Talents ng GMA, wagi sa 11 taong kaso para kilalaning ‘regular’
Malinaw ayon sa Korte Suprema na nanilbihan bilang mga regular na empleyado ang mga miyembro ng Talents Association of GMA dahil sa kontrol na mayroon ang GMA Network.
Sa isang makasaysayang pagkapanalo para sa mga manggagawa, idineklara ng Korte Suprema na regular na empleyado ng GMA Network Inc. ang 94 miyembro ng Talents Association of GMA (TAG).
“Malinaw na mayroong employer-employee relationship sa pagitan ng GMA Network at ng mga respondent,” sabi ng hukuman sa resolusyon na may petsang Hul. 16, 2025 at isinapubliko nitong Ene. 24. Sinegundahan ng Korte Suprema ang nauna nang desisyon ng Court of Appeals noong 2019.
Malinaw ayon sa Korte Suprema na nanilbihan bilang mga regular na empleyado ang mga miyembro ng TAG dahil sa kontrol na mayroon ang GMA Network sa paraan at panahon ng paggawa na nakasaad sa general terms ng kanilang kasunduan.
“Hindi ito dapat umabot ng 11 na taon,” sabi ng TAG. “Panahon na para buwagin ng mga media company, lalo na mga broadcast network, ang kontraktuwalisasyon gamit ang talent system.” Lagpas isang dekada na nagtatrabaho para sa network ang ilan sa manggagawa mula TAG.
Halimbawa na si James Arce, 12 taon na camera operator ng GMA Network. Pumanaw siya noong 2023 na hindi naabutan ang pagtatapos ng kaso.
“Pumanaw si Mang James na hindi man lang nakalasap ng 13th month pay, vacation at sick leaves, insurance, HMO at iba pang benepisyo na dapat pala niyang natanggap noon pa,” sabi ng TAG. “Ito ang mukha at katotohanan ng dekada-dekadang mapang-abusong sistema, hindi lamang sa GMA-7, kundi sa buong industriya ng midya: broadcast, print, at online.”
Kasama rin sa desisyon ang hatol ng Korte Suprema na ilegal ang dismissal ng GMA Network sa 50 miyembro ng TAG na hindi ni-renew o terminated ang kontrata habang umuusad ang kaso.