Balik-Tanaw

Sino si Plaridel?


Tinaguriang “Ama ng Peryodismong Pilipino,” isinilang si Marcelo H. del Pilar noong Ago. 30, 1850. Ginugunita rin ang araw ng kanyang kaarawan bilang National Press Freedom Day.

Kilala siya sa sagisag-panulat na Plaridel, isang manunulat, peryodista at abogado. Siya ang pumalit kay Graciano Lopez-Jaena bilang patnugot ng pahayagang La Solidaridad noong 1889 sa Espanya. Siya si Marcelo H. del Pilar, ipinanganak noong Ago. 30, 1850 sa Bulakan, Bulacan.

Mula siya sa angkan ng mga principalia, mga Pilipinong nagmamay-ari ng malawak na lupaing agrikultural at palaisdaan. Kadalasang sila din ang mga Pilipinong nakapag-aral at nagiging mga opisyal ng pamahalaang lokal—tulad ng ama niyang si Julian Hilario del Pilar na tatlong beses na naging gobernadorcillo (katumbas ng alkalde ngayon).

Bago pa maging patnugot ng La Solidaridad, tutol na siya sa pamamalakad ng mga paring Kastila. Patunay nito ang pagsuspinde at pagpapakulong sa kanya dahil sa alitan nila ng isang pari sa Universidad de San Tomas (UST), dahil sa mataas na singil sa pagpapabinyag noong 1869. Kasama din si del Pilar sa isang grupo ng mga intelektuwal na naglulunsad ng talakayan hinggil sa pang-aabuso ng mga paring Kastila, pagpapalaya sa bayan at pakikidigma.

Bahagi si del Pilar sa kilusang sekularisasyon—pakikibaka ng mga paring Pilipino laban sa pamamahala ng mga prayleng Kastila. Patunay nito ang pagsunog niya sa mga sulat ni Fr. Mariano Sevilla, para iligtas ang pari nang pumutok ang pag-aaklas sa Cavite noong Ene. 20, 1872 na nagresulta sa pagdakip, pagkulong at pagbitay sa mga paring sina Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora

Tumigil man sa pag-aaral si del Pilar, nakapagtapos siya ng abogasya at nagtrabaho bilang tagapayo at manunulat. Naging aktibo siya sa paglalantad sa kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng kolonyal na pamahalaan ng Espanya.

Kasama sina Basilio Teodoro Moran at Basilio H. Poblete, itinatag nila ang Diariong Tagalog na kauna-unahang pahayagang isinulat sa mga wikang Tagalog at Kastila. Una itong nilimbag noong Hul. 1, 1882 na naging instrumento upang kondenahin ang karahasan at pagmamalupit ng mga prayle at pamahalaan sa ilalim ng pamamalakad ng mga Espanyol. Ngunit dahil sa gipit sa pondo nagsara ang operasyon nito noong Oktubre ng parehong taon.

Sa poot ng mga Kastila sa kanya, tinagurian siyang filibustero (suwail) at erehe (isang taong tutol sa doktrina ng simbahan), at tinangkang arestuhin dahil sa kanyang gawaing propaganda. Pero bago pa siya arestuhin, nagpasya siyang umalis ng Pilipinas at manatili sa Espanya, kasama ang iba pang mga Pilipinong ilustrado na bahagi ng kilusang reporma at propaganda.

Bago tumulak patungong Espanya, binuo niya ang Caja de Jesus, María y Jose na may layuning ipagpatuloy ang propaganda at pagbibigay edukasyon sa mga maralitang bata.

Namatay si del Pilar noong Hul. 4, 1896 sa sakit na tuberculosis. Bilang paggunita sa kanyang kontribusyon sa peryodismo sa Pilipinas, itinakdang National Press Freedom Day ang Ago. 30 kada taon.