Halaga ng kasaysayan ayon sa ‘Pulang Araw’


Higit na mas malaking dagok at trahedya pala ang naghihintay sa kanila, ang pagsiklab ng giyera at pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas.

Kamakailan, may panibagong teleseryeng inilabas ang GMA Network na naging laman ng mga usapan-usapan sa social media. Ito ang “Pulang Araw” na nagsimulang ipinalabas noong Hul. 29 na pinagbibidahan nina Alden Richards, Barbie Forteza, Sanya Lopez at David Licauco.

Ang “Pulang Araw” ay isang historical drama tungkol sa buhay ng magkapatid sa ina na sina Eduardo (Richards) at Adelina (Forteza) na pinaghiwalay ng mga sirkumstansiya sa ilalim ng pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas nang tatlong tatlong sa gitna ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.  

Si Eduardo, anak ng kanyang ina sa isang Amerikanong sundalo, ay natutong dumiskarte para sa sarili mula pagkabata. Maagang nagbanat ng buto si Eduardo para tustusan ang sariling mga pangangailangan, lalo na at maagang namatay ang kanilang ina at hindi siya kinakilala ng sariling ama.

Bago maging bahagi ng armadong grupo laban sa mga Hapones, si Eduardo ay isang manggagawa ng negosyanteng Hapones sa Maynila. Matikas at puno ng paninindigan ang namumutawing paglalarawan sa karakter ni Richards. Handa niyang palaging ipagtanggol ang kanyang kapatid at ina mula sa sinumang umaapi o umaalipusta sa kanila. Para kay Eduardo, ang kanyang ina, si Adelina, at si Teresita (Lopez), ang pinakamahahalagang tao sa kanyang buhay. 

Ang kanyang kapatid naman na si Adelina ay may pangarap na maging artista sa bodabil, kagaya ng kanyang nanay at tatay. Si Adelina ay anak sa labas ng kanyang amang si Julio (Epi Quizon) na may-ari ng isang minsang pinakatanyag na teatro sa kanilang lugar.

Sa pagkamatay ng kanyang ina, nakipamuhay si Adelina sa kanyang madrastang si Carmela (Angelu de Leon) at kapatid sa ama. Naging matalik niyang kaibigan ang kanyang ateng si Teresita na katulad niya’y gustong maging artista sa bodabil.

Ang magkapatid na Adelina at Teresita ay lumaking napakalapit sa kanilang ama, ngunit, dahil sa trahedya ng pagkasunog ng teatro ng kanilang ama, sa isang iglap, nawala ito sa kanilang buhay. Tiniis ni Adelina ang pagmamalupit ng kanyang madrasta para lang makasama ang kanyang ate at dahil sa pag-asang muling makikita ang kanyang nawalang ama. Ang pangungulila nina Adelina at Teresita sa kanilang ama ang ginamit nilang inspirasyon para makapasok sa bodabil. 

Sa gitna ng mga personal na pinagdadaanan ng mga karakter, higit na mas malaking dagok at trahedya pala ang naghihintay sa kanila, ang pagsiklab ng giyera at pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas.

Sa unang eksena pa lang, inilalatag na ng palabas ang malagim at masalimuot na katotohanang naranasan ng mamamayang Pilipino noon sa ilalim ng mananakop na Hapones. Sa isang banda, ipinakita din nito ang kagitingan at katapangan ng mga Pilipino, kagaya ni Eduardo, na naging bahagi ng armadong kilusan upang ipaglaban ang kalayaan at demokrasya mula sa mga Hapones.

Marami pang kaabang-abang na mga eksena at karakter ang ilalabas sa teleserye na lalong magpapalawak sa pag-intindi ng manonood sa isang bahagi ng ating kasaysayan. Kagaya na lang ng karakter ni Ashley Ortega (Sister Manuela), isang madre na gagawing comfort woman ng mga sundalong Hapones. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na lumalaban ang mga kababaihang biktima ng masahol na krimen na ito ng mga Hapones.

Sa kabila ng bigat at trahedya na tatahakin ng palabas, nagagawa pa rin nitong magpasok ng mga kuwela at magaan sa loob na mga pagkakataon at eksena. 

Masasabing kahanga-hanga ang naging paghahanda at preparasyon sa produksiyon. Litaw ang pagiging masinsin at pagsusumikap na wastong ipakita ang pamumuhay noon ng mga Pilipino: sa bawat lokasyon ng mga eksena, sa mga hitsura at costume ng mga karakter, sa paggamit ng CGI effects, hanggang sa pananalita at mga wikang ginagamit.

Dahil siguro limitado lang rin ang mga pelikula at palabas tungkol sa panahon ng okupasyon ng mga Hapones, tila bang mas buhay at may malinaw na pagsasalarawan ang panahon na ito na nababasa lang natin sa mga aklat ng kasaysayan. Umani rin ito ng mga positibong pagtingin at pagpupugay sa social media.

Napapanahon rin ang kahalagan at konteksto ng “Pulang Araw.” Naibabalik nito sa kalakhan ng kamalayan ng mga Pilipino ang pinagdaanan ng mga kapwa Pilipino natin noon sa gitna ng isang inter-imperyalistang giyera sa pagitan ng Allied at Axis Powers. Isang giyera na hindi naman natin ninais maging parte pero inudyok ng mga imperyalista at kolonisador para sa sarili nilang pang-ekonomiko at politikal na interes. 

Hindi nalalayo ang ipinapakita ng “Pulang Araw” sa kasalukuyang kalagayan pa rin ng bansa. Nanatiling nasa ilalim pa rin tayo ng isang kolonisador sa mukha ng imperyalismong United States at ginagamit tayong pang-upat laban sa panghihimasok ng China sa bansa.

Dagdag pa rito, pinagtitibay at pinapasok rin ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. ang mga hindi pantay na kasunduang militar sa iba pang mga imperyalistang bansa katulad ng Japan na malinaw na pagkalimot sa ginawang kahayupan ng mga Hapones sa kababaihang Pilipino.

Pero katulad rin noon, nananatili rin ang pagbalikwas at paglaban ng mamamayang Pilipino. Mula sa sinimulan ng mga armadong kilusan para sa kasarinlan noon, pinagpapatuloy ng Bagong Hukbong Bayan sa kanayunan ang paglaban para sa kalayaan at lipunang pagbabago sa bansa.