Balik-Tanaw

Lorenzo Tañada: Dakila at makabayang estadista 


Matibay na nanindigan si Lorenzo “Ka Tanny” Tañada laban sa imperyalistang Amerika at diktadurang Marcos Sr. bilang makabayang estadista at aktibista.

Sa murang edad, ipinamalas na ni Lorenzo “Ka Tanny” Tañada ang hangaring tumindig para sa kapwa at sarili. Alam na ni Ka Tanny kung gaano kasahol ang ganitong pang-aalipin sa mga Pilipino noon pa man.

Nasa elementarya siya nang unang lumahok sa isang protesta laban sa Amerikanong principal ng kanilang paaralan. Ipinag-utos kasi nito na huwag umuwi ang mga bata tuwing Linggo para matapos ang isang playground.

Anak ng pinakahuling gobernadorcillo (katumbas ng alkalde ng bayan ngayon) ng Gumaca, Quezon sa ilalim ng kolonyalistang Espanya, ipinanganak si Ka Tanny sa Gumaca noong Ago. 10, 1898. Nag-aral siya ng hayskul sa De La Salle College (na ngayo’y De La Salle University) at nakapagtapos nang may pinakamataas na karangalan sa kanilang klase noong 1918.

Habang nag-aaral sa University of the Philippines (UP) para maging abogado, natapos niya ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) na may ranggong major. Sa isang talumpati na pinahintulutan ng administrasyon ng UP, nanawagan siya sa mga kapwa niya kadete na seryosohin ang kanilang pagsasanay para magamit laban sa mga Amerikano kung hindi ibibigay ang kalayaan ng Pilipinas. Matapos nito, pinagbitiw siya ng administrasyon ng UP sa ROTC, bago pa siya pag-initan at parusahan ng mga Amerikano.

Naging iskolar siya sa Amerika noong 1924 matapos maipasa ang pagsusulit para sa mga pensiyonado. Natapos niya noong 1928 ang Master of Laws sa Harvard University. Nakamit din niya ang Doctor in Civil Law meritissimus sa University of Santo Tomas. Sumailalim din siya sa pagsasanay ni United States Supreme Court Justice Felix Frankfurter.

Si Ka Tanny ang unang naging solicitor general ng Pilipinas bago at matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig mula 1940 hanggang 1941 at 1945 hanggang 1947. Siya ang pangunahing prosecutor o tagausig ng mga “makapili” o collaborator ng mga Hapones.

Unang nahalal bilang senador si Ka Tanny noong 1947. Nakilala siya sa pagiging makabayan at kontra sa mga maka-Amerikanong polisiya. Kasama siya sa nagbuo ng Anti-Bases Coalition na tumutol at nagpatalsik sa mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Kilala din siyang aktibista na tutol sa pagpapatayo ng mga nuclear power plant.

Nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang batas militar, masidhing tumutol si Tañada. Kasama ang kilalang abogadong si Jose “Pepe” Diokno at iba pa, nagmartsa sila lansangan para ipanawagan ang pagpapabagsak sa diktadura. 

Matapos paslangin si Sen. Benigno Aquino Jr. noong Ago. 21, 1983, pinangunahan niya ang pagbubuo ng Justice for Aquino, Justice for All na nagluwal ng mga higanteng kilos-protesta laban sa diktadurang Marcos Sr.

Kasama ni Leandro Alejandro na kalauna’y pinasalang ng militar sa panahon ng rehimen ni Corazon Aquino noong 1987, itinatag ni Ka Tanny ang Bagong Alyansang Makabayan o Bayan noong Mayo 1, 1985 at naging unang tagapangulo ng nito.

Namayapa si Ka Tanny noong Mayo 28, 1992 sa edad na 93.