Tulong militar ng US sa Pinas, pondo sa paglabag sa karapatang pantao–Karapatan


Nangako ang Amerika na magbibigay ng $500 milyon tulong militar sa Pilipinas, ngunit pinangangambahang gagamitin ito sa ibayong paglabag sa karapatan.

Nagbabala ang human rights watchdog na Karapatan sa pinakabagong pangako ng United States na $500 milyon na tulong militar sa Pilipinas na gagamitin lang ng gobyernong Ferdinand Marcos Jr. sa paglabag sa mga karapatang pantao at pandaigdigang makataong batas.

Ani Karapatan secretary general Cristina Palabay, inilalaan na ng rehimeng Marcos Jr. ang malaking badyet ng militar upang palakasin ang kakayahan sa paniniktik at bumili ng karagdagang kagamitang pandigma na ginagamit din sa pambobomba sa mga komunidad at lupang sakahan ng mga magsasaka sa kanayunan

Nabahala rin si Palabay sa posilidad na pagtaas ng karahasan at pang-aabuso sa mga Pilipino. Nagpanukala din ang rehimeng Marcos Jr. ng 51% na dagdag na badyet sa militar sa 2025.

Ayon sa 2025 National Expenditure Program, tumaas ng 6% ang pondo ng Armed Forces of the Philippines at 4% naman sa Philippine National Police.

Humihingi rin ang administrasyon ng P7.8 bilyon para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at P5.3 bilyon naman sa Payapa at Masaganang Pamayanan Program para sa kontra-insurhensiya sa “conflict-afflicted and conflict-vulnerable areas.”

Binigyang-diin din ni Palabay ang pangangailangang suriin ang panukalang badyet para sa 2025 upang matiyak na  mapupunta sa kapakanan ng mga Pilipino ang pondo ng bayan sa halip na gamitin para paigtingin ang  paglabag sa karapatang pantao.