Pananagutang pilit tinatakasan
Malinaw na ayaw magsabi ng totoo ng bise presidente. Malinaw na insulto ito sa mamamayang Pilipinong dapat pinagsisilbihan niya. Sa ganitong gana, lalong nabubuo ang imahe ng malawakang korupsiyon at abuso sa kapangyarihan o “betrayal of public trust” ni Sara Duterte. Lalong nagiging makatarungan ang mga panawagang panagutin siya.
Pinalaki ang mga batang Pilipino sa mga paalala ng nakatatanda na ang bawat aksiyon ay may kaakibat na konsekuwensiya. Kung anong itinanim, siya ring aanihin, ika nga. Babalik sa sinuman ang mga nagawa niyang kasalanan. Kaya mahalagang maging matapat, maingat at mapanuri sa mga kinikilos sa lahat ng pagkakataon.
Responsibilidad ng bawat nakaluklok na opisyal ng goobyerno ang magpaliwanag sa mamamayan sa bawat paggasta sa kada sentimo ng kaban ng bayan. Pagpapakita man lang ng respeto at hiya para sa mga taong nagluklok sa iyo at sa mga taong nagpapagod para lang may pondong magagasta. Pero wala ata sa bokabularyo ni Sara Duterte ang mga salitang respeto at hiya!
Ilang ulit na niyang inisnab at binastos ang pagdinig ng Kamara hinggil sa paglulustay ng pondo ng Department of Education (DepEd) na dati niyang pinamunuan at ng Office of the Vice President (OVP). Hindi ata nasanay, dahil sa nakalipas na mga taon, noong isang kaibigan pa si Ferdinand Marcos Jr., pinalulusot na ng parliamentary courtesy.
Ngayong taon, dahil ‘di na sila magkaibigan, lumabas ang tunay na maitim na budhi ng bratinelang Duterte, ayaw natatanong at ayaw nagpapaliwanag, walang ibang bukambibig kung hindi siya ay “pinopolitika.” Feel na feel ni Duterte na siya’y “biktima ng politika,” kinakalimutan na galing sya sa isa sa mga angkan ng pinakamasasahol na politiko.
Palagi ang ugaling “bratinela” ni Duterte dahil alam niyang aaluin siya ng kanyang amang dating presidente ng Pilipinas, ng isa pang dating presidente na ngayo’y kongresista, at ng iba pang kaibigan sa Mababang Kapulungan.
Nitong Set. 23 lang, hindi sumipot ang bise presidente sa deliberasyon ng plenaryo ng Kamara para sa hinihinging pondo ng OVP sa 2025. Wala ring tumayong representante mula sa kanyang opisina at ni paliwanag kung bakit hindi makadadalo sa naturang pagdinig.
Sa pangalawang round ng pagdinig ng Committee on Appropriations ng Kamara noong Set. 10, hindi nasagot ang tanong ng mga mambabatas tungkol sa milyong-milyong pondong nilustay dahil wala si Duterte o sinuman mula sa OVP.
Minsan na nga lang dumalo ang bise presidente, kasamaan pa ng ugali ang ipinakita. Wala namang nakuhang paliwanag ang taumbayan kung saan napunta ang P125 milyong confidential funds na winaldas sa loob lang ng 11 araw noong 2022 at sa P73 milyong confidential funds ng OVP na nakitaan din ng iregularidad ng Commission on Audit (COA).
Gayundin sa maanomalyang P12.3 bilyong pondo ng DepEd noong 2023 at kuwestiyonableng pondo tulad ng P1.6 bilyon para sa procurement ng DepEd sa computerization program at feeding program nito. Sino’ng makakalimot ng kanyang mga linyang “shimenet” para ibaling ang usapin sa politika kaysa umako ng pananagutan? Sabi nga ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, parang “pusit” na nagbubuga ng itim na tinta kapag nasusukol.
Sa pagdinig din ng Good Governance and Public Accountability Committee ng Kamara nitong Set. 18, bagaman sumipot si Duterte, kabastusan na naman ang ipinakita. Hindi siya nanumpa na karaniwang ginagawa ng mga saksi at resource person. Hambog na kinatuwiran niya ang teknikalidad na wala raw sa panuntunan ng komite na manumpa ang mga inimbitahang resource person tulad niya, na hinayaan lang din ng komite!
Malinaw na ayaw magsabi ng totoo ng bise presidente. Malinaw na insulto ito sa mamamayang Pilipinong dapat pinagsisilbihan ni Duterte. Sa ganitong gana, lalong nabubuo ang imahe ng malawakang korupsiyon at abuso sa kapangyarihan o “betrayal of public trust” ni Duterte. Lalong nagiging makatarungan ang mga panawagang panagutin siya.
Habang makatuwiran at makatarungang alisin sa puwesto si Sara Duterte, hindi dapat nating patakasin sa pananagutan ang makasaysayang magnanakaw ng kaban ng bayan! Dapat ding igiit ang paggigisa sa napakalaking budget ng Office of the President at kastiguhin din ito sa paglustay ng pera ng mamamayan sa kanyang mga trip abroad na akala mo ay bakasyon galore! Ang opisina ni Marcos Jr. ang may pinakamalaking confidential at intelligence fund para sa 2025 budget.
Kung wala man sa bokabularyo nina Marcos Jr. at Duterte ang salitang pananagutan, marapat na ituro ng mamamayan ang ibig sabihin nito! Turuan at paalalahanan ng sambayanan na ang lugar ng mga magnanakaw at sinungaling ay sa kangkungan!