Pandarahas sa katutubong mamamayan
Sa kabila ng magandang hangarin ng mga katutubo na ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno, kapalit nito ang pagbabansag sa kanila bilang mga terorista.
Patuloy na niyuyurakan ang karapatang pantao ng mga katutubong mamamayan at mga tumitindig para sa kanila dulot ng red-tagging at akusasyon ng terorismo.
Nitong Mayo 14, nanawagan ang Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Katribu) para sa hustisya ng mga Dumagat na sina Rocky Torres at Dandoy Avellaneda na anim na taon nang nakakulong dahil sa mga gawa-gawang kaso.
“Habang hinahanap natin ang hustisya para sa kanilang pagdurusa, ipagpatuloy natin ang ating paninindigan sa pagtataguyod ng mga prinsipyo ng katarungan, pagkakapantay-pantay, at karapatang pantao para sa lahat,” ani Beverly Longid, isang Bontoc-Kankanaey at national convenor ng Katribu.
Hindi maitatanggi na sagana sa likas na yaman ang mga lupang ninuno ng mga katutubong Pilipino.
Ayon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), tinatayang 26 milyong ektarya ang lupang ninuno, kabilang ang katubigan. Halos P1.1 trilyon kada taon ang aabutin ng forest ecosystem value nito ayon naman sa 2022 State of the Indigenous Peoples Address report.
Sa kabila nito, tinagurian ng International Labour Organization (ILO) bilang mga pinakamahirap at pinakakawawa ang mga katutubo sa bansa dahil sa pagkakait sa kanila ng mga batayang karapatan at oportunidad. Sa 2023 Indigenous Peoples Survey ng World Bank, nasa 59% sa mga katutubo ang naniniwalang sila’y mahirap.
Ngunit bakit nga ba sa kabila ng yamang hatid ng kanilang lupain, nananatiling naghihirap ang mga katutubo?
Pagyurak sa karapatan
Nagbigay daan ang Mining Law of 1905 sa industriya ng pagmimina sa bansa pati na rin ng kapangyarihan sa mga Amerikano na angkinin ang mga pampublikong lupain.
Umigting pa ito nang maisabatas ang Republic Act (RA) 7942 o Philippine Mining Act of 1995 na naghihikayat ng mga banyagang mamumuhunan sa pagmimina, katulad na lang ng OceanaGold Philippines.
Isa lang ito sa dahilan ng mga masamang epekto sa kalikasan, tirahan ng mga katutubo, at wildlife sa mga lupang ninuno. Pinag-ibayo pa ito ng pagpapatayo ng mga dambuhalang dam, at iba pang mga agresibong proyekto na tinutulan din nila.
Isa rito ang Jalaur Mega Dam sa Iloilo na naging posible nang isabatas ang RA 2651 noong 1960. Nakasaad sa batas na nito na dapat isagawa ang konstruksiyon ng dam para makontrol ‘di umano ang pagbaha dulot ng Jalaur River, maitambak at gagawing reserba ang tubig nito, gawing irigasyon sa Jalaur Valley, makagawa at makakuha ng elektrikal na kuryente at enerhiya. Hanggang ngayon, mariin pa rin itong tinututulan ng mga Tumandok sa isla ng Panay.
Sa kabila ng magandang hangarin ng mga katutubo na ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno, kapalit nito ang pagbabansag sa kanila bilang mga terorista.
“Kung may isang punto sa ating kasaysayan kung saan mali tayong tinawag at hinusgahan, mababakas ito noong panahon ng kolonyalisasyon. Nagpatuloy ito sa mga sumunod na pamahalaang kolonyal na pinalala pa ng makabagong panahon,” ani Longid.
Tumindi ang mga pag-atake sa mga katutubo at mga tagapagtanggol nila noong isinabatas ang Anti-Terrorism Act sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Nakapaloob dito ang proteksiyon umano sa buhay, kalayaan at ari-arian ng mga Pilipino laban sa terorismo kung saan maituturing itong mapanganib at delikado sa pambansang seguridad.
Sa ilalim din ng administrasyong Duterte binuo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa bisa ng Executive Order 70 na naging instrumento para i-red-tag at i-terror-tag ang mga katutubong mamamayang ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa lupang ninuno at sariling pagpapasya.
Manilaw na ginagamit ng estado ang mga batas at patakarang ito upang walanghiyain ang karapatan ng mga katutubo maging ng mga tagapagtanggol ng kanilang mga karapatan.
“Ginagawa nilang mali ‘yong kahit na simpleng magtanong ka, kung nasaan ba ang pondo, ‘di ba hindi lang nila ginagawang krimen at iniuugnay nila na ‘yong pag-protesta, pagtatanong, pagiging kritikal sa gawain ng isang terorista,” sabi ni Longid.
Dagdag pa niya, nakulong na ang ilan sa kanilang mga kasamahan sa Katribu at Cordillera Peoples’ Alliance (CPA). May mga naging biktima rin ng red-tagging, terrorist-tagging, sapilitang pagkawala at pamamaslang.
Patunay dito ang sinapit ng isa pang Dumagat na si Kurontoy Doroteo sa kanyang tahanan dahil sa mariing pagtutol sa mga proyekto sa lupain ng mga Dumagat-Remontado ng Sierra Madre.
Kabilang dito ang mga maanomalyang proyektong dam na Kaliwa, Kanan at Laiban. Hinggil ito sa kakulangan ng pagproseso sa Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) at ilan pang mga pangkalikasang polisiya ng mga nasabing proyekto.
Bukod dito, walang habas na pinatay ng pulisya noong Disyembre 30, 2020 ang siyam na lider-Tumandok habang ang ibang nagpahayag ng pagtutol sa Jalaur Mega Dam ay inaresto at pinatawan ng gawa-gawang kaso na illegal possession of firearms, ammunitions and explosives.
Para sa akala nila’y paglaya mula sa karahasan at kaguluhan, napilitang ang ibang Tumandok na sumuko bilang mga rebel surrenderee at lumipat ng tirahan.
Iwinalang tagapagtanggol
Sa nakalipas na International Week of the Disappeared (IWD) nitong Mayo 17-31, nanawagan ang Katribu sa gobyerno ng agarang paglitaw sa mga indigenous peoples rights defenders na sina James Balao, Bazoo De Jesus at Dexter Capuyan.
Dinukot ng mga ahente estado si James Balao, isang Ibaloi-Kankanaey, sa La Trinidad, Benguet 16 taon nang nakalilipas. Isa siya sa nagtaguyod at miyembro ng Cordillera People’s Alliance (CPA). Nagsagawa rin siya ng mga pananaliksik sa mga katutubo at kanilang mga karapatan.
Kahindik-hindik rin ang karahasan at panggigipit ng estado sa mga indigenous peoples rights defenders na sina De Jesus ng Philippine Task Force for Indigenous People’s Rights (TFIP) at lider-aktibistang si Capuyan na isang Bontoc-Ibaloi-Kankanaey.
Huling namataan ang dalawa sa harap ng Golden City Subdivision sa bayan ng Taytay, Rizal kung saan dinukot sila ng mga nagpakilalang miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Abril 28 ng nakaraang taon.
Bago ang insidente, inakusahan ng mga militar at pulisya si Capuyan na isang opisyal na may ranggo umano ito sa Chadli Molintas Command ng New People’s Army (NPA) at may P1.85 milyon na patong sa ulo.
Hamon ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (Find) sa administrasyong Marcos Jr., tuldukan na ang mga krimen at kaso ng sapilitang pagkawala, gayundin, pagbutihin ang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa.
Dagdag proteksiyon
Bagaman protektado ng Indigenous Peoples Rights Act of 1997 (IPRA) ang karapatan ng mga IP sa kanilang lupang ninuno, nais ng Katribu na matigil na ang pangre-red-tag sa mga katutubo.
Sa kasalukuyan, ikinakampanya ng Katribu sa Senado ang pagratipika ng International Convention on Enforced Disappearance.
“Kapag pipirma rito ang gobyerno, patutunayan nito ang pangako sa hindi paghaya sa enforced disappearance,” ani Longid.
Mungkahi niya, magkaroon dapat ng batas na nagbibigay parusa sa pangre-red-tag sa mga sibilyan, aktibista, katutubo, mga komunidad at mga organisasyon.
“Dapat ibasura na ‘yang [Anti-Terrorism Act] na ‘yan at buwagin na ‘yang NTF-Elcac at Anti-Terrorism Council dahil ngayong nasa ilalim na ito ng batas, nagiging mekanismo lamang ito para sa patuloy na pangre-red-tag at sa paninirang politikal,” aniya.
Patunay ang lahat ng ito na sa likod ng makulay na kultura at simpleng pamumuhay ng mga katutubong mamamayan ng Pilipinas, patuloy silang nakararanas ng kadiliman at takot dulot ng karahasan at panggigipit.
Hanggang ngayon, proteksiyon sa kanilang mga tribo at pagtatanggol sa lupaing kanilang minana ang nais ng mga katutubo. Patuloy silang mamamayagpag sa paglaban para sa kanilang karapatan.