Siklab ng musika ng Arpak
Patuloy silang nagtatanghal upang ipakita ang pagtindig at pangangalampag kasama ang mga mamamayan sa kanayunan.
Hindi nagpahuli ang Artista ng Rebolusyong Pangkultura (Arpak) sa nakaraang Agrikultura 3 gig-forum upang maghatid ng talentong pumapanday at nagpopopularisa sa musika at kamalayang Pilipino.
Noong Mayo 17, naglunsad ng benefit gig ang Arpak sa Mow’s Bar sa Quezon City na naglalayong ipaglaban ang repormang agraryo at seguridad sa pagkain. Mapupunta sa mga kampanya para sa mga magsasaka ang nalikom na donasyon.
Sa temang “Labanan ang imperyalistang pandarambong sa kalikasan at kabuhayan ng mga magsasaka! Kamatayan sa pasismo at pyudal na pagsasamantala,” tampok ang panawagan sa pagbasura ng Rice Liberalization Law na sanhi ng lumalalang krisis sa pagkain at agrikultura dahil sa patuloy na pag-aangkat ng bigas at pagkabansot ng lokal na produksiyon nito sa bansa.
Tumugtog at nakilahok ang ilang banda kabilang ang Gapas at Gallows. Ibinida nila ang mga orihinal na musikang sumasabuhay sa kasalukuyang kalagayan ng mga magsasakang biktima ng panunupil ng estado. Bukod dito, nakiisa rin sa tugtugan ang Limbs, Hard Head Collective, DJ Headache Maximum at Nepenthe.
Dahil sa angking talento at makabuluhang layunin ng mga artista ng bayan, nakapaglabas ng iba’t ibang kanta ang mga bandang kasapi sa Arpak. Mapapakinggan ang kanilang musika sa mga streaming platform.
Makabuluhang tugtugan
“Mga aktibistang tumutugtog kami,” sabi ni JA Montalban ng bandang Gapas.
Binubuo ang Gapas ng limang miyembro na sina Gem Aguinaldo para sa vocals, Geffrey Fortnich na nakatuon sa bass, EJ Honorica at Vic sa guitars, JA sa drums at Navid Madeline sa fill-in vocals. Pinapaingay nila ang adhikaing labanan ang baluktot na sistema ng bansa gamit ang tugtugang hardcore.
Halos isang taon nang tumutugtog ang Gapas. Anila, mas lumalim ang pagsasama ng banda dahil pinagbubuklod sila ng pakikibaka at pagtugtog. Nakapaglabas na sila ng mga kantang binibigyang pansin ang kolektibong pagkilos at mga lehitimong panawagan ng mamamayan.
Noong Ene. 31, inilabas ng Gapas ang kantang “Rurok” na nagpapahayag ng pagnanais na basagin ang mga nagmamataas at naghahari-harian sa lipunan upang mapalaya ang nakakulong na bayan.
Bukod sa “Rurok,” bida rin ang kanta nilang “Salot” na tumatalakay sa pagkamkam sa lupa ng mga magsasaka. Hindi maipagkakaila na dahil sa pambihira at kakaibang istilo ng kanta, unti-unti na itong nakakaabot sa mas maraming tao dahil patuloy silang nakikiisa sa mga tugtugan na dinadaluhan ng mga manonood na sumusuporta rin sa kanilang adbokasiya
Bilang mga aktibistang rakista, ginagamit nila ang hardcore music upang ilarawan ang kalagayan ng lipunan sa ilalim ng umiiral na sistema. Hindi lang basta ingay at malikhaing tugtugan ang dala ng Gapas, ginagapang at pinapalakas din ng sining nila ang adbokasiya at panawagan ng mga mamamayang naghahangad ng pantay na karapatan sa bawat indibidwal.
Kakaibang musika
Kalimitang nakalinya sa punk at hardcore ang mga kantang nilalabas ng Arpak. Dahil bukod sa malakas ang dating at mabilis itong tangkilikin ng kabataan, nagiging instrumento rin ang hardcore upang mapukaw ang atensiyon ng mamamayan pagdating sa mga isyu panlipunan.
Subalit iba ang genre na kinabibilangan ng Gallows. Ayon sa kanila, post-rock at western instrumental ang kategorya ng kanilang musika. Dahil dito, mas pinagtutuunan nila ng pansin ang kalidad ng instrumento, ritmo at melodiya at hindi sila gumagamit ng vocals.
“Walang malalim na paliwanag, dinadaan namin sa instrumento [ang panawagan], sana naintindihan nila,” paliwanag ni Nico Garduce ng Gallows.
Katulad ng Gapas, mga miyembro rin ng pambansa demokratikong kilusan sina Edward Lobrio, Nico, Gabe Tiano at Dan na bumubuo sa Gallows.
Kakaibang estilo ng pagtugtog ang hatid ng musika nila dahil hindi ito karaniwang napapakinggan ng masa. Bukod sa astig na ritmo at melodiya, agaw-pansin din ang ginamit nilang naratibo dahil sumasalamin ito sa paghihirap, katotohanan ng digmaan sa kanayunan at pagiging makatuwiran ng hustisya.
Malaki ang epekto ng musika sa masa at pinatunayan ito ng mga bandang bumubuo sa Arpak. Patuloy silang nagtatanghal upang ipakita ang pagtindig at pangangalampag kasama ang mga mamamayan sa kanayunan.
Ang ingay mula sa hardcore at rock music ay naging instrumento ng mga bandang katulad ng Gallows at Gapas upang umugnay sa masa at malayang maihatid ang mensahe ng kanilang paglaban.