Balik-Tanaw

Pagwawakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig


Nag-anunsiyo sa radyo si Emperador Hirohito ng Japan na sumusuko na ito sa sa mga puwersang “Allies” noong Ago. 15, 1945 at pormal na nilagdaan ang pagsuko noong Set. 2, 1945.

Sa isang radio announcement noong Ago. 15, 1945, ipinahayag ni Emperador Hirohito ng Japan ang kanilang pagsuko sa puwersang “Allies” at pormal na nilagdaan ang pagsuko ng bansang Japan noong Set. 2, 1945 na nagwakas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Bago pa sumuko ang mga Hapones, dumaan sa ilang negosasyon ang pagpapasuko sa kanila. Sa gitnang bahagi ng  1945, natatalo na ang kalakhang ng puwersang Hapones sa halos lahat ng panig ng mundo—South West Pacific, India, Marianas at maging dito sa Plipinas.

Hindi na kaya ng Imperial Japanese Navy na maglunsad na malakihang military operation kaya nanawagan ang mga banang United Kingdom, China at United States (US) na sumuko na lang ang Japan nang walang kondisyon.

Pinag-usapan at nilagdaan ito sa Potsdam, Germany mula Hul. 17 hanggang Ago. 2, 1945. At noong Ago. 26, 1945, inilabas ang Potsdam Declaration na nagpapanawagan sa pagsuko ng Japan para hindi nito sapitin ang tuluyang pagwasak sa kanilang bansa.

Pero bago pa man matapos ang pahayag ng pagpapasuko, batay sa Potsdam Declaration, ibinagsak ng United States ang dalawang bomba atomika sa Hiroshima noong Ago. 6, 1945 at sinundan ito noong Ago. 9, 1945. Aabot sa 150,000 hanggang 246,000 mamamayang Hapones ang namatay na karamiha’y sibilyan.

Kaya noong Sept. 2 1945, pormal na nilagdaan ng bansang Japan ang kanilang pagsuko sa ibabaw ng barkong USS Missouri ng US Navy sa Tokyo Bay.

Sa Pilipinas, nagsimula ang pananakop ng mga puwersang Hapones noong Dis. 8, 1941, 10 oras matapos lusubin ng mga eroplanong Hapones ang Pearl Harbor sa Hawaii.

Matapos nito, mabilis na nasakop ng mga Hapon ang Pilipinas mula 1941 hanggang 1945. Maraming pang-aabuso sa mga Pilipino ang ginawa ng mga sundalong Hapones—pagpatay, puwersahang pagpapatrabaho, panggagahasa at iba pa.

Hindi nagpatumpik tumpik ang mga Pilipino, bukod sa armadong puwersa ng gobyernong Commonwealth katulong ang mga puwersa mula sa Mexico, Australia at Amerika, nilabanan nila ang mananakop na Hapones. 

Sa panig naman ng Partido Komunista ng Pilipinas, binuo nito ang Hukbong Bayan Laban sa mga Hapones o Hukbalahap na naglunsad ng pakikidigmang gerilya. Kaya naman kahit noong nilisan ni Gen. Douglas McArthur ang Pilipinas noong Marso 1942, nagpatuloy ang pagpapalaya ng mga Pilipinong gerilya at mga naiwang kaalyadong puwersa. Kung tutuusin malapit ng matapos ang laban at halos nagapi na ang pwersang Hapon ng mga noong bumalik si McArthur noong Okt. 20, 1944 sa Leyte.

Mula Peb. 3 hanggang Mar. 3, 1945, ang labanan sa punong lungsod ng Maynila ang isa sa pinakamadugong labanan, maraming sibilyan ang pinagpapatay ng mga sundalong Hapones.

Samantalang wasak na wasak ang halos buong siyudad sa pambobomba ng US. Sa kabuuan, libo-libong sibilyan at sundalong Pilipino ang namatay sa digmaan, nag-iwan din ito ng wasak na mga kabahayan at gusali at bagsak na ekonomiya. 

Sa panig ng mamamayang Hapones, matinding aral ang iniwan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kaya naman sa kanilang Saligang Batas, na nasa Artikulo 9, ang kanilang pagtalikod sa karahasan. Pero pinipilit naman itong alisin ng mga politikong miliatrista.