Balitang Global

United Methodist Church, binawi ang pamumuhunan sa Israel 


Nagpasya ang United Methodist Church sa gitna ng halos dalawang taon ng malupit na atake ng Israel sa Gaza na kumitil ng higit 64,000 na Palestino.

Inanunsiyo nitong Ago. 6 ng United Methodist Church (UMC), isa sa pinakamalaking denominasyong Kristiyano sa buong mundo na may higit 9 milyong miyembro, na ititigil na nito ang pamumuhunan sa government bonds ng mga bansang nagpapanatili ng okupasyong militar. Sa hakbang na ito, naging unang denominasyong Kristiyano ang UMC na kakalas sa pamumuhunan sa Israel.

Ipinasa ang desisyong ito ng General Conference noong 2024 na nag-aatas sa simbahan na mamuhunan nang ayon sa etika at karapatang pantao.

Inihayag ng Wespath, pangunahing ahensiya ng simbahan sa pamumuhunan na may kabuuang mahigit $26 bilyon. Pinalawak pa ng Wespath ang polisiya upang saklawin ang pamumuhunan sa government bonds ng iba pang bansang may kasaysayan ng awtoritaryanismo, korupsiyon at pandaigdigang parusa.

“Bilang mga United Methodist, dapat naming itugma ang aming pamumuhunan sa aming pinahahalagahan. Isa itong paninindigang propetiko na nakasentro sa panawagan ng Ebanghelyo para sa pag-ibig sa kapwa at kapayapaang nakabatay sa katarungan,” sabi ni Bishop Tracy Malone, pangulo ng UMC Council of Bishops, sa wikang Ingles.

Ayon naman kay Andy Hendren ng Wespath, sinuri nila ang usapin sa mas malawak na pananaw at hindi lang Israel, kundi pati sa ibang pamahalaan na may okupasyong militar at awtoritaryanismo gaya ng Morocco at Turkey.

Mula pa noong 2010, pinangunahan ng United Methodists for Kairos Response (UMKR) ang kampanya para ipaglaban na dapat igalang ng simbahan ang karapatang pantao sa pamumuhunan nito. Pagkatapos ng boto noong 2024, naglunsad ang UMKR ng petisyon sa buong simbahan upang kumbinsihin ang Wespath na igalang ang resolusyon.

Bago pa man ang desisyon, gumawa na ng katulad na hakbang ang UMC noong 2016, kung saan isinama ng pension board ng simbahan sa blacklist ang limang bangko sa Israel dahil sa ugnayan ng mga ito sa ilegal na gawain.

Noong 2014, ibinenta naman ng simbahan ang kanilang shares sa kompanyang G4S na nagbibigay ng kagamitan sa mga checkpoint ng Israel.

Nagpasya ang UMC sa gitna ng halos dalawang taon ng malupit na atake ng Israel sa Gaza na kumitil ng higit 64,000 na Palestino, karamihan kababaihan at bata.

Kasabay nito, dumarami rin ang insidente ng karahasan ng mga Israeli settler sa Okupadong West Bank at tumitindi ang krisis ng gutom na ipinapataw ng Israel sa mamamayang Palestino sa Gaza Strip.