‘Bagong pork barrel’ sa ilalim ni Marcos Jr.
Nakababahala ang malalaking tapyas sa pondo sa mga serbisyo sa mamamayan. Ngunit mas nakababahala ang bundat na unprogrammed funds o pondong nakatambay lang kung sakaling gustong pakinabanagan ng mga alyadong mambabatas ng pangulo

“Winawaldas, sinasaula ang pera ng taumbayan ng kongresong ito,” sigaw ni Bagong Alyansang Makabayan chairperson at dating Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casiño sa isang protesta ilang araw bago pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pambansang badyet para sa 2025.
Senatorial candidate ngayon si Casiño sa ilalim ng Koalisyong Makabayan, pero tanda niya ang mga matitinding bakbakan tuwing nagiging usapan ang pondo ng gobyerno.
Pero pambihira nga naman ngayon. Kaparehas ang obserbasyon ni Casiño at ng marami pang eksperto: ito na ang pinakakorap na badyet sa kasaysayan ng bansa.
“Dapat isauli ang mga ninakaw ninyo sa mga ahensiyang pondo para sa taumbayan,” giit ni Casiño.
Dagdag-bawas
Napansin ng kilalang budget analyst na si Zy-za Suzara na tuwing bicameral conference o bicam, ang huling pagpupulong ng Kamara at Senado para mapinal ang badyet, dali-daling isiningit ng mga mambabatas ang kung ano-anong dagdag sa badyet at mga dambuhalang kaltas.
Sa nakaraang bicam, ipinasok ang P288.6 bilyon sa dati nang higanteng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaya lumobo sa Php1.11 trilyon ang rekurso ng ahensiya.
Pinuna ni Suzara ang malaking dagdag na ito bilang “pabor lamang sa politiko.” Ang tipak ng pondo ay mapupunta lang sa mga “hyper-local” na proyekto ng mga kongresista gaya ng mga pagpapatayo ng mga kalsada, multi-purpose hall, at iba pa. Gayundin ang mga pabuya o assistance ng mga politiko sa mga distrito.
Kung pamilyar ito sa atin, ito’y dahil ganyan naman ang kalakaran noong may Priority Development Assistance Fund (PDAF) pa o kilala din sa tawag na “pork barrel.”
Samakatuwid, paliwanag ni Suzara sa ABS-CBN News Channel, itong P288 bilyon ay pawang panibagong pork barrel kagaya ng iba pang hinabol ng bicam sa badyet.
“Wala tayong patutunguhan. Ang tanging yayaman ay ang mga politikong ganid sa pork at confidential funds,” bira ni Suzara sa kanyang post sa X (dating Twitter).
May pinasok ding dagdag P373 bilyon sa unprogrammed funds o pondong nakatambay lang kung sakaling gustong pakinabanagan ng mga alyadong mambabatas ng pangulo. Mismong Kongreso pa ang nagdagdag ng P17.3 bilyon para sa House of Representatives at P1.1 bilyon para sa Senado.
At hindi rin nagpahuli ang opisina mismo ni Marcos Jr. dahil kagaya ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte, mayroon din siyang confidential funds na P5.4 bilyon.
Binatikos ni Mimi Doringo, lider ng Kalipunan ng Damayang Mahihitap at Makabayan senatorial candidate, ang bilyon-bilyong pondo na tila nakahain na sa lamesa para sa mga alyado ng pangulo.
“Ang masaklap pa, itong ‘bagong pork barrel’ ay resulta ng malalaking kaltas sa pondo na dapat sana’y para sa mahihirap,” ani Doringo.
Nakababahala ang malalaking tapyas sa pondo sa mga serbisyo sa mamamayan. Kabilang dito ang P43.2 bilyon na bawas sa suportang irigasyon sa mga magbubukid; ang P25.8 bilyon kaltas sa badyet ng serbisyong pangkalusugan; at wala pa riyan ang P74.4 bilyong subsidyo ng PhilHealth na binura. May ibinawas ding P95.9 bilyon mula sa tulong pinansiyal na maaaring makuha mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Tinukoy pa ni Doringo ang aniyang “napakasakit sikmurain” na kaltas: ang P50 bilyong bawas sa pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na para sana sa pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.
May 4.4 milyong benepisyaryo ang 4Ps na nakatatanggap ng buwanang tulong na umaabot sa P8,000 kada pamilya. Halos kalahati ng kabuuang pondo ang mawawala. Ibig sabihin, posibleng may nasa 2 milyong pamilya ang hindi na makakatanggap ng 4Ps sa 2025.
Binura rin ang P17.2 bilyon sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (Tupad) Program na ayuda ng Department of Labor and Employment para sa mga biglang nawalan ng trabaho, mga manggagawa sa impormal na sektor at mga nalawan ng hanapbuhay dahil sa kalamidad o sakuna.
Sa kasamaang palad, hindi na bago ito ani Suzara. Sa kanyang tala, lumalabas na nasa 20% ng taunang badyet ang napupunta lang sa “hard infrastructure” at “soft projects” ng mga politiko.
Bulnerable ang mga pondong ito sa pandarambong at kadalasang nagmumula pa sa inutang ng gobyerno sa ibang bansa o international financial institutions, paliwanag ng eksperto.
“Hinigop ng mga pet project ng mga politiko ang dapat sana’y ayuda at serbisyo sa taumbayan. Ang kakapal! Saksakan ng kurap at timing pa sa eleksiyon ngayong taon. Halatang gagamitin lang nila para magpalakas sa mga botante,” ani Doringo.
Ayuda kapalit ng boto
Hindi maipagkakaila, sabi ng ekonomistang si Noel Leyco, na nakadisenyo rin ang badyet para magpalawig ng pampolitikang impluwensiya ang mga nasa poder.
“Malaki ang konsiderasyong pampolitika dahil election year,” ani Leyco.
Liban sa akses na makukuha ng mga mambabatas para sa lokal na proyekto, tinutukoy niya ang programang ang Ayuda para sa Kapos and Kita Program (AKAP) sa ilalim ng DSWD, panibagong pagmumulan ng ayuda na kontrolado ng mga nakaupong mambabatas.
Kaiba ito sa 4Ps na may proseso ng verification, ang AKAP ay para sa kahit sinumang kumikita ng minimum wage at apektado umano ng inflation. At isa pang malaking pagkakaiba ay mga politiko ang magtatakda kung sino ang makakatanggap mula sa P26 bilyong inilaan sa bagong programa.
“Posibleng magamit na panuyo sa mga botante,” paliwanag ni Leyco. Tinawag din niya itong “arbitrary” na kasangkapan para sa mga hangarin sa eleksiyon ngayong taon.
May supermajority si Marcos Jr sa parehong kapulungan ng Kongreso. Gamit ang nakalaang rekurso, pinangangambahang lalong humigpit ang kapit ng naghaharing pamilya sa buong gobyerno.
Para naman sa independent think tank na Ibon Foundation, ang panibagong pork barrel sa gobyerno ay hindi lang para sa interes ng politiko, kundi pati ng mga kasosyo nilang mga lokal at dayuhang korporasyon.
Ayon sa Ibon Foundation, wala sa mga pinakamahihirap na komunidad ang karamihan sa mga proyekto ng mga politiko kundi nasa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog—mga sentro ng kapital at special economic zone na puro malalaking korporasyon at dayuhang kompanya.
Ipinapakita raw ng badyet ang “baluktot na prayoridad” ng administrasyong Marcos Jr. ani Ibon Foundation executive director Sonny Africa.
“Napakadaling maglaan ng daang bilyong piso para sa pork barrel projects at imprastruktura para magpayaman ang mayayaman. Samantala, ang mamamayan kailangang manlimos at makibaka sa bawat piso para sa edukasyon, kalusugan, pabahay at ayuda na dapat ay natatamasa nila bilang karapatan at obligasyong ibigay ng pamahalaan,” ani Africa.
Mabuti pa, ayon kay Casiño, kung ibabalik ang pondo sa dati bago pa nakialam ang bicam. Sinabi rin ng lider na walang transparency ang buong proseso ng deliberasyon at basta na lang binago ang badyet ayon sa gusto ng mga kaalyado ni Marcos Jr.
“Dapat mag-realign ng pondo sa iba’t ibang programang may direktang tulong sa mamamayan, sa ilalim man ng DSWD, DA (Department of Agriculture), DOH (Department of Health) at DAR (Department of Agrarian Reform). Dapat tiyakin na ang mga benepisyaryo ay makikinabang sa pondong ito kahit pa hindi nagpapaalam sa sinumang politiko,” ani Casiño.