareho ring responsable ang dalawang estado sa karahasan: ang gobyerno ng Israel laban sa libo-libong mga Palestino, habang ang gobyerno ng Pilipinas laban sa libo-libong naghihirap na Pilipino, partikular ang mga tumitindig laban sa ‘di makataong mga polisiya. Posibleng gamitin na patunay ang mga arrest warrant ng International Criminal Court para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu.

Kaya wala na ring nakakagulat sa tambalang ito. Pero hindi ibig sabihin katanggap-tanggap na, lalo na’t sinubukang ipagmukha ng gobyerno ng Pilipinas noon na dumidistansya ito sa Israel. 

Nang kuwestiyonin ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co ang isang notice of award para sa procurement ng Pilipinas ng P248 milyong halaga ng precision-guided projectiles mula sa sa kompanyang Israeli na Elbit Systems, sinabi ni Defense Sec. Gilbert Teodoro na kailangan lang tapusin ang mga napirmahan nang kontrata. Wala na raw susunod na bagong kontrata para sa militar ng Pilipinas.

Pansinin: magaling ang administrasyong Marcos Jr. sa mga mabangong pangako, pero kapag sininsin ang mga polisiya, mga kontrata at mga daluyan ng pera, doon lumalabas ang katotohanan. Ganito para sa flood control scandal, ganito para sa krisis sa klima at ganito rin para sa “kooperasyon” sa bansang kinokondena na ng halos buong mundo.

Ang Spain, The Netherlands, Ireland at Slovenia nga, ayaw sumali sa makasaysayang Eurovision 2026 kung hahayaan sumali ang Israel. Maraming mga singer tulad nina Lorde at Björk ang hindi pumapayag na magamit ang mga kanta nila sa Israel. At lagpas sa isang dosenang bansa ang sumuporta sa Global Sumud Flotilla o paglalayag ng mga barkong sibilyan para magdala ng pagkain at gamot sa baybayin ng Gaza na ginigipit ng Israel.

Hindi posibleng gamitin na argumento na ayos na ulit ang kooperasyon ng dalawang bansa dahil pumasok na sa isang ceasefire deal ang Israel, kaya hindi na siguro delikado ng sitwasyon na kinilala rin noon Teodoro. Pero higit 400 Palestino na ang pinatay matapos ang ipinangakong tigil-putukan. Hindi pa nagtatapos ang karahasan.

Ang kapayapaan ay hindi posibleng magmula sa mga institusyong abala sa pagwaldas ng kaban ng bayan para sa mga armas na nagagamit rin laban sa karaniwang tao.

Ngayong Pasko, libo-libong pamilya ang patuloy na nangungulila dahil sa giyera kontra droga na ipinatupad ng PNP at dahil sa henosidyong ipinagpapatuloy ng Israel.

Mahanap nawa nila ang tunay na hustisya at kapayapaan sa piling ng mga kapwa-nawalan at mga kasanggang komunidad. Hindi matatahimik ng malalaking institusyon ang koro ng paniningil ng taumbayan.